“Patuloy na Paghahayag,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2021, 16.
Panghuling Salita
Patuloy na Paghahayag
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020.
Ang Propetang Joseph Smith ay tuluy-tuloy na tumanggap ng mga paghahayag. Ang maraming paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph ay naipreserba para sa atin sa Doktrina at mga Tipan.
Bukod pa rito, biniyayaan tayo ng patuloy na paghahayag sa mga buhay na propeta na mga “itinalagang kinatawan ng Panginoon na binigyan ng awtoridad na magsalita para sa Kanya.”1
Ang personal na paghahayag ay matatanggap ng lahat na mapagpakumbabang humihingi ng patnubay mula sa Panginoon. Kasing-halaga ito ng paghahayag ng propeta.
Ang personal na paghahayag ay batay sa mga espirituwal na katotohanang natatanggap mula sa Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tagapaghayag at nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan, lalo na ng tungkol sa Tagapagligtas. Kung wala ang Espiritu Santo, hindi natin talaga malalaman na si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang mahalagang papel ay magpatotoo tungkol sa Ama at sa Anak at sa Kanilang mga titulo at sa Kanilang kaluwalhatian.
Tinitiyak ko sa inyo na maaaring matanggap ng bawat isa ang pumapatnubay na paghahayag kapag mapagpakumbaba tayong gumagawa sa ubasan ng Panginoon.
Ang mapagpakumbaba kong pakiusap ay hangarin ng bawat isa sa atin ang patuloy na paghahayag upang magabayan nito ang ating buhay at sundin ang Espiritu sa pagsamba natin sa Diyos Ama sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.