“Jarom–Omni: Ialay ang Inyong Buong Kaluluwa kay Jesucristo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Jarom–Omni,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Jarom–Omni
Ialay ang Inyong Buong Kaluluwa kay Jesucristo
Saan ka humihingi ng patnubay kapag gumagawa ka ng mahahalagang desisyon sa buhay? Inilaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga banal na kasulatan bilang pangunahing pinagmumulan ng patnubay at tulong para sa lahat. Ang mga aklat nina Jarom at Omni ay naglalaman ng maraming turo na magpapala sa iyong buhay. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang sanayin ang pagtukoy at pagsasabuhay ng mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan na maaaring magpala at gumabay sa iyong buhay.
Pagmamaneho ng barko
Isipin na ang paglalakbay mo sa buhay ay parang barkong naglalayag sa karagatan. Ano ang ilang bagay na maikukumpara mo sa manibela o timon na gumagabay sa barko sa paglalakbay nito?
Nagbigay si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ng posibleng sagot:
Tulad ng timon na gumagabay sa isang barko gayon din ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa atin. Dahil sa mga wastong alituntunin, magagawa nating mahanap ang daan at makatayong matibay, matatag, at hindi matitinag nang sa gayon ay makapagbalanse tayo at hindi mahulog sa nagngangalit na mga unos ng kadiliman at pagkalito sa mga huling araw. (David A. Bednar, “Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2021, 126)
-
Paano maitutulad ang isang alituntunin ng ebanghelyo sa manibela o timon ng barko?
-
Mula sa scale na 1 hanggang 10, gaano ka kakumpiyansa na matutukoy mo ang mga tunay na alituntunin mula sa mga banal na kasulatan at magagamit mo ang mga ito upang gabayan ang iyong buhay? Bakit?
-
Ano ang nagawa mo noon na nakatulong sa iyo na makahanap ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan?
Kung gusto mong pagbalik-aralan kung paano matutukoy ang mga alituntunin, maaari mong balikan ang mga sumusunod na lesson: “2 Nephi 1” at “Jacob 4.”
Pag-isipan sandali ang isang alituntunin na natukoy mo kamakailan sa seminary o sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Ano ang alituntuning nahanap mo? Paano napagpala ng alituntuning iyon ang iyong buhay?
Pagtukoy ng mga alituntunin ng ebanghelyo
Ang mga aklat nina Jarom at Omni ay naglalaman ng mga huling isinulat sa maliliit na lamina ni Nephi at kinabibilangan ng maraming alituntunin na magpapala sa ating buhay. Natanggap ni Jarom ang mga lamina mula sa kanyang amang si Enos, at itinala niya ang mga paghihirap at pagpapala ng mga Nephita sa loob ng mga 40 taon. Pagkatapos ay ipinasa niya ang mga lamina sa kanyang anak na si Omni. Ang aklat ni Omni ay naglalaman ng mga isinulat ng limang magkakaibang tagapag-ingat ng mga talaan ng mga Nephita at sumasaklaw sa humigit-kumulang 190 taon.
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage at sanaying tumukoy ng mga alituntunin ng ebanghelyo na magagamit mo sa iyong buhay. Maaaring may ilang alituntuning nakapaloob sa bawat grupo ng mga talata. Tumukoy ng kahit isa man lang mula sa bawat scripture passage.
Pagbibigay ng iyong sarili sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain
Matapos matukoy ang isang alituntunin, mahalagang mag-ukol ng oras na pag-isipan kung ano ang ibig sabihin nito at kung paano mo ito maipamumuhay. Halimbawa, sa Omni 1:26, maaaring natukoy mo ang sumusunod na alituntunin: Kung lalapit tayo kay Cristo at iaalay ang ating buong kaluluwa sa Kanya, tayo ay maliligtas.
-
Ano ang ilang paraan kung paano mo maaaring mas maunawaan at maipamuhay ang alituntuning ito?
Ang sumusunod ay isang ideya:
Maaaring makatulong na ikumpara ang alituntuning ito sa isang bagay na maaari mong ibigay sa iba sa araw-araw.
-
Ano ang maibibigay mo sa iba?
-
May mga paraan ba na maaari ka lang magbigay ng bahagi ng maibibigay mo? Bakit?
-
Kailan mo maibibigay ang lahat ng kaya mong ibigay? Bakit?
-
Paano ito maiaangkop sa pag-aalay ng ating buong kaluluwa kay Jesucristo?
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ialay ang iyong buong kaluluwa kay Jesucristo?
-
Sa palagay mo, bakit hinihingi sa atin ng Panginoon na ibigay natin sa Kanya ang ating buong kaluluwa?
-
Sino ang kilala mo na isang mabuting halimbawa ng isang taong nagsisikap na ibigay ang kanyang buong kaluluwa kay Jesucristo? Paano siya napagpala sa paggawa nito?
ChurchofJesusChrist.org
Magdrowing ng isang bilog na kumakatawan sa iyong buhay. Kulayan ang bahagi ng bilog na sa palagay mo ay pinakamainam na kumakatawan sa kung gaano kalaking bahagi ng iyong sarili ang kasalukuyang ibinibigay mo sa Panginoon. Pag-isipan sandali kung paano mo mas lubos na maibibigay ang iyong buong kaluluwa kay Jesucristo. Magsulat ng isa o dalawang paraan kung paano mo ito pagsisikapang gawin at kung paano makatutulong sa iyong buhay ang paggawa ng mga bagay na ito.
Pag-unawa at Pagsasabuhay ng mga Alituntunin
Alalahanin ang mga alituntuning natukoy mo kanina mula kina Jarom at Omni.
-
Alin sa mga alituntuning natukoy mo ang pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?
-
Paano mo mas mauunawaan at maipamumuhay ang alituntuning ito?
-
Paano makatutulong ang pagpapamuhay ng alituntuning ito upang mas mailapit mo ang iyong buhay kay Jesucristo?