“Matuto sa pamamagitan ng Espiritu: ‘Sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Matuto sa pamamagitan ng Espiritu,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Mga Panimulang Materyal
Matuto sa pamamagitan ng Espiritu
“Sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo”
Sa buong Aklat ni Mormon, binigyang-diin ng mga propeta ang mahalagang tungkulin ng Espiritu Santo. Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makilala mo Sila at malaman mo ang katotohanan “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mahahalagang tungkulin ng Espiritu Santo, na mahalaga para sa iyong espirituwal na pag-unlad at paglago.
Espirituwal na pakikipag-ugnayan
Isipin ang iba’t ibang tool sa komunikasyon na mayroon sa mundo at kung paano maaaring maapektuhan ng mga ito ang inyong buhay. Ang isang mahalagang kasangkapan o tool na lubos na nagpahusay sa komunikasyon sa buong mundo ay ang smartphone.
-
Ano ang nagawa ng smartphone sa pagtulong sa mga tao na manatiling konektado sa isa’t isa?
-
Paano nito matutulungan ang isang tao na magkaroon ng kaalaman at mas maunawaan ang tungkol sa mundo?
Higit na mahalaga kaysa sa anumang pisikal na kasangkapan sa komunikasyon, lubos na nalalaman ng Ama sa Langit kung gaano kahalaga para sa atin ang espirituwal na pakikipag-ugnayan sa ating mortal na paglalakbay. Ipinagkaloob Niya ang Espiritu Santo upang matulungan kang manatiling konektado sa Kanya at maunawaan ang lahat ng kailangan para sa kaligayahan ngayon at sa iyong kaligtasan sa kabilang-buhay.
Isipin ang mga sandali sa iyong buhay kung kailan naranasan mo ang impluwensya ng Espiritu Santo at kung paano napagpala ng Kanyang impluwensya ang iyong buhay. Marahil ay maaaring iniisip mo kung talagang naturuan ka ng Espiritu Santo o nadama mo ang Kanyang impluwensya. Habang pinag-aaralan at tinutukoy mo ang mahahalagang tungkulin ng Espiritu Santo, isipin kung paano mapagpapala ng Kanyang impluwensya ang iyong buhay, at isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Gaano ko kahusay nauunawaan ang mga tungkulin ng Espiritu Santo?
-
Paano ko mas maaanyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa aking buhay?
-
Paano ko nadama at nakilala ang Espiritu Santo sa aking buhay sa ngayon?
Ang dalawang tungkulin ng Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ay maraming gawain at may iba’t ibang tungkulin. Basahin ang mga sumusunod na hanay ng mga banal na kasulatan, at alamin ang dalawang mahalagang tungkulin ng Espiritu Santo.
-
Tungkulin 1: 2 Nephi 26:12–13; 3 Nephi 28:11
-
Tungkulin 2: 1 Nephi 10:19; Moroni 10:4–5
-
Ano ang natuklasan mo?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang Espiritu Santo ang tagapaghayag at nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan, lalo na ang tungkol sa Tagapagligtas. Kung wala ang Espiritu Santo, hindi natin talaga malalaman na si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang mahalagang papel ay magpatotoo tungkol sa Ama at sa Anak at sa Kanilang mga titulo at sa Kanilang kaluwalhatian. (Quentin L. Cook, “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2020, 98)
-
Anong mga katotohanan ang matutukoy mula sa mga reperensyang banal na kasulatan na napag-aralan mo at sa pahayag ni Elder Cook?
Ang isang mahalagang katotohanan na maaaring natukoy mo ay ang Espiritu Santo ay nagtuturo ng katotohanan at nagpapatotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Maaari mo itong isulat o ang mga katulad na katotohanan sa iyong mga banal na kasulatan o study journal. Ang regular na pagsusulat ng mga katotohanan ay makapagpapalakas sa iyong memorya tungkol sa mga bagay na espirituwal at magtutulot sa Espiritu Santo na ipaalala sa iyo ang mga ito kapag kinakailangan (tingnan sa Juan 14:26).
-
Paano makatutulong sa iyong buhay ang pag-unawa sa dalawang tungkulin na ito ng Espiritu Santo?
Tahimik na isipin ang anumang maaaring naging karanasan mo sa Espiritu Santo at kung paano mo napansin na kumikilos ang Espiritu Santo sa iyong buhay.
-
Paano nakatulong sa iyo ang Espiritu Santo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Kailan mo nadama ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo tungkol sa katotohanan?
-
Ano ang dapat mong gawin kung hindi mo nadaramang nagkaroon ka ng mga karanasan sa Espiritu Santo?
Pagdama at pag-anyaya sa Espiritu Santo
Maaaring makipag-ugnayan ang Espiritu Santo sa atin sa maraming paraan. Ang Espiritu ay maaaring magbigay-liwanag sa iyong isipan, makatulong sa iyo na makadama ng kapayapaan at kagalakan, at mag-akay sa iyo na gawin ang tama (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:12–13; Mga Taga Galacia 5:22–23). Madalas ilarawan sa mga banal na kasulatan ang Kanyang impluwensya bilang isang “marahan at banayad na tinig” na “nadarama” natin (tingnan sa 1 Nephi 17:45).
Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga paraan na maaaring makipag-ugnayan sa atin ang Espiritu Santo:
Batay sa karanasan ko, pinakamadalas na nakikipag-usap sa atin ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapadama sa atin. Madarama ninyo ito sa mga salitang pamilyar sa inyo, na may kahulugan sa inyo, na naghihikayat sa inyo. …
… Nagsasalita ang Espiritu ng mga salita na nadarama natin. Ang mga damdaming ito ay banayad, isang marahang paghihikayat na kumilos, na gumawa ng isang bagay, na magsalita, na tumugon sa isang tiyak na paraan. Kung kaswal o kampante tayo sa ating pagsamba, malayo at manhid dahil abala tayo sa mga gawain ng mundo, matatagpuan natin ang ating mga sarili na nabawasan ng kakayahang makaramdam. (Ronald A. Rasband, “Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2017, 94)
-
Ano ang ilang paraan na nadama mo ang impluwensya ng Espiritu Santo?
-
Paano magiging pagpapala sa iyong buhay ang pagkilala na nadarama mo ang ang Espiritu Santo?
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming halimbawa ng mga indibiduwal na masigasig na naghangad ng impluwensya ng Espiritu Santo. Ang ilan sa kanila ay si Nephi at ang mga anak ni Mosias sa Aklat ni Mormon.
Basahin ang 1 Nephi 2:16–17 at Alma 17:2–3, at alamin ang mabubuting gawain na nag-anyaya sa Espiritu Santo.
-
Batay sa mga talatang ito at sa iyong sariling mga ideya, ano ang ilang paraan na maaanyayahan natin ang Espiritu Santo sa ating buhay?