“Mosias 3:1–17: Kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 3:1–17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 3:1–17
Kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo
Sa buong kasaysayan, dumalaw ang mga anghel sa mundo upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang “masayang balita ng dakilang kagalakan” (Mosias 3:3; Alma 13:22; Helaman 16:14). Nakatanggap si Haring Benjamin ng gayong pagdalaw. Ibinahagi niya sa kanyang mga tao ang patotoo ng anghel tungkol kay Jesucristo, ang mga bagay na mararanasan ng Tagapagligtas, at ang katotohanan na ang kaligtasan ay dumarating lang sa pamamagitan ng pangalan ni Cristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng ginawa ni Jesucristo upang maligtas ka.
Masayang balita ng dakilang kagalakan
-
May naiisip ba kayong mga pagkakataon na pumarito sa lupa ang mga anghel upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo?
Ang isang halimbawa ay nasa Lucas 2:10–12. ChurchofJesusChrist.org
Nagpakita rin ang isang anghel kay Haring Benjamin. Basahin ang Mosias 3:3–4, at alamin ang mga pagkakatulad ng sinabi ng anghel sa mga pastol at ng sinabi ng anghel kay Haring Benjamin.
-
Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na maituturing na “masayang balita ng dakilang kagalakan”?
Sa kanyang mensahe sa kanyang mga tao na kasama sa Mosias 3:1–17, ibinahagi ni Haring Benjamin ang ilan sa mensahe ng anghel. Tinalakay ng mensaheng ito ang buhay at misyon ni Jesucristo, kung paano sila makatatanggap ng kagalakan, at kung ano ang maibibigay ni Jesus na hindi maibibigay ng sinuman.
Ang tanging pangalan na magdadala ng kaligtasan
Basahin ang Mosias 3:17, at alamin kung ano ang maibibigay ni Jesucristo.
-
Anong katotohanan ang matutukoy mo sa talata 17?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol at alamin kung saan tayo inililigtas ni Jesucristo:
Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang di-masukat na kaloob na Pagbabayad-sala, ay hindi lamang tayo inililigtas mula sa kamatayan at inaalok tayo, sa pamamagitan ng pagsisisi, ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan, kundi handa rin Siyang iligtas tayo mula sa mga kalungkutan at sakit ng ating sugatang kaluluwa. (Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 85)
Isipin kung saan mo kailangang mailigtas. May mga kasalanan ka bang sinisikap na madaig? May mga kalungkutan o pasakit ka bang nararanasan? Habang pinag-aaralan mo ang Mosias 3, maghangad ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matulungan kang malaman kung paano mo matatanggap ang kaligtasang ibinibigay ni Jesucristo.
Basahin ang Mosias 3:5–10, at alamin ang ginawa ni Jesucristo upang mailigtas ka. Mag-ukol ng oras na magbasa nang dahan-dahan at magnilay. Ang pagninilay ay isang paraan upang maanyayahan ang Espiritu Santo na turuan ka. Maaari kang magsulat ng mga ideya at saloobin sa iyong mga banal na kasulatan o study journal.
-
Ano ang mga naging impresyon mo habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito?
-
Ano ang ilan sa mga parirala sa mga talatang ito ang pinakanapansin mo?
-
Ano ang nalaman mo na ikinagalak mo?
ChurchofJesusChrist.org
Basahin ang Mosias 3:11–13, at alamin kung ano ang kailangan mong gawin upang makatanggap ng kagalakan at kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Basahin nang dahan-dahan at pagnilayan ang mga talatang ito. Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyong magnilay.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo na naghihikayat sa iyo na magsisi?
-
Sa iyong palagay, bakit nagdudulot ng kagalakan ang kapatawaran ng mga kasalanan?
Alalahanin kung saan mo kailangang mailigtas. Isipin ang napag-aralan mo sa Mosias 3 at ang mga impresyong natanggap mo mula sa Espiritu. Sikaping manampalataya, magsisi, at maniwala kay Cristo upang matanggap mo ang tulong ng Tagapagligtas at ang kagalakang nagmumula sa pagpapatawad.