“Alma 12: Matigas o Malambot na Puso,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 12,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 12
Matigas o Malambot na Puso
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng matigas na puso o malambot na puso sa Panginoon? Nang magsimulang magtanong nang taos-puso si Zisrom kina Alma at Amulek, itinuro ni Alma na ang mga hindi magpapatigas ng kanilang puso ay matututuhan ang mga bagay ng Diyos. Itinuro ni Alma ang plano ng pagtubos at hinikayat niya ang mga tao na suriin ang kanilang puso. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na suriin ang iyong puso at ang iyong kahandaang tanggapin ang salita ng Diyos.
Pagkukumpara ng puso sa clay
Isipin ang isang pagkakataon na pinanood mo ang isang tao na gumagawa ng isang bagay mula sa clay o ikaw mismo ang gumagawa niyon. Naaalala mo ba kung madaling ihugis ang clay o kung tuyo na o matigas ito?
-
Paano nakakaapekto ang paggamit ng malambot o matigas na clay sa kakayahan mong ihugis ito?
Sa iyong study journal, magdrowing ng dalawang puso, at lagyan ang isa ng label na “matigas na puso” at ang isa naman ay lagyan ng label na “malambot na puso.” Maaaring makatulong na malaman na sa banal na kasulatan, ang puso ay kadalasang sumasagisag sa “kaisipan at kalooban” ng isang tao (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Puso,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Ikumpara ang ating puso sa clay at ang Panginoon sa taong naghuhugis nito. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hingin ang tulong ng Panginoon sa pagsagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng matigas na puso o malambot na puso? Bakit mahalaga ang kalagayan ng aking puso?
-
Sa paanong mga paraan ako nagkakaroon ng matigas na puso o malambot na puso?
-
Kung matigas ang puso ko, paano ako makahihingi ng tulong sa Panginoon na mapalambot ito?
Habang natututo ka, maaari kang magsulat ng mga tala sa ilalim ng bawat puso na idinrowing mo sa iyong study journal.
Matitigas na puso at malalambot na puso
Sinubukan ni Zisrom at ng iba pa na linlangin at pabulaanan sina Alma at Amulek sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga bagay na naglalayong mabitag sila (tingnan sa Alma 11:21). Tumugon si Amulek sa pamamagitan ng Espiritu, at nagpatotoo siya tungkol sa Tagapagligtas at sa Huling Paghuhukom (tingnan sa Alma 11:26–46). Ipinaliwanag ni Alma na alam nila ni Amulek ang mga panlilinlang ni Zisrom sa pamamagitan ng Espiritu (tingnan sa Alma 12:3–6).
Basahin ang Alma 12:7–8, at alamin kung ano ang nangyari kay Zisrom.
-
Anong mga parirala ang nagsasabi sa inyo na nagbabago si Zisrom?
-
Ano sa palagay ninyo ang kaibhang naidulot ng pag-uugali ni Zisrom sa kanyang kakayahang tumanggap ng mga sagot?
Dahil talagang gustong malaman ni Zisrom ang tungkol sa Huling Paghuhukom, ginamit ni Alma ang pagkakataong ito upang ituro ang tungkol sa plano ng pagtubos ng Diyos. Gayunpaman, binalaan muna ni Alma si Zisrom na ang kanyang puso ay kailangang maging matwid sa harapan ng Diyos.
Habang binabasa mo ang Alma 12:9–11, markahan ang mga salita o parirala na tutulong sa iyo na maunawaan ang nangyayari dahil sa kalagayan ng ating puso. Maaaring makatulong na malaman na “ang mga hiwaga ng Diyos ay mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga,” scriptures.churchofJesusChrist.org).
Ang dalawang alituntunin na maaaring natukoy mo ay (1) kung hindi natin patitigasin ang ating puso at masigasig tayong makikinig sa salita ng Diyos, malalaman natin ang mga hiwaga ng Diyos at (2) kung patitigasin natin ang ating puso, hindi natin matatanggap ang salita ng Diyos hanggang sa wala tayong malaman tungkol sa mga hiwaga ng Diyos. Maaari mong isulat ang bawat katotohanan sa tabi ng mga pusong idinrowing mo sa iyong journal.
Upang mas maunawaan ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng matigas na puso o kung ano ang magagawa natin para mapalambot ng Panginoon ang ating puso, basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata. Sa tabi ng mga angkop na puso sa iyong study journal, isulat ang natutuhan mo o ang mahahalagang parirala mula sa mga talatang ito at ang mga talatang nabasa mo mula sa Alma 12:7–11.
-
Pinatitigas ng mga tao ang kanilang mga puso: 1 Nephi 15:3; 2 Nephi 33:2; Mosias 11:29.
-
Ano ang ginawa ng mga tao para mapalambot ng Panginoon ang kanilang mga puso: 1 Nephi 2:16; Alma 24:8.
-
Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kapag ang isang taong nagtatanong ay may matigas na puso? Ano kaya ang mangyayari kapag nagtatanong tayo nang may “pagtalima at pagsusumikap” (Alma 12:9) sa Panginoon?
-
Bakit kung minsan ay natutukso tayong patigasin ang ating puso?
-
Sa inyong palagay, bakit makagagawa ng gayong kaibhan sa ating buhay ang kalagayan ng ating puso sa Panginoon?
Plano ng pagtubos ng Diyos
Dahil si Zisrom ay nagsimulang magkaroon ng tapat na hangaring maunawaan ang pagkabuhay na mag-uli at ang Araw ng Paghuhukom, itinuro sa kanya ni Alma ang tungkol sa plano ng pagtubos ng Diyos. Itinuro niya na ang buhay na ito ay “panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos” at ang tungkol sa mahalagang tungkulin ng Tagapagligtas na daigin ang ating mga kasalanan at kamatayan (tingnan sa Alma 12:16–18, 24–28, 33). Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng hindi pagpapatigas ng ating puso.
Isipin sandali kung ano kaya ang pakiramdam ng tumayo sa harapan ng Diyos sa Huling Paghuhukom pagkatapos mamuhay nang may matigas na puso. Isipin din kung ano kaya ang pakiramdam pagkatapos mamuhay nang may malambot na puso.
Basahin ang Alma 12:12–15, 33–37, at alamin kung paano maaapektuhan ng iyong puso ang iyong kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa Huling Paghuhukom. Maaari mong markahan ang mahahalagang salita o parirala sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Ayon sa Alma 12:33–34, bakit mahalagang huwag patigasin ang ating puso at magsisi tayo?
-
Paano naging perpektong halimbawa ang Tagapagligtas sa pagkakaroon ng malambot at mapagpakumbabang puso sa Kanyang Ama? (Tingnan sa Mateo 26:39; 2 Nephi 31:4–7; Doktrina at mga Tipan 19:18–19.)
Ang iyong puso
Para matulungan kang suriin ang iyong puso, sagutin ang mga sumusunod na tanong gamit ang scale na 1 hanggang 5, kung saan ang ibig sabihin ng 1 ay “hindi naging totoo sa akin” at ang ibig sabihin ng 5 ay “laging totoo sa akin.”
-
Gusto kong patnubayan ako ng Ama sa Langit sa lahat ng aspeto ng aking buhay.
-
Handa akong sumunod sa Ama sa Langit.
-
Tinatanggap ko ang pagtutuwid sa akin.
-
Nadarama ko na kailangan ko ang tulong ng Tagapagligtas sa buhay ko.
-
Handa akong bumaling sa Tagapagligtas at magsisi.