“Mga Salita ni Mormon: ‘Para sa Isang Matalinong Layunin,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Mga Salita ni Mormon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Mga Salita ni Mormon
“Para sa Isang Matalinong Layunin”
Napagpala ka na ba ng maagang paghahanda ng ibang tao? Paano nakaapekto ang kanyang paghahanda sa iyong karanasan? Natuklasan ni Mormon ang maliliit na lamina ni Nephi matapos siyang makagawa ng pinaikling bahagi ng mga talaan ng mga Nephita. Sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon, isinama ni Mormon ang maliliit na lamina “para sa isang matalinong layunin,” ayon sa kalooban ng Panginoon (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng katiyakan na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay at ang Kanyang gawain ay maisasakatuparan.
Mga paniniwala tungkol sa Diyos
Gamit ang scale na 0–5 (0 = Hindi ako naniniwala, 5 = Lubos akong naniniwala), maglaan ng ilang sandali para i-rate nang buong katapatan ang antas ng iyong paniniwala para sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag:
-
Naniniwala ako sa Diyos.
-
Naniniwala ako na alam Niya ang lahat ng bagay at nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan.
-
Naniniwala ako na naghahanda Siya ng paraan upang magtagumpay ako sa buhay ko.
-
Pakiramdam ko ay mapagkakatiwalaan ko ang mga payo at pahiwatig na ibinibigay Niya sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Maaaring makatulong na pagnilayan kung bakit gayon ang iyong paniniwala.
Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanan na maaaring makadagdag o makatiyak sa iyo sa iyong paniniwala at tiwala sa Diyos, sa Kanyang kapangyarihan, at kung paano Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain.
Pagpapaikli ni Mormon sa mga lamina
Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging propetang si Mormon, na nabuhay halos 1,000 taon matapos lisanin ng pamilya ni Lehi ang Jerusalem. Isa siya sa mga huling tagapag-ingat ng mga talaan ng mga Nephita at pinaikli niya ang isang milenyo ng kasaysayan ng mga Nephita sa iisang set ng mga lamina. Paano kayo magpapasya kung aling mga pangyayari ang isasama at alin ang hindi isasama?
Nang ang kanyang gawain sa pinaikling talaan ng mga lamina ng mga Nephita ay nakarating sa panahon ni Haring Benjamin, may mahalagang natuklasan si Mormon. Naglagay siya ng maikling paliwanag tungkol sa kanyang karanasan sa aklat na may pamagat na Mga Salita ni Mormon.
Basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:3–6, at hanapin ang nalaman ni Mormon at kung ano ang ginawa niya dahil dito.
Maaaring makatulong na malaman na ang pariralang “ang mga laminang ito” (Mga Salita ni Mormon 1:3–4) ay tumutukoy sa maliliit na lamina na ipinagawa kay Nephi (tingnan sa 1 Nephi 9:2–4). Isinasalaysay ng maliliit na lamina ang marami sa parehong panahon ng malalaking lamina ni Nephi na napaikli na ni Mormon, ngunit nakatuon ang mga ito sa mga espirituwal na pangyayaring naganap. Kung gusto mong maunawaan pa ang tungkol sa mga talaang ito, maaari mong basahin ang “Maikling Paliwanag tungkol sa Ang Aklat ni Mormon,” na makikita sa simula ng Aklat ni Mormon.
Kapwa nakatanggap sina Mormon at Nephi ng mga partikular na pahiwatig mula sa Panginoon tungkol sa maliliit na lamina. Basahin ang 1 Nephi 9:5–6 at Mga Salita ni Mormon 1:7–8, at alamin ang mga pagkakatulad sa mga naranasan ng dalawang propetang ito.
-
Aling mga salita o parirala ang pinakanapansin mo?
-
Ano ang sinasabi sa atin ng mga talatang ito tungkol kina Nephi at Mormon?
-
Anong mga katotohanan ang maituturo sa atin ng kanilang mga salita tungkol sa Panginoon?
Bukod sa iba pang mga katotohanan, maaaring napansin mo na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay, taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan, at naghahanda Siya ng paraan upang maisakatuparan ang Kanyang mga gawain.
Inihanda ng Panginoon ang daan
Ang katibayan na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng mangyayari at taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan ay makikita sa Kanyang pag-uutos kay Nephi na ihanda ang maliliit na lamina at pagbibigay ng inspirasyon kay Mormon na isama ang mga talaang iyon sa kanyang pinaikling talaan.
Makalipas ang daan-daang taon, nang isinasalin ni Joseph Smith ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, nagsimula siya sa pinaikling tala ni Mormon tungkol sa malalaking lamina ni Nephi. Si Martin Harris, na tumutulong bilang tagasulat ni Joseph, ay humiling nang maraming beses na ipakita ang mga naisaling pahina sa kanyang asawa at iba pang mga kamag-anak. Bagama’t tumanggi ang Panginoon sa kahilingan ni Martin, patuloy na hiningi ni Joseph ang pahintulot ng Panginoon. Sa huli, sa mahigpit na mga tagubilin at babala, pinayagan si Martin na dalhin ang 116 na pahina ng manuskrito sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York. Nangako siyang ibabalik ang manuskrito kay Joseph sa Harmony, Pennsylvania, sa loob ng dalawang linggo.
ChurchofJesusChrist.org O maaari mong basahin ang mga sumusunod na pangyayari na naglalarawan ng naranasan nina Joseph at Martin. (Tingnan din sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 58–61.)
-
Isinilang ng asawa ni Joseph na si Emma ang kanilang panganay na anak, na namatay pagkaraan lang ng ilang oras. Dalawang linggong inalagaan ni Joseph si Emma, pagkatapos ay naglakbay siya patungong Palmyra nang hindi bumalik si Martin sa Harmony.
-
Inamin ni Martin na nawala niya ang manuskrito ng Aklat ni Mormon. Kinastigo ng Panginoon si Joseph at hindi na siya pinahintulutang ipagpatuloy ang pagsasalin.
-
Matapos ang lubos at taos-pusong pagsisisi ni Joseph at paghingi ng kapatawaran, pinahintulutan ng Panginoon si Joseph na ipagpatuloy ang pagsasalin ng mga lamina. Gayunman, iniutos sa kanya na huwag nang isaling muli ang bahaging nawala.
-
Inihayag ng Panginoon na, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, ninakaw ng masasamang tao ang manuskrito. Hangad nilang baguhin ang mga salita at palabasin na si Joseph ay nagkukunwari lang na nagsasalin, sa gayon ay mawawasak ang gawain ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:10–19, 29–33).
-
Iniutos ng Panginoon kay Joseph na isalin ang talaan ni Nephi sa maliliit na lamina, na isinama ni Mormon sa kanyang pinaikling tala at nagsalaysay ng marami sa parehong panahon at mga pangyayari sa nawalang bahagi. Ipinahayag ng Panginoon, “Ang aking karunungan ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo” (Doktrina at mga Tipan 10:43).
Pagsunod sa mga pahiwatig
Lahat ng isinulat na napag-aralan mo ngayong taon sa Aklat ni Mormon (1 Nephi–Omni) ay natanggap mo dahil naniniwala si Mormon na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay at sinunod niya ang espirituwal na impresyon na isama ang maliliit na lamina.
Tulad ni Nephi, maaari kang gumawa ng isang bahagi ng “maliliit na lamina” sa iyong study journal upang itala ang mga karanasang sagrado sa iyo. Maaari mong pagnilayan at itala ang nalalaman at pinaniniwalaan mo tungkol sa Diyos at kung paano ka Niya matutulungang kumilos nang may pananampalataya upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.