“I-assess ang Iyong Pagkatuto 2: 1 Nephi 16–2 Nephi 25,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“I-assess ang Iyong Pagkatuto,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
I-assess ang Iyong Pagkatuto 2
Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon.
Pagninilay tungkol sa pag-aaral ng ebanghelyo
Maglabas ng isang salamin o iba pang reflective object at maglaan ng ilang sandali upang tingnan ang iyong sarili. Bahagyang ipihit ang salamin pakanan at pakaliwa at isulat ang mga bagay na hindi mo makikita nang walang salamin.
-
Ano ang mga naitutulong ng pagkakaroon ng salamin?
-
Paano natutulad ang pagtingin sa ating sarili sa salamin sa pag-isipan at i-assess ang natutuhan natin sa ebanghelyo?
Katulad ng pagtingin sa panlabas na hitsura mo, ang paglalaan ng oras upang suriin at pag-isipan ang iyong mga karanasan sa pag-aaral ng ebanghelyo ay makatutulong sa iyo sa maraming paraan. Habang pinagninilayan mo ang natutuhan mo sa pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon, matutulungan ka ng Espiritu Santo na matukoy ang iyong pag-unlad at magtuon sa mga aspetong dapat pagbutihin. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyong pagnilayan ang iyong personal na pag-unlad at mga karanasan sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon.
Pagninilay tungkol sa espirituwal na pag-unlad
Pagnilayan ang mga pahiwatig at damdamin mula sa Espiritu Santo na maaaring natanggap mo sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Maraming paraan para makipag-ugnayan sa iyo ang Espiritu Santo. Halimbawa, maaaring napansin mo ang ilang partikular na talata at nadama mong gusto mong markahan ang mga ito. Maaaring nakadama ka ng kapayapaan o pagmamahal. Maaaring nagbasa ka at nahikayat kang kumilos sa isang partikular na paraan o nakahanap ka ng sagot sa isang katanungan mo.
Ipaliwanag ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Lahat ng tao ay naapektuhan ng Pagkahulog nina Adan at Eva. Itinuturo ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa mga epektong ito at kung paano tayo tinutubos ng Tagapagligtas mula sa Pagkahulog. Ang sumusunod na pagsasanay ay makatutulong sa iyo na ipaliwanag ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ipagpalagay na isa kang missionary at ikaw at ang iyong kompanyon ay naghahandang magturo sa isang tao tungkol sa Pagkahulog. Napagpasiyahan ninyo na dapat ituro ng isa sa inyo ang tungkol sa Pagkahulog at ang mga epekto nito sa sangkatauhan at dapat ituro naman ng isa kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog.
Pumili ng isa sa dalawang paksa na pinaplano ninyong ituro ng iyong kompanyon.
Gamitin ang mga banal na kasulatan upang tulungan kang ipaliwanag ang paksang pinili mo. Maaaring makatulong na pag-aralan ang 2 Nephi 2:17–27; 9:6–12; 10:23–25, mga tala sa iyong study journal, o “Pagkahulog nina Adan at Eva” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (topics.ChurchofJesusChrist.org) upang matulungan kang maghandang magbahagi.
Kapag tapos ka na, maaari mong ibahagi ang iyong paliwanag sa isa pang tao. Halimbawa, isang kapamilya, kaibigan, o lider ng Simbahan.
Ang nadarama ko tungkol kay Jesucristo
Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Pagnilayan ang natutuhan o napag-aralan mo tungkol sa Tagapagligtas. Rebyuhin ang mga kabanatang napag-aralan mo, tulad ng 1 Nephi 19, 2 Nephi 9, at 2 Nephi 25. Maaari mo ring hanapin ang mga scripture passage na minarkahan mo. Maaaring makatulong na basahing muli ang isinulat mo sa iyong study journal, lalo na ang mga entry na naglalaman ng nadarama mo tungkol sa Kanya.