“2 Nephi 9:50–52: ‘Lumapit sa Banal ng Israel,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 9:50–52,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 9:50–52
“Lumapit sa Banal ng Israel”
Naranasan mo na bang umasa na magdadala sa iyo ng matinding kasiyahan ang isang bagay pero sa huli ay binigo ka lang nito? Tinapos ni Jacob ang kanyang sermon sa pagpapayo sa mga Nephita na iwasang gumugol ng oras o pera sa mga bagay na hindi magbibigay ng pangmatagalang kasiyahan. Inanyayahan niya sila na lumapit kay Jesucristo at magpakabusog sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang makadama ng mas matinding pagnanais na hangarin ang mga pagpapala at kasiyahan na tanging si Jesucristo lamang ang makapagbibigay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagpawi sa ating gutom at uhaw
Isipin ang isang panahon sa iyong buhay kung saan nakaranas ka ng matinding gutom o uhaw.
-
Anong mga pagkain o inumin ang pinakanakasisiya at nakatutulong sa mga ganitong sitwasyon? Anong mga pagkain o inumin ang hindi masyadong nakatutulong? Bakit?
Marahil ay napansin mo na ang ating mga espiritu, tulad ng ating mga katawan, ay nangangailangan ng pangangalaga at kasiyahan.
-
Ano ang ilang paraan na makapagbibigay tayo ng pangmatagalang pangangalaga o kasiyahan sa ating espiritu?
-
Ano ang mga bagay na binabalingan ng mga tao para sa kasiyahan na maaaring magpadama sa kanila ng kasalatan sa espirituwal?
-
Sa iyong palagay, bakit bumabaling kung minsan ang mga tao sa mga bagay na hindi nagdudulot ng pangmatagalang kasiyahan?
Isipin kung paano nauugnay ang mga tanong na ito sa sarili mong buhay.
-
May mga bagay ka bang binabalingan para sa kaligayahan at katuparan na hindi lubos na nakatutugon sa mga hangaring iyon? Ano ang nakatulong sa iyo para makadama ka ng pangmatagalang kapayapaan at kaligayahan sa iyong buhay?
-
Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na maranasan ang mga pagpapala at kasiyahan na tanging si Jesucristo lamang ang makapagbibigay.
“Magpakabusog doon sa hindi nawawala”
Alalahanin mula sa pag-aaral mo ng 2 Nephi 9:27–49 na binalaan ni Jacob ang kanyang mga tao laban sa masasamang gawain na ginagawa nila. Pagkatapos ay tinapos ni Jacob ang kanyang mensahe sa isang mahalagang paanyaya.
Basahin ang 2 Nephi 9:50–52, at alamin ang paanyaya ni Jacob sa kanyang mga tao.
-
Ano ang ilang salita o parirala mula sa mga talatang ito na sa palagay mo ay mahalaga? Bakit?
-
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa mga hangarin ni Jesucristo para sa atin? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa iniaalok Niya sa atin?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag lumapit tayo kay Jesucristo, masisiyahan ang ating mga kaluluwa.
Paggamit ng mga cross-reference upang palalimin ang iyong pag-unawa
Ang paghahanap ng mga scripture passage na nauugnay sa pinag-aaralan mo ay maaaring makatulong upang mapalalim ang iyong pag-unawa at pagpapahalaga sa kung ano ang nasa mga banal na kasulatan.
Gawin ang kasanayang ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mga cross-reference na may kaugnayan sa mga turo sa 2 Nephi 9:50–52.
Maaari kang gumawa ng diagram na katulad ng sumusunod sa iyong study journal at isulat ang “2 Nephi 9:50–52” sa gitnang bilog. Kapag nakahanap ka ng mga kaugnay na banal na kasulatan na gusto mong tandaan, maaari mong isulat ang mga reperensya sa iba pang mga bilog.
Ang unang hakbang mo sa paghahanap ng mga cross-reference ay hanapin ang mga reperensyang banal na kasulatan at paksa na nakalista sa mga footnote. Pagkatapos, isiping tukuyin ang mahahalagang salita mula sa 2 Nephi 9:50–52 at saliksikin ang mga salita o mga kaugnay na salitang iyon sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o sa search function sa Gospel Library.
Narito ang ilang salita o parirala na maaari mong hanapin: lumapit; tubig na buhay; nakasisiya; makinig; magpakabusog; panalangin; pasasalamat; magsaya.
Pagpapamuhay ng natutuhan mo
Isipin ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo ngayon at kung paano ka mapagpapala ng mga turong ito sa iyong kasalukuyang sitwasyon.