2021
Paano Palaging Mapapasaatin ang Espiritu
Marso 2021


“Paano Palaging Mapapasaatin ang Espiritu,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2021, 26-29.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Paghahanda para Palaging Mapasaatin ang Kanyang Espiritu

Ang paghahandang makibahagi nang karapat-dapat sa sakramento bawat linggo ay makatutulong sa atin na laging mapasaatin ang Espiritu.

mga binatilyong nagpapasa at tumatanggap ng sakramento

Noong ako ay 12 taong gulang, sumama ako sa aking pamilya sa pagbisita sa mga makasaysayang lugar ng Simbahan sa upstate New York, USA. Sa Sagradong Kakahuyan, naaalala ko na nagnilay ako tungkol sa Unang Pangitain at sa iba pang mga kahanga-hangang pangitain na nakita ni Joseph at naisip ko, “Wow! kung magkakaroon ako ng kamangha-manghang espirituwal na karanasan sa mga nilalang sa langit tulad ni Joseph, kumpleto na ang buhay ko.”

Natutuhan ko mula noon na sa halip na isang matinding espirituwal na karanasan sa buhay ko, kailangan ko ng madalas na maliliit na karanasan para manatili akong matatag sa aking patotoo at ligtas sa landas pauwi. Batid ng Ama sa Langit na kailangan natin ng palagiang patnubay sa ating buhay, at naghanda Siya ng paraan para matanggap natin ito.

Para sa lahat ng mga may sapat na pananampalataya sa Kanyang Anak na magsisi at magpabinyag, ibinibigay Niya ang kaloob na Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng lingguhang ordenansa ng sakramento, ibinibigay Niya sa atin ang posibilidad na “sa tuwina ay [mapasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” kung aalalahanin natin ang Tagapagligtas at susundin ang Kanyang mga utos (Doktrina at mga Tipan 20:77). Dahil dito ay posible nating matamo ang araw-araw na patnubay ng Espiritu sa ating buhay kapag ginamit natin ang ating kalayaan sa paggawa ng mga desisyon na tutulong sa atin sa landas pabalik sa Ama sa Langit.

Ang Sakramento at ang Espiritu

sakramento

Batid ng Ama sa Langit na kailangan natin ng palagiang patnubay sa ating buhay, hindi lamang ng mga minsanang malalaking karanasan. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik Niya ang ordenansa ng binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, na tumutulong sa atin na maging malinis. Sa gayon ay handa tayong tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, na nagbibigay sa atin ng posibilidad na magabayan tayo ng Espiritu sa bawat araw.

Batid ng Ama sa Langit na ang pagiging malinis nang minsan ay hindi sapat at kailangan nating alalahanin ang Tagapagligtas at maging malinis nang palagian upang mapanatili sa atin ang Espiritu. Ipinanumbalik Niya ang ordenansa ng sakramento para sa layuning iyon. Kung maingat tayong maghahanda at palagiang makikibahagi sa sakramento, pinangakuan tayo na “sa tuwina ay mapasaatin ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (Doktrina at mga Tipan 20:77; idinagdag ang pagbibigay-diin ).

Gayunman, ang pagpunta lamang sa Simbahan at pagkain ng tinapay at pag-inom ng tubig ay hindi nagtutulot sa atin na makita ang pangako ng Panginoon. Ang ating sadyang paghahanda para sa ordenansang ito ay nagbibigay-kakayahan sa atin na matanggap ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay.

Hindi nagiging mahusay ang mga atleta sa pamamagitan lamang ng pagsusuot ng isang uniporme o paglalakad papunta sa laruan o sa playing field. Dapat nilang sanayin ang kanilang katawan, matutuhan ang mga pamamaraan, at magsanay upang maging mahusay sa kanilang isport. Gayundin, dapat nating matutuhan kung paano maghandang makibahagi sa sakramento nang mapitagan at karapat-dapat upang matanggap natin ang kapangyarihang maibibigay Niya sa atin.

Ang isang paraan para maihanda ang iyong puso at espiritu na makibahagi ng sakramento ay ang pagsasagawa ng isang maliit na interbyu sa iyong sarili bawat linggo. Gusto kong ginagamit ang Doktrina at mga Tipan 20:37 para interbyuhin ang aking sarili. Ang talatang ito ay naglalaman ng mga kailangan para sa binyag na inihayag ng Diyos kay Propetang Joseph. Naglalaman ito ng mga katangiang dapat matugunan ng lahat ng nais magpabinyag. Natutuhan ko na nakatutulong ito sa akin na ihanda ang aking sarili na tanggapin ang mga nagpapanibagong pangakong makakamtan sa pamamagitan ng sakramento.

dalagitang nagninilay

Larawan mula sa Getty Images

Gamit ang banal na kasulatang iyon bilang gabay ko, narito ang ilan sa mga tanong ko sa sarili ko para makita kung handa akong makibahagi sa sakramento.

Nagpakumbaba ba ako sa harap ng Diyos?

Ang unang kailangan na nakalista sa Doktrina at mga Tipan 20:37 ay magpakumbaba sa harap ng Diyos. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtanggap at pagiging handang sundin ang Kanyang kalooban tulad ng nakasulat sa mga banal na kasulatan, itinuro ng Kanyang mga lingkod, o ng mga pahiwatig na tinatanggap natin.

Tinatanong ko ang sarili ko kung sinusuway ko ang Diyos sa anumang bagay sa buhay ko ngayon. Nilalabanan ko ba ang Kanyang direksyon? Nakatuon ba ako sa mga turo ng Kanyang mga lingkod? Kung hindi, gumagawa ako ng mga plano para humusay at nangangakong magpakabuti habang naghahanda akong makibahagi sa sakramento. Batid ng Diyos ang lahat—kapag kinikilala ko na nakikita Niya ang kabuuan ng buhay ko, mas madali akong magpakumbaba sa harapan Niya at magtiwala na gagabayan Niya ako tungo sa pinakamainam.

Mayroon ba akong bagbag na puso at nagsisising espiritu?

Ang pagkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay may kaugnayan sa pagpapakumbaba. Ibig sabihin ay pagiging handang sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang pagiging mapagpakumbaba ay ang pagsasabi na tayo ay nagsisisi at nagpapatawad kahit mahirap o kung pakiramdam natin ay mali ang iba. Masasabi mo ba na, “Mabuti ba ang nadarama ko para sa lahat”? May nasaktan ka ba sa sinuman sa paligid mo, o mayroon ka bang sama-ng-loob sa isang tao? Kailangan mo bang humingi ng tawad?

Kapag ako ay may bagbag na puso at nagsisising espiritu, handa akong magsikap na makipag-ayos sa Diyos at sa mga nasa paligid ko. Sinisikap kong alisin ang mga negatibong kaisipan at damdamin sa iba. Hindi nananahan sa atin ang Espiritu kapag mayroon tayong negatibong damdamin, kaya’t ang pag-aalis natin sa mga ito ay isang mahalagang hakbang sa paghahanda ng ating sarili sa pagtanggap ng pangako ng sakramento.

Hangad ko bang maging malinis muli, at makapagpapatotoo ba ako na nakapagsisi na ako sa lahat ng aking kasalanan?

Ang isa pang kailangan sa Doktrina at mga Tipan 20:37 ay ang “tunay na [pagsisihan ang] lahat ng ating kasalanan.” Noong bininyagan tayo, nalinis tayo mula sa ating mga kasalanan. Nangako tayo na magsisikap tayong sundin ang mga utos ng Diyos at magsisisi kapag nagkakamali tayo.

Itinatanong ko sa sarili ko, “Tinatanggap ko ba ang sakramento dahil lamang iniisip ko na dapat, o dahil talagang nais kong maging malinis muli?” Ginugunita ko ang aking mga kasalanan at pagkakamali sa linggong iyon at tinatanong ko ang sarili ko kung talagang gusto kong magbago at iwaksi ang mga ito. Kapag hinangad mong maging malinis, makikita mo, sa pamamagitan ng Espiritu, ang mga bagay na kailangan mong pagbutihin, at patuloy ka Niyang hihikayatin na magsisi at gumawa ng mas mabubuting pasiya.

Ang pagtatapat sa Panginoon (at sa iba na maaaring nasaktan o nainsulto natin kung kailangan) ay bahagi ng ating paghahanda.

Itanong sa iyong sarili, “May kailangan ba akong baguhin na hindi ko pa nagagawa? Mayroon pa ba akong kailangang pagsisihan?” Ang paglutas ng mga isyu sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi ay makatutulong sa atin na maging karapat-dapat na makibahagi sa sakramento.

Handa ba akong taglayin sa aking sarili ang pangalan ni Jesucristo?

Bawat tipan na ginagawa natin ay nagpapakita ng tapat na pangako na taglayin ang pangalan ni Cristo sa ating sarili nang mas lubusan. Kapag bininyagan tayo, ipinapakita natin na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at sundin ang Kanyang mga kautusan. Kapag gumagawa tayo ng mga karagdagang tipan sa templo o tumatanggap ng mga tungkulin, higit nating tinatanggap ang layunin ni Cristo at ang Kanyang mga turo. Ang pagpapakita ng kahandaan nating taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan bilang bahagi ng sakramento bawat linggo ay nangangahulugan na muli nating gagawin ang lahat ng tipan at pangako na ginawa na natin noon sa Kanya.

Sa pagsusuri sa aking paghahanda para makibahagi sa sakramento, itinatanong ko sa sarili ko ang mga tulad nito: “Ginagawa ko ba ang lahat para maging halimbawa ni Cristo at ng Kanyang mga turo? Tinutupad ko ba ang lahat ng pangakong ginawa ko na may kinalaman sa aking mga tipan? Ako ba ay nakatuon ngayon kay Cristo at sa aking mga tipan sa Kanya tulad noong araw na ginawa ko ang mga ito?”

May determinasyon ba ako na paglingkuran Siya hanggang sa huli?

Nangako tayo sa Panginoon noong ginawa natin ang ating mga tipan sa binyag na sisikapin nating sundin ang Kanyang mga utos. Ang dalawang pinakadakilang utos ay ang ibigin ang Panginoon at ibigin ang iyong kapwa (tingnan sa Mateo 22:36–40). Ipinakikita natin ang ating pagmamahal kapwa sa Diyos at sa ating kapwa-tao sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila.

Itinatanong ko sa sarili ko, “Naglalaan ba ako ng oras para makapaglingkod? Atubili ba akong maglingkod, o masaya ba akong maglingkod?” “Sinisikap ko bang gampanan ang aking tungkulin?” Ang paglilingkod sa iba ay isang napakagandang paraan ng paghahanda na makibahagi ng sakramento. Katunayan, kadalasan ay sa paglilingkod sa iba natin kakailanganin ang patnubay ng Espiritu.

Magtiwala sa mga Pangako ng Panginoon

Habang sadya tayong naghahanda linggu-linggo na maging karapat-dapat na makibahagi ng sakramento, magiging marapat tayo na palaging mapasaatin ang Espiritu para impluwensyahan at gabayan ang ating buhay. Isang pangako iyon mula sa Panginoon.