“2 Nephi 21–24: Ang Milenyo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 21–24,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 21–24
Ang Milenyo
Isipin kung ano kaya ang magiging buhay kung walang kasamaan sa mundo. Balang-araw ang mundo ay magiging ganito. Mangyayari ito sa panahon ng paghahari ni Jesucristo sa milenyo. Maraming propeta, kabilang sina Nephi at Isaias, ang nagpropesiya tungkol sa 1,000 taon ng kapayapaan na tinatawag na Milenyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at mapaghandaan ang paghahari ng Tagapagligtas sa milenyo.
Ang hinaharap
-
Ano ang ilang mahahalagang pangyayari sa hinaharap na inaasahan mo? Bakit?
-
Ano ang nadarama mo habang pinag-iisipan mo ang mga pangyayaring ito?
-
Ano ang ginagawa mo para maghanda?
Ang Milenyo
Ang isang mahalagang pangyayari sa hinaharap ay ang Milenyo.
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Milenyo? Ano ang mga tanong mo tungkol dito?
Maaari mong isulat ang mga tanong mo at mag-iwan ng espasyo na pagsusulatan ng mga tala. Habang nag-aaral ka ngayon, hanapin ang mga sagot sa iyong mga katanungan.
Sumulat ang propetang si Nephi tungkol sa mga huling araw at isinama niya ang marami sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa mga huling araw. Ipinropesiya ni Isaias ang pagkawasak ng Asiria at Babilonia bilang halimbawa ng pagkawasak sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa 2 Nephi 20; 23). Ipinropesiya rin niya ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo bago ang paghahari ni Jesucristo sa milenyo. Ang kanyang mga propesiya ay maraming simbolismo at paglalarawan na nagpapalalim sa ating pag-unawa tungkol sa Milenyo.
Basahin ang mga sumusunod na propesiya mula kina Nephi at Isaias at maghanap ng mga paglalarawan sa Milenyo.
Maaari mong idrowing ang ilan sa mga paglalarawan.
Isa sa mga katotohanang natutuhan natin mula sa mga banal na kasulatang ito ay si Jesucristo ay maghahari sa mundo sa kabutihan at kapayapaan sa panahon ng Milenyo.
Ilarawan sa iyong isipan kung ano ang maaaring maging pakiramdam ng mabuhay sa panahon ng Milenyo—kapag naghahari ang Tagapagligtas sa kabutihan at kapayapaan. Pag-isipan kung paano mababasbasan ng kapayapaan ng Tagapagligtas ang iyong buhay.
Inilarawan ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang isa pang pagpapala ng Milenyo:
Ang hindi pagkakaroon ng asawa, hindi pagkakaroon ng mga anak, kamatayan, at diborsyo ay humahadlang sa mga pamantayan at nag-aantala sa katuparan ng mga pagpapalang ipinangako. … Nangako ang Panginoon na sa mga kawalang-hanggan walang pagpapalang ipagkakait sa kanyang mga anak na sumusunod sa mga kautusan, na tapat sa kanilang mga tipan, at hinahangad yaong matwid.
Marami sa pinakamahahalagang bagay na ipinagkait sa mortalidad ay itatama sa Milenyo, na panahon upang isakatuparan ang lahat ng hindi kumpleto sa dakilang plano ng kaligayahan para sa lahat ng karapat-dapat na anak ng ating Ama. Alam natin na totoo iyan sa mga ordenansa sa templo. Naniniwala ako na totoo rin ito sa mga ugnayan at karanasan ng pamilya. (Pangulong Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 75)
Para sa karagdagang tulong sa pagsagot sa iyong mga tanong, tingnan sa “Milenyo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o Mga Paksa ng Ebanghelyo.
Paghahanda para sa Milenyo
Noong 2020, nagsimula ang mga renobasyon sa Salt Lake Temple. Nagsalita si Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga renobasyong ito. Alamin kung paano niya inihambing ang mga ito sa sarili nating buhay. Panoorin ang video na “Isang Matibay na Pundasyon Laban sa Panahong Darating,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 14:51 hanggang 15:26, o basahin ang pahayag sa ibaba.
Taimitim na inaaasam ng mga pinuno ng Simbahan na malaki ang maitulong ng malawakang renobasyon ng Salt lake Temple sa katuparan ng hangarin ni Brigham Young na “maitayo ang templo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo.” Sa darating na mga taon, nawa’y tulutan natin ang mga pagbabagong gagawin sa Salt lake Temple na antigin at hikayatin tayo, bilang mga indibiduwal at pamilya, upang tayo man—kahalintulad nito—ay “maitayo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo.” (Gary E. Stevenson, “Isang Matibay na Pundasyon Laban sa Panahong Darating,” Liahona, Mayo 2020, 51–52)
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “maitayo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo”?