Seminary
2 Nephi 16: “Banal, Banal, Banal, ang Panginoon”


“2 Nephi 16: ‘Banal, Banal, Banal, ang Panginoon,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 16,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 16

“Banal, Banal, Banal, ang Panginoon”

Christ and the Creation [Si Cristo at ang Paglikha], ni JD Sullivan

Nagkaroon ka na ba ng karanasan na mahirap ilahad sa mga salita? Maaaring totoo iyan kay Isaias nang isulat niya ang tungkol sa pagkakita niya sa Panginoon sa lahat ng Kanyang kaluwalhatian. Upang makatulong na maiparating ang karanasang ito, gumamit si Isaias ng simbolikong pananalita upang ilarawan ang kapangyarihan at kabanalan ng Panginoon at ang nadaramang sariling kakulangan ni Isaias. Nilinis siya ng Panginoon mula sa kanyang mga kasalanan at tinawag siya na maging propeta. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang kakayahan ng Panginoon na patawarin at linisin ka.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kapangyarihan at kaluwalhatian ni Jesucristo

May ilang propeta at iba pa na nagkaroon ng pribilehiyong makita si Jesucristo sa lahat ng Kanyang kagila-gilalas na kaluwalhatian.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit dinalaw ng Panginoon ang iba’t ibang tao sa buong kasaysayan ng mundo?

Tingnan sandali ang mga sumusunod na larawan at isipin kung aling karanasan ang pinakagusto mong makabilang ka.

The Transfiguration [Ang Pagbabagong-Anyo], ni Carl Bloch

The Transfiguration [Ang Pagbabagong-Anyo], ni Carl Bloch

Christ in the Land Bountiful [Si Cristo sa Lupaing Masagana], ni Simon Dewey

Christ in the Land Bountiful [Si Cristo sa Lupaing Masagana], ni Simon Dewey

First Vision [Unang Pangitain], ni Walter Rane

First Vision [Unang Pangitain], ni Walter Rane

Jesus Christ Appears to the Prophet Joseph Smith and Oliver Cowdery [Si Jesucristo ay Nagpakita kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery], ni Walter Rane

Jesus Christ Appears to the Prophet Joseph Smith and Oliver Cowdery [Si Jesucristo ay Nagpakita kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery], ni Walter Rane

  • Ano ang maaaring maisip o madama mo sa presensya ng Panginoon?

Nakita ni Isaias ang Panginoon sa lahat ng Kanyang kaluwalhatian nang tawagin siya bilang propeta. Itinala niya ang karanasang ito at isinama ito ni Nephi sa kanyang mga isinulat. (Tingnan sa Isaias 6 at 2 Nephi 16.)

Basahin ang 2 Nephi 16:1–4, at alamin kung paano inilarawan ni Isaias ang nakita niya. Dahil gumamit si Isaias ng simbolikong pananalita upang ilarawan ang kanyang karanasan, maaaring makatulong ang mga sumusunod na paliwanag:

  • Laylayan: Ang mas mababang bahagi ng kasuotan ng Panginoon, na maaaring sumisimbolo sa Kanyang kabutihan, kapangyarihan, at kadalisayan. Mahalagang nakita ni Isaias na ito ay “pumuno sa templo” (2 Nephi 16:1).

  • Serapin: Mga anghel na naglilingkod sa mga korte ng Diyos. Ang mga pakpak ng serapin ay simbolo ng kanilang kapangyarihang gumalaw o kumilos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:4).

  • Usok o Ulap: Kadalasan ay simbolo ng presensya ng Diyos (tingnan sa Exodo 19:18; Apocalipsis 15:8).

  • Anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang makatutulong sa iyo na maunawaan ang kaluwalhatian ng Panginoon?

  • Ano kaya ang naging reaksyon mo kung nakita mo ito?

Basahin ang 2 Nephi 16:5 para malaman ang reaksyon ni Isaias sa pagkakita sa Panginoon.

  • Aling mga salita o parirala ang makatutulong sa inyo na maunawaan na alam ni Isaias ang kanyang mga kasalanan at kahinaan?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring maramdaman ng mga tao ngayon na marumi sila o hindi karapat-dapat sa harapan ng Diyos?

  • Sa paanong mga paraan makabubuti sa atin na kilalanin ang ating mga kamalian kapag mas napapalapit tayo sa Panginoon?

Kusang aalisin ng Panginoon ang ating mga kasalanan

Basahin ang 2 Nephi 16:6–7, at alamin kung ano ang sumunod na nangyari kay Isaias. Maaaring makatulong na tandaan na ang mga dambana ay ginamit noong unang panahon sa pagsamba sa templo.

  • Paano mo ibubuod ang nangyari?

  • Ano sa palagay mo ang sinisimbolo nito?

Isipin ang karanasan ni Isaias sa dambana at kung paano ito makapagtuturo tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagiging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Sa iyong palagay, paano nakaapekto kay Isaias ang pag-alis ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan?

  • Anong mga katotohanan ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay may kapangyarihan ang Panginoon na gawin tayong malinis.

Kung minsan, maaaring hindi natin maalala at madama ang kahalagahan ng katotohanang ito. Ibinahagi ni Brother Bradley R. Wilcox ng Young Men General Presidency ang mga salita ng isang binatilyong tinawag niyang Damon. Ibinahagi ng binatilyong ito ang naisip at nadama niya tungkol sa kanyang mga kasalanan.

Isinulat ni Damon: … “Lagi akong nakadarama ng hiya dahil hindi ko magawa ang tama. … Talagang nararapat lang sa akin na magdusa ako sa tuwina. Naisip ko na siguro galit sa akin ang Diyos dahil hindi ako nagsusumikap nang husto na mapaglabanan ito at nang matigil na. Napaglalabanan ko ang tukso nang isang linggo at minsan ay isang buwan, pero umuulit na naman ako at iniisip ko, ‘Hindi ko talaga kaya ito, ano pa ang silbi ng pagsusumikap?’” (Bradley R. Wilcox, “Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 62)

  • Bakit kaya ganito ang naisip ng isang binatilyong tulad ni Damon?

icon, isulat
  1. Gawin ang sumusunod na aktibidad sa pagsulat:

Isipin kunwari na nagkaroon ka ng pagkakataong tulungan ang isang taong katulad ni Damon. Isipin ang karanasan ni Isaias. Isipin din kung ano ang personal mong nalalaman tungkol sa Tagapagligtas na maaari mong ibahagi. Isulat kung ano ang makatutulong. Maaari ka ring maghanap ng anumang banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na magagamit mo sa iyong paliwanag. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na halimbawa:

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Hindi kailangan ng Diyos ang mga taong walang kasalanan. Hinahanap Niya ang mga maghahandog ng kanilang mga “puso at may pagkukusang isipan” [Doktrina at mga Tipan 64:34], at gagawin Niya silang “ganap kay Cristo” [Moroni 10:32–33]. (Dieter F. Uchtdorf, “Five Messages That All of God’s Children Need to Hear” [Brigham Young University devotional, Ago. 17, 2021], 3, speeches.byu.edu)

Isang bagong pananaw

Basahin ang 2 Nephi 16:8 para malaman kung ano ang ginawa ni Isaias matapos malinis ng Panginoon.

  • Sa iyong palagay, paano nakaimpluwensya ang karanasan ni Isaias na siya ay nilinis sa kanyang sagot sa talata 8?

Pagkatapos ng pangitaing ito, kusang naglingkod si Isaias sa Panginoon. Sa loob ng sumunod na ilang dekada, tumulong siya sa paggabay sa mga tao ng Juda. Ang mga turo at isinulat ni Isaias ay nagbigay-inspirasyon sa napakaraming tao, at siya ay binanggit ng Tagapagligtas nang higit kaysa sinumang propeta.

Si Damon ay nagbago rin. Sa tulong ng isang lider ng Simbahan, napagtanto ni Damon na hindi siya hinusgahan ng Panginoon nang may galit kundi nang may awa, sa pagnanais na tulungan siyang magpakabuti. Basahin ang mga salita ni Damon nang magkaroon siya ng bagong pananaw tungkol sa Diyos:

Sinabi ni Damon: … “Sa mga araw na ito, hindi na ako nag-uukol ng panahon na kamuhian ang aking sarili para sa mga nagawa ko at mas nag-uukol ako ng mas maraming oras sa pagmamahal kay Jesus dahil sa Kanyang ginawa.” (Bradley R. Wilcox, “Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 62)

  • Paano nakaimpluwensya sa iyong buhay ang naranasan mong Pagbabayad-sala, pagmamahal, at pagpapatawad ng Tagapagligtas?

Pag-isipan ang sumusunod na tanong habang tinatapos mo ang iyong pag-aaral ng kabanatang ito:

  • Ano sa palagay mo ang magagawa mo upang mas maranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Tagapagligtas sa iyong buhay?