“Enos: Ang Pananampalataya kay Jesucristo ay Makapagdudulot ng Kapatawaran sa mga Kasalanan,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Enos,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Enos
Ang Pananampalataya kay Jesucristo ay Makapagdudulot ng Kapatawaran sa mga Kasalanan
Naisip mo na ba kung paano makatatanggap ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan? Si Enos, na anak ni Jacob at apo ni Lehi, ay nanalangin sa Diyos “sa mataimtim na panalangin” (Enos 1:4) para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang manampalataya kay Jesucristo at magsisi upang makatanggap ng kapatawaran.
Pag-isipan kung ano ang kahulugan ng pagpapatawad para sa iyo
Kunwari ay may kaibigan ka na nagtatanong sa iyo tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad. Isipin kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano mo malalaman kung kailangan mong mapatawad para sa isang bagay?
-
Paano ka makatatanggap ng kapatawaran para sa mga kasalanan?
-
Paano malalaman ng isang tao kung napatawad na sila matapos nilang sikaping magsisi?
Isipin kung ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan. Isipin ang nalalaman mo at naranasan mo nang humingi ka ng kapatawaran, gayundin ang gusto mong mas malaman.
Sa pag-aaral mo ng salaysay ni Enos sa lesson na ito, alamin kung ano ang ginawa niya upang matamo ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at kung paano ito maiaangkop sa iyong buhay.
Ang pagpapatawad ay nagsisimula sa taimtim na pakikipag-usap mo sa Diyos
Si Enos, ang anak ni Jacob at apo ni Lehi, ay nanalangin sa Diyos “sa mataimtim na panalangin” para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
Basahin ang Enos 1:1–8 at markahan ang mga salita at parirala na tutulong sa iyo na mas maunawaan kung paano humingi at magtamo ng kapatawaran.
Ang pag-uukol ng oras upang pagnilayan ang mahahalagang parirala ay maaaring makatulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nagbibigay-daan ito sa Espiritu Santo na bigyang-inspirasyon ka nang may higit na pang-unawa. Sa pagninilay, maaari mong isipin kung ano ang kahulugan ng parirala at hanapin ang anumang salita na gusto mong mas maunawaan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari mong pagnilayan kung bakit ginamit ni Enos ang isang parirala at kung nakaranas ka na ng anumang bagay na katulad nito.
Pumili ng ilan sa mga sumusunod na parirala o iba pang natukoy mo at maglaan ng oras upang pagnilayan kung ano ang matututuhan mo mula sa mga ito.
-
“Ang pakikipagtunggaling aking ginawa sa harapan ng Diyos” (talata 2)
-
“Tumimo nang malalim sa aking puso” (talata 3)
-
“Ang aking kaluluwa ay nagutom” (talata 4)
-
“Mataimtim na panalangin at hinaing” (talata 4)
-
“Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na” (talata 5)
-
“Ang aking pagkakasala ay napalis” (talata 6)
-
“Panginoon, paano ito nangyari?” (talata 7)
-
“Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo” (talata 8)
Ang isang mahalagang alituntunin na natutuhan natin kay Enos ay kapag nagsisi tayo at nanampalataya kay Jesucristo, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan, at mapapagaling tayo. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang alituntuning ito.
Basahin ang sumusunod na pahayag mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Kapag tunay tayong nagsisi, aalisin ni Cristo ang bigat ng pang-uusig ng budhi dahil sa ating mga kasalanan. Malalaman natin sa sarili natin na napatawad na tayo at naging malinis. Pagtitibayin ito sa atin ng Espiritu Santo; Siya ang Tagapagdalisay. Wala nang patotoo tungkol sa pagpapatawad ang hihigit pa rito. (Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 101)
-
Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kung susubukan ng isang tao na humingi ng kapatawaran nang hindi nagsisisi at nananampalataya kay Jesucristo? Bakit?
-
Ano ang ilang paraan kung paano sinikap ni Enos na magsisi at manampalataya kay Jesucristo?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mapagaling?
Maaaring makatulong na makita kung anong mga tanong mula sa sitwasyon sa simula ng lesson ang masasagot mo gamit ang salaysay ni Enos.
Maaari tayong magkaroon ngayon ng mga karanasan tulad ni Enos
Karamihan sa mga tao ay hindi nakatatanggap ng kapatawaran sa gayong agaran o nakaaantig na paraan tulad ni Enos. Gayunman, kapag hinangad nating manampalataya kay Jesucristo at magsisi tulad ng ginawa ni Enos, tayo ay makatatanggap din ng kapatawaran at mapapagaling.
Pagnilayan ang iyong mga pagsisikap na manampalataya kay Jesucristo at magsisi. Pag-isipan ang mga sumusunod habang ginagawa mo iyon:
-
Isipin kung ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at sa hangarin Niyang magpatawad at tumulong sa iyo. Ano sa palagay mo ang nais Niyang gawin mo upang manampalataya ka sa Kanya at magsisi?
-
Isipin ang huling pagkakataon na nadama mong nanampalataya ka kay Jesucristo at nagsisi. Nangyari ba ito kamakailan? Bakit oo o bakit hindi?
-
Isiping magplano ng oras upang manalangin nang may mas malaking pananampalataya kay Jesucristo. Paano mo gagawing mas taimtim ang pagdarasal mo kaysa sa karaniwang ginagawa mo? Paano mo maipapakita na ninanais mong mapatawad ka ng Panginoon tulad ni Enos?