2021
Tulad ng Isang Dungawan sa Iyong Kaluluwa
Marso 2021


“Tulad ng Isang Dungawan sa Iyong Kaluluwa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2021, 6–8.

Tulad ng Isang Dungawan sa Iyong Kaluluwa

Nang umawit sila kasama ang koro ng kanilang ward sa isang interfaith [magkakaibang paniniwala] festival, maraming natutuhan ang mga tinedyer na ito tungkol sa kung paano maaaring pagsama-samahin ng musika ang lahat ng nananalig.

tatlong kabataan

May isang bagay na karaniwan kina Megan C., Ethan M., at Romy C.: Mahilig sila sa mapitagang musika. Gustung-gusto nila kung paano ito nagpapalakas at naghihikayat sa kanila, kung paano sila naaantig nito. Gustong-gusto nilang makita kung paano ito nagpapasigla at nagbibigay-inspirasyon sa iba.

May isa ring bagay na magkakatulad kina Megan, 18; Ethan, 19; at Romy, 17: Lahat sila ay umaawit sa koro ng kanilang ward sa Florida, USA. At kamakailan lamang ay binigyan sila ng koro ng mas malaking pagkakataon na maibahagi ang kanilang pagmamahal sa musika sa pagsali sa isang Interfaith Music Festival.

“Ang aming komunidad ay may koalisyon ng iba’t ibang relihiyon na maraming nagagawa para tipunin ang mga tao ng iba-ibang pananampalataya,” paliwanag ni Ethan. Halimbawa, ang grupo ay nanguna sa isang talakayan sa Iftar (ang hapunan tuwing natatapos ang mga Muslim sa kanilang araw-araw na pag-aayuno sa kanilang banal na buwan ng Ramadan), bumuo ng ilang service project tulad ng paghahanda ng mga backpack sa paaralan para sa mga batang nangangailangan, at pagdaraos ng ilang hapunan, kung saan ang mga taong hindi magkakakilala ay magkakatabing nakaupo sa parehong mesa at nag-usap tungkol sa mga pagkain, kaugalian, at paniniwala na kasiya-siya sa kanilang kultura.

kabataang kumakain, umaawit, at naglilingkod

Ang mga miyembro ng koro ay nasisiyahan sa pagkain ng hapunan at paglilingkod kasama ang mga taong mula sa ibang relihiyon.

Maging Magkaibigan Tayo

Ang layunin ng koalisyong ito ay, siyempre, para tulungan ang mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan na maging magkakaibigan.

“May isang pamilyang Turkish, na lagi kong nakikita sa interfaith na hapunan, at mabilis silang lalapit sa akin at magsasabing, ‘Masaya kaming makita kang muli!’” sabi ni Romy. “Sa isang mundo na napakaraming pang-uusig sa relihiyon at pananampalataya, mainam na lahat tayo ay magsama-sama at magkausap-usap.” Sa isa sa mga service project, “ang mga babae sa isa pang simbahan ay napakababait,” sabi niya. “Wala silang pakialam sa relihiyon ninuman. Naroon lamang sila upang mag-alok ng tulong. Napakagaan nito sa loob.”

“Maaaring iba’t iba ang pinaniniwalaan natin,” sabi ni Megan, “pero lagi kong iginagalang ang mga paniniwala ng ibang tao at magandang makausap sila sa ganitong kapaligiran kung saan gusto nating lahat na malaman ang tungkol sa isa’t isa.”

“Ang ating simbahan ay isa sa mas bagong mga miyembro ng koalisyon,” sabi ni Ethan. “Kaya gayon na lamang ang pasasalamat ko na ganoon sila kabait sa amin at ganoon na lang ang pagtanggap nila sa amin. Alam ko na sa ilang lugar, mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Simbahan. Kaya lagi akong nagpapasalamat kapag tinatanggap ng mga tao ang pagkakaiba ng isa’t isa at hinahanap ang mga pagkakatulad natin.”

May Nagkakaisang Diwa

At isa sa mga bagay na mayroon ang lahat ng relihiyon ay ang musika. Ang Interfaith Music Festival ay malaking pagkakataon para magkaisa ang mga mananampalataya sa pagpuri sa Diyos. Ang koro ng ward ay isa sa maraming grupo na kumakatawan sa mga kongregasyon sa buong lungsod.

“May isang bell choir, isang duweto, isang malaking koro, isang maliit na koro, isang duweto ng plauta at piano, at iba pa,” paliwanag ni Megan. “Bawat grupo ay hinilingang gumawa ng dalawang pagtatanghal.”

Pagpapatuloy ni Megan, “Gusto naming matiyak na ang inawit namin ay magdudulot sa mga tao na malaman na naniniwala tayo kay Jesucristo at gayundin sa Ama sa Langit. Gusto naming makalikha ng damdamin ng pagsamba.”

Nagpasiya ang koro na dalawa ang itanghal na ginawa na nila noon, “Great Things and Small Things,” ni Steven Kapp Perry, at “Sacraments and Symbols,” nina Janice Kapp Perry, Steven Kapp Perry, at Lynne Perry Christofferson.

“Ang unang awitin ay mabilis ang tugtog. Nagbibigay ito ng katiyakan na sa pamamagitan ng Diyos, magagawa ninyo ang anumang bagay, maliit man ito o napakahalaga,” sabi ni Ethan. “Ang pangalawang awitin ay may malalim na pagpipitagan. Halos tulad ito ng isang chant, at ito ay lumilikha ng tunay na damdamin ng pagsamba.”

Magpraktis, Magpraktis, Magpraktis

Habang naghahanda silang umawit, gumamit si Ethan ng paraang ginawa na niya noon. “Sinisikap kong gawing prayoridad na maunawaan nang husto ang awitin,” sabi niya. “Nalaman ko na kapag nagagawa kong bigyang-pansin ang kahulugan ng awitin, mas nasisiyahan ako rito. Siyempre tinitiyak kong kaya ko itong awitin nang tama, pero natuklasan ko na mas madali para sa aking gawin iyon kapag lubos kong nauunawaan ang mensahe na sinusubukan nitong iparating. Gusto kong bigyang-diin ang espirituwal na paghahanda.”

“Kailangan pa rin naming kumanta sa sacrament meeting at magpraktis para sa iba pang mga bagay,” sabi ni Megan. “Pero alam namin ang kahalagahan ng programa ng magkakaibang relihiyon, kaya tiniyak namin na handa na ang mga itatanghal. Nagsikap kami nang husto.”

Para sa ikalawang pagtatanghal, ang korong may 14 na miyembro ay naging grupo ng walong miyembro. “Nagpapraktis kami tuwing Martes, bago ang Young Men at Young Women,” sabi ni Megan. “Ito ay nakapagpaisip sa akin ng tungkol sa awitin nang buong linggo, nang buong buwan, kung tutuusin. Hindi ko karaniwang ginagawa ito, pero natagpuan ko ang awitin sa YouTube at paulit-ulit na pinatugtog ito. Gusto kong mas gumaling kami. Gusto kong umawit kami nang sobrang husay para maantig namin ang ibang tao.”

Sang-ayon sina Ethan, Megan, at Romy na ang lahat ng praktis ay may dagdag na pakinabang. “Kapag inulit-ulit mo ang mga awitin,” sabi ni Romy, “ang mga mensahe ng mga awitin ay mananatili sa iyong puso at isipan.”

koro ng kabataan

Nagtanghal ang koro sa Interfaith Music Festival.

Sa Puso, sa Isipan

Ang pananatiling iyon ng mensahe sa kanilang puso at isipan ay malinaw na makikita nang umawit ang mga miyembro ng koro. “Talagang napakaganda ng dalawang awitin,” sabi ni Romy. “Naging napakatahimik ng mga manonood at nadama ng lahat ang Espiritu habang kinakanta ang mga awiting iyon. Dama naming nagkakaisa kaming lahat.”

“Noon pa man ang unang kanta ay laging masayang awitin para sa akin,” sabi ni Megan. “Pakiramdam ko nagkaroon ito ng epekto sa mga tao sa festival. Masaya ako sa pagkanta nito at sana ay naging masaya rin silang lahat. At sa pangalawang awitin, naging maganda ang pagsasama-sama ng mga tinig. Palagay ko, lahat ng nakinig dito ay nakadama ng diwa ng paggalang at pagkamangha sa Diyos.”

Sa pagtatapos ng gabi, nagpatuloy si Megan, “Nagawa naming makipag-usap sa mga kalahok at mga manonood. Alam kong tinatanong ng mga tao ang direktor namin sa koro tungkol sa mga kantang inawit namin—‘Anong klaseng musika ba iyon?’ o kaya’y ‘Saan mo nakuha ang areglo na iyan?’ Nagawa naming makipag-usap sa bawat isa at pinag-usapan ang musikang ibinahagi naming lahat. Nadama ko na mas naunawaan ko sila sa pamamagitan ng kanilang mga awitin, at mas naunawaan nila kami dahil sa aming awitin. Ang musika ay tulad ng isang dungawan sa iyong kaluluwa.”