Seminary
Alma 10–11: “Alinsunod sa Espiritu ng Panginoon”


“Alma 10–11: ‘Alinsunod sa Espiritu ng Panginoon’,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 10–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 10–11

“Alinsunod sa Espiritu ng Panginoon”

Amulek at Zisrom

Nalinlang ka na ba? Naaalala mo ba ang nadama mo? Nang magpatotoo sila sa mga tao ng Ammonihas, hinarap sina Alma at Amulek ng mga taong gumagamit ng panlilinlang upang pigilan sila. Ang panlilinlang na ito ay ipinaalam kina Alma at Amulek sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maging mas madaling makahiwatig sa Banal na Espiritu upang malaman ang katotohanan at matukoy ang mga tusong panlilinlang ng kaaway.

Mag-ingat sa kasamaan

Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang kaibigan na nagtrabaho bilang imbestigador para sa pamahalaan ng Estados Unidos. Alamin kung ano ang matututuhan mo mula sa karanasang ito tungkol sa pag-iwas sa panlilinlang.

9:52

Inimbestigahan ng kaibigan ko ang isang malaking grupo ng sindikato na nagdadala ng bawal na gamot sa Estados Unidos.

Minsan, pinuntahan nila ng kasama niyang agent ang isang apartment na pinaniwalaan nilang lugar kung saan namamahagi ng cocaine ang isang kilalang dealer ng droga. Inilarawan ng kaibigan ko ang nangyari:

“Kumatok kami sa pintuan ng dealer ng droga. Binuksan ng suspek ang pinto, at pagkakita sa amin, sinubukan niyang humarang sa harapan namin para di namin makita ang buong silid. Pero huli na, nakita na namin ang cocaine sa kanyang mesa.

“Mabilis na iniligpit ng isang lalaki at babae na nasa mesa ang cocaine. Kailangang hadlangan namin silang sirain ang ebidensya, kaya mabilis kong itinulak sa isang tabi ang suspek ng droga na nakaharang sa pinto. Sa pagtulak ko sa kanya, nagkatitigan kami. Nakapagtataka, hindi siya mukhang galit o takot. Nakangiti siya sa akin.

“Ang mga mata at kalugud-lugod na ngiti niya ang nagpaisip sa akin na hindi siya mananakit, kaya mabilis ko siyang iniwan at lumibot sa mesa. Nasa likod ko na ngayon ang suspek. Sa pagkakataong iyon, [pumasok sa isipan ko ang isang] malinaw at napakalakas na mensahe: ‘Mag-ingat sa kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata.’

“Bigla kong binalingan ang suspek. Nasa malaking bulsa niya sa harapan ang kamay niya. Bigla kong naisip na hablutin ang kanyang kamay sa pagkakapamulsa. Noon ko lang nakita, na hawak niya nang mahigpit ang isang baril na handa nang paputukin. Nag-agawan kami sa baril at nakuha ko iyon sa kanya.” (Neil L. Andersen, “Mag-ingat sa Kasamaan sa Likod ng Nakangiting mga Mata,” Liahona, Mayo 2005, 46)

  • Ano ang pinakanapansin ninyo mula sa karanasang ibinahagi ni Elder Andersen?

  • Ano ang mga paraan kung paano maaaring tangkain ni Satanas na linlangin tayo ngayon?

Sa pag-aaral mo ngayon, maghanap ng mga paraan kung paano mo matutukoy ang panlilinlang upang maiwasan mo ang mga bagay na espirituwal na makapipinsala sa iyo.

Binalaan tungkol sa panlilinlang

Nang magpatotoo si Amulek sa mga tao ng Ammonihas na tinawag siya ng Diyos, ilang tao ang nanggilalas (tingnan sa Alma 10:12). Siya ay “isang lalaking kilala ang pangalan” (Alma 10:4) sa kanyang mga tao, at siya ay nakiisa kay Alma sa pagpapatotoo laban sa kanila. Gusto ng ilang mahuhusay na manananggol na linlangin sina Alma at Amulek at pagkakitaan ito (tingnan sa Alma 10:13; 11:20).

Basahin ang Alma 10:15–17, at alamin kung paano tumugon si Amulek sa mga manananggol na ito.

  • Sa paanong mga paraan natutulad ang mga panlilinlang sa “mga [bitag] at patibong”? (Alma 10:17).

Sa iyong patuloy na pag-aaral, alamin kung paano mahihiwatigan ni Amulek ang mga iniisip at patibong ng mga manananggol.

Si Zisrom, isa sa mga manananggol na “bihasa sa mga pamamaraan ng diyablo” (Alma 11:21), ay naglagay ng patibong.

Basahin ang Alma 11:21–25, at alamin kung paano tinangka ni Zisrom na linlangin at tuksuhin si Amulek na itatwa na may Diyos. Maaaring makatulong na malaman na ang “anim na onti ng pilak” (Alma 11:22) ay bayad para sa mga anim na linggong pagtatrabaho bilang manananggol (tingnan sa Alma 11:3, 11–13).

  • Ano ang natutuhan mo sa tugon ni Amulek?

Kahit na itatwa ni Amulek ang Diyos, hindi kailanman ninais ni Zisrom na ibigay sa kanya ang salapi; inalok lang niya ito para subukang siraan at “wasakin” si Amulek (Alma 11:25).

Kalaunan ay ipinaliwanag ni Alma kay Zisrom kung paano nahiwatigan nina Alma at Amulek ang kanyang mga panlilinlang at patibong. Basahin ang Alma 12:2–7, at maghanap ng sagot.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay matutulungan tayo ng Diyos na matukoy ang mga panlilinlang ni Satanas sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

  • Paano naging halimbawa ng alituntuning ito ang kuwento ni Elder Andersen?

  • Ano ang ilang paraan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo? (Kung makatutulong, maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 8:2–3; 9:7–9; 11:12 o pag-aralan ang “Espiritu Santo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

  • Paano nakakaapekto ang mga pagpiling ginagawa natin sa kakayahan nating magabayan ng Espiritu Santo?

Maaari mong markahan ang anumang parirala sa Alma 11:22 na nagpapakita ng determinasyon ni Amulek na sundin ang Espiritu. Pag-isipang mabuti kung paano nakatulong sa kanya ang pagpiling ito.

Pag-iwas sa panlilinlang sa pamamagitan ng pag-alam sa katotohanan

Ang isang paraan ng panlilinlang sa atin ni Satanas ay lituhin tayo sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo.

Basahin ang Alma 11:26–37, 40–41, at alamin ang mga maling turo ni Zisrom tungkol kay Jesucristo at kung paano tumugon si Amulek.

Upang matulungan kang maunawaan ang mga talatang ito, maaari mong iguhit ang sumusunod na chart sa iyong study journal. Sa ibaba ng bawat turo, isulat ang mga asal, ideya, o pag-uugali na maaaring kahantungan ng bawat turo.

Maling turo: Ililigtas tayo ni Jesucristo “sa [ating] mga kasalanan” nang walang pagsisisi (Alma 11:34).

Tamang turo: Ililigtas tayo ni Jesucristo mula sa ating mga kasalanan kapag taos-puso tayong bumaling sa Kanya at nagsisi.

  • Bakit mahalagang malaman na maliligtas tayo ni Jesucristo mula sa ating mga kasalanan ngunit hindi sa ating mga kasalanan?

  • Ano ang natutuhan mo sa paraan ng pagtugon ni Amulek sa mga tanong ni Zisrom?

icon, isulat
  1. Gawin ang sumusunod:

    Gumawa ng listahan ng kahit tatlong makatotohanang paraan kung paano maaaring tangkain ni Satanas na linlangin ang mga tinedyer ngayon. Maaari mong isama ang mga panlilinlang na naranasan ni Amulek, tulad ng mga maling paniniwala tungkol sa Diyos, pangakong kayamanan o kapangyarihan, o mga pag-atake sa ating patotoo sa Diyos. Ang iba pang posibleng panlilinlang ay pinagmumukhang masama ang mabuting bagay o vice versa (tingnan sa Isaias 5:20) at ang kasinungalingan na walang tama o mali (tingnan sa 2 Nephi 28:22).

    Sa tabi ng bawat paraan kung paano maaaring tangkain ni Satanas na linlangin tayo, sumulat ng kahit isang paraan kung paano tayo makahihingi ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo para mapaglabanan ang tuksong iyon. Isulat ang mga partikular na bagay na alam mo tungkol sa Espiritu Santo na makatutulong.