Seminary
Mosias 2:19–41: “Pinagpala sa Lahat ng Bagay”


“Mosias 2:19–41: ‘Pinagpala sa Lahat ng Bagay,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 2:19–41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 2:19–41

“Pinagpala sa Lahat ng Bagay”

mga kabataan na nagtatawanan

Ano ang handa mong gawin upang makatanggap ng walang-hanggang kaligayahan? Inanyayahan ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao na hangarin ang kaligayahang ito sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay at katapatan sa Diyos. Makatutulong sa iyo ang lesson na ito na hangarin “ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos” (Mosias 2:41).

Bilangin ang iyong mga pagpapala

Kantahin o basahin ang mga titik ng “Mga Pagpapala ay Bilangin” (Mga Himno, blg. 147), o panoorin ang sumusunod na video. Isipin ang mga titik at kung paano nauugnay ang mga ito sa iyong buhay.

4:59

Maglaan ng isa hanggang dalawang minuto para mailista sa iyong study journal ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Diyos.

  • Ano ang napansin o natutuhan mo sa paglilista ng iyong mga pagpapala?

Matapos magturo tungkol sa paglilingkod, inanyayahan ni Haring Benjamin ang mga Nephita na pag-isipan kung paano nila hinahangad at tinatanggap ang mga pagpapala ng Ama sa Langit. Habang nag-aaral ka ngayon, pagnilayan kung paano ka napagpala ng Panginoon sa pagsisikap mong sundin ang Kanyang mga kautusan.

Basahin ang Mosias 2:19–25, at alamin ang sagot sa alinman sa mga sumusunod na tanong:

  • Sa anong mga paraan pinagpala ng Diyos ang mga Nephita? Maaari mong markahan ang anumang pagpapala na mayroon ka na katulad ng sa kanila.

  • Ano ang ginagawa ng Diyos kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan? Gaano kabilis Niya ito nagagawa?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Diyos?

Matapos tulungan ang mga Nephita na matanto ang kanilang mga pagpapala, ipinaalam ni Haring Benjamin na ang kanyang anak na si Mosias ang magiging bagong hari nila. Ipinaalala niya sa kanila ang maraming paraan kung paano maaaring mawala sa mga tao ang kanilang mga pagpapala sa pamamagitan ng pagtatalo, paglabag, paghihimagsik, at pagsuway sa mga kautusan ng Diyos. Itinuro din niya ang mga walang-hanggang bunga ng mga kilos at pag-uugaling iyon at nangako sa mga sumusunod sa mga kautusan. (Tingnan sa Mosias 2:29–40.)

Pinagpala at maligaya

Basahin ang Mosias 2:41, at alamin ang pangakong ibinigay ni Haring Benjamin.

icon, isulat Ang Mosias 2:41 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magamit ang doktrinang itinuro sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

  • Paano mo maibubuod ang talata 41 sa isang alituntunin ng katotohanan?

Isa sa mga pangakong ginawa sa Mosias 2:41 ay kung susundin natin ang mga kautusan ng Diyos, pagpapalain tayo ng Diyos sa temporal at espirituwal. Gayunpaman, marami pa tayong matututuhan mula sa talatang ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng bawat parirala nang isa-isa.

Maaaring kabilang sa mga temporal na pagpapala ang mga bagay tulad ng pisikal na kalusugan, kasaganaan, o iba pang mga pagpapala na may kaugnayan sa mortal na buhay. Ang mga espirituwal na pagpapala ay mga bagay na walang hanggan. Kabilang dito ang ating patotoo, ang ating kaugnayan sa Diyos at sa ating pamilya, pagpapatawad sa mga kasalanan, patnubay sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at iba pa.

  1. Pumili ng dalawa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad para sa Mosias 2:41, at sagutin ang mga kaugnay na tanong.

Ang Pinagpala at Maligayang Kalagayan ng mga Yaong Sumusunod sa mga Kautusan

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher (2024)—“Mosias 2:19–41: ‘Pinagpala sa Lahat ng Bagay’”

Aktibidad A

“Isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. … Sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal.”

Tingnan ang mga pagpapalang inilista mo sa simula ng lesson na ito. Magdagdag pa ng mga pagpapala na maiisip mo. Salungguhitan ang mga pagpapalang mas temporal at bilugan ang mga pagpapalang mas espirituwal. Matatanto mo na ang ilan ay akma sa dalawang kategorya.

  • Anong katibayan ang nakita mo sa iyong buhay na totoo ang pahayag na ito mula sa Mosias 2:41?

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:20–21. Ano ang natututuhan mo tungkol sa kaugnayan ng pagsunod sa mga kautusan at pagtanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Maaari mong i-cross reference o iugnay ang mga talatang ito sa Mosias 2:41.

  • Sa iyong palagay, bakit tayo binibigyan ng Ama sa Langit ng temporal at espirituwal na mga pagpapala? Ano ang itinuturo nito tungkol sa Kanya?


Aktibidad B

“Kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”

Isulat ang pahayag na ito sa gitna ng isang blangkong pahina sa iyong study journal, at mag-iwan ng espasyo sa paligid nito upang makapagsulat ng mga tala. Bilugan ang mga salita o parirala sa pahayag na mahalaga sa iyo. Maglagay ng word bubble sa bawat binilugang salita o parirala, at sumulat ng kahulugan, mga kaugnay na scripture passage, o anumang iba pang mga ideyang mayroon ka.

Halimbawa, kung binilugan mo ang pariralang “tatanggapin sa langit,” maaaring kabilang sa kaugnay na word bubble ang isang bagay tulad ng “Ang salitang tatanggapin ay nagpapahiwatig na may isang tao roon na naghihintay o umaasa sa akin. Itinuro ni Jesus na maghahanda Siya ng lugar para sa atin sa langit at tatanggapin tayo roon (tingnan sa Juan 14:2–3). Ang mapagmahal kong mga magulang sa langit at si Jesucristo ay naroroon at tatanggapin nila ako kung mananatili akong matapat.”

Gumawa ng word bubble para sa bawat salita o parirala na binilugan mo. Bigyang-pansin ang mga tanong o impresyon na maiisip mo.

  • Ano ang mga nalaman mo habang ginagawa ang aktibidad na ito?

  • Paano makatutulong sa iyo ang mga ideyang ito sa iyong buhay ngayon?


Aktibidad C

“Tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito.”

  • Ano ang ilang bagay na madaling tandaan? Anong mga bagay ang mas mahirap tandaan?

Alalahanin ang natutuhan mo tungkol sa Diyos sa iyong pag-aaral ng Mosias 2. Basahin ang Mosias 2:22, at alamin ang mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa Diyos.

  • Ano ang alam mo tungkol sa Diyos na makatutulong sa iyo na magtiwala sa Kanyang mga pangako at sundin ang Kanyang mga kautusan?

  • Ano ang magagawa mo upang matandaan ito tungkol sa Kanya?

Pagnilayan

Kapag natapos mo na ang mga aktibidad sa pag-aaral, mag-ukol ng ilang minuto upang “isaalang-alang ang [iyong] pinagpala at maligayang kalagayan.” Pagnilayan at isulat sa iyong study journal ang iyong saloobin sa Diyos at sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Isama kung paano mo patuloy na mapapalakas at magagamit ang iyong pananampalataya upang matanggap ang Kanyang mga pagpapala. Pag-isipan kung paano makakaimpluwensya sa iyong buhay ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.