2021
Ang Sentro ng Pasko ng Pagkabuhay: Ang Buhay na Jesucristo
Marso 2021


“Ang Sentro ng Pasko ng Pagkabuhay: Ang Buhay na Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2021, 2–5.

Ang Sentro ng Pasko ng Pagkabuhay: Ang Buhay na Jesucristo

Sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay, nagsasaya tayo na buhay si Jesucristo ngayon at para sa ating lahat.

Ang pagpasok ni Jesucristo sa Jerusalem sakay ng asno

Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang buhay na Jesucristo. Nang may perpektong pagmamahal, tinitiyak sa atin ng Tagapagligtas: “Sa akin ay mag[ka]karoon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33).

Sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay, nagsasaya tayo na buhay si Jesucristo—hindi lamang noon, kundi ngayon; hindi lamang para sa iilan, kundi para sa lahat. Siya ay dumating at darating upang pagalingin ang mga bagbag na puso, palayain ang mga bihag, ibalik ang paningin ng mga bulag, at palayain ang mga naaapi (tingnan sa Lucas 4:18). Iyan ang bawat isa sa atin. Makakamtan ang Kanyang mapantubos na mga pangako, anuman ang ating nakaraan, ating kasalukuyan, o mga alalahanin sa hinaharap.

Hosana at Aleluia

Sa Linggo ng Palaspas, pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng asno at maraming “tao … [ang] kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya” (Juan 12:12–13; tingnan din sa Mateo 21:8–9; Marcos 11:8–10). Ayon sa kaugalian, ang mga palma (o palaspas) ay sagradong simbolo upang magpahayag ng kagalakan sa ating Panginoon. Naunawaan ito ng matatapat bilang katuparan ng propesiya at nang may kabatiran ay sumigaw ng “Hosana sa kataas-taasan!” (Mateo 21:9). Ang ibig sabihin ng Hosana ay “magligtas ngayon” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosanna”).

Isang linggo pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ay Pasko ng Pagkabuhay. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na si Jesucristo ay “pumarito upang bayaran ang utang na hindi Kanya dahil may utang tayo na hindi natin kayang bayaran.”1 Tunay ngang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, lahat ng anak ng Diyos ay “maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Sa Pasko ng Pagkabuhay, kumakanta tayo ng aleluia. Ang ibig sabihin ng Aleluia ay “purihin ninyo ang Panginoong Jehova” (tingnan sa Bible Dictionary, “Hallelujah”).

Ang mga sagradong pangyayari sa pagitan ng Linggo ng Palaspas at ng Linggo ng Pagkabuhay ay ang mga kuwento tungkol sa hosana at aleluia. Ang hosana ay pagsamo natin sa Diyos na magligtas. Ang aleluia ay nagpapahayag ng papuri sa Panginoon para sa pag-asa ng kaligtasan at kadakilaan. Sa hosana at aleluia, kinikilala natin ang buhay na Jesucristo bilang sentro ng Pasko ng Pagkabuhay.

Jesucristo

Pagpapanumbalik at Pagkabuhay na Muli

Sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, noong Abril 3, 1836, sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik, nagpakita ang buhay na Jesucristo pagkatapos ilaan ang Kirtland Temple. Ang mga nakakita sa Kanya roon ay nagpatotoo sa Kanya gamit ang magkatugma at magkasalungat na apoy at tubig: “Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig, maging ang tinig ni Jehova” (Doktrina at mga Tipan 110:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa okasyong iyon, ipinahayag ng Tagapagligtas, “Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama” (Doktrina at mga Tipan 110:4). Muli, magkatugma at magkasalungat—una at huli, nabubuhay at pinaslang. Siya ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas (tingnan sa Apocalipsis 1:8; 3 Nephi 9:18; Doktrina at mga Tipan 19:1; 38:1; 45:7), ang may-akda at tagatapos ng ating pananampalataya (tingnan sa Mga Hebreo 12:2; Moroni 6:4).

Pagkatapos ng pagpapakita ni Jesucristo, dumating din sina Moises, Elias, at Elijah. Ayon sa banal na utos, ipinanumbalik ng dakilang sinaunang mga propetang ito ang mga susi at awtoridad ng priesthood. Kaya, “ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala” (Doktrina at mga Tipan 110:16) sa loob ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan upang pagpalain ang lahat ng anak ng Diyos.

Mahalagang pansinin na inilarawan sa Aklat ni Mormon ang “kapangyarihan at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo” (Alma 41:2)—ang diwa ng Pasko ng Pagkabuhay—sa dalawang pagpapanumbalik.

Una, kasama sa pagkabuhay na mag-uli ang pisikal na pagpapanumbalik ng ating “wasto at ganap na anyo”; “bawat biyas at kasu-kasuan,” “maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala” (Alma 40:23). Ang pangakong ito ay nagbibigay ng pag-asa sa mga nawalan ng biyas; o sa mga nawalan ng paningin, pandinig, o hindi makalakad; o yaong mga nawalan ng katinuan dahil sa malubhang sakit, karamdamam sa pag-iisip, o iba pang kapansanan. Nakikita Niya tayo. Pinagagaling Niya tayo.

Ang pangalawang pangako ng Pasko ng Pagkabuhay at ng Pagbabayad-sala ng ating Panginoon ay “lahat ng bagay ay manu[nu]mbalik sa kanilang wastong kaayusan” sa espirituwal na paraan (Alma 41:4). Ang espirituwal na pagpapanumbalik na ito ay nagpapakita ng ating mga gawa at hangarin. Ipinanunumbalik nito ang para “doon sa mabait,” “mabuti,” “makatarungan,” at “maawain” (Alma 41:13). Hindi nakapagtatakang ginamit ni propetang Alma ang salitang panunumbalik nang 22 beses2 sa paghimok niya sa ating “makitungo nang makatarungan, humatol nang makatwiran, at patuloy na gumawa ng mabuti” (Alma 41:14).

Dahil “Diyos na rin ang [nag]bayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan,” (Alma 42:15), magagawang buo ng Pagbabayad-sala ng Panginoon hindi lamang ang naging kundi ang magiging. Dahil alam Niya ang ating mga pasakit, hirap, mga karamdaman, at “lahat ng uri ng tukso,” (Alma 7:11), matutulungan Niya tayo, nang may awa, ayon sa ating mga kahinaan (tingnan sa Alma 7:12). Dahil ang Diyos ay isang “ganap [at] makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos,” ang plano ng awa ay “[makatutugon sa] hinihingi ng katarungan” (Alma 42:15). Nagsisisi tayo at ginagawa ang lahat ng ating makakaya. Niyayakap Niya tayo magpakailanman sa “mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15).

Umaawit ng mga Awit ng Walang-Hanggang Kagalakan

Kasama kayo, sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinatototohanan ko ang Diyos, ang Amang Walang-Hanggan, at ang Kanyang Bugtong na Anak, ang buhay na Jesucristo. Ang mga mortal na tao ay walang awang ipinako sa krus at nabuhay na mag-uli kalaunan. Ngunit ang buhay na Jesucristo lamang sa Kanyang perpektong nabuhay na mag-uling katawan ang mayroong mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, mga paa, at tagiliran. Siya lamang ang makapagsasabing, “Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay” (Isaias 49:16; 1 Nephi 21:16). Siya lamang ang makapagsasabi ng: “Ako ang siyang itinaas. Ako si Jesus na ipinako sa krus. Ako ang Anak ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 45:52).

Sa mga panahong ito, marami tayong matututuhan sa kabutihan ng Diyos at sa ating banal na potensyal upang lumago ang pagmamahal ng Diyos na nasa atin habang hinahanap natin Siya at tinutulungan ang isa’t isa.“ At ito ay mangyayari na ang mabubuti ay matitipon mula sa lahat ng bansa, at patutungo sa Sion, umaawit ng mga awit ng walang-hanggang kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 45:71). Sa panahong ito ng hosana at aleluia, umawit ng aleluia—sapagka’t Siya’y maghahari magpakailanman! Sumigaw ng hosana, sa Diyos at sa Cordero!