“Alma 9: Alalahanin ang mga Pagpapala ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 9,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 9
Alalahanin ang mga Pagpapala ng Panginoon
Paano ka pinagpala ng Panginoon? Ano ang inaasahan Niyang gawin mo matapos matanggap ang mga pagpapalang iyon? Nang sabihan nina Alma at Amulek ang mga tao ng Ammonihas na magsisi, hindi tinanggap ng mga tao ang kanilang mga turo. Itinuro ni Alma na inaasahan ng Panginoon na sila ay magiging mas mabuti kaysa sa mga Lamanita, na hindi pa naturuan ng katotohanan. Hinimok niya ang mga tao na alalahanin ang mga pagpapala ng Panginoon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matukoy at maalala ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Panginoon.
Ang mga pagpapala ng Panginoon sa iyo
Sa iyong study journal, mag-ukol ng ilang minuto para ilista ang mga pagpapalang natanggap mo mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. (Maaari mong isama ang mga pagpapalang dumating sa iyo dahil miyembro ka ng Simbahan ni Cristo.)
-
Paano nakakaapekto sa iyo ang pag-alaala sa mga pagpapala at kaloob na ito?
-
Gaano mo kadalas iniisip ang mga pagpapalang ito? May magagawa ka ba para mas mapagtuunan pa ang mga ito?
Sa pag-aaral mo ngayon, magkakaroon ka ng mga pagkakataong magdagdag sa iyong listahan. Hingin ang patnubay ng Ama sa Langit para matukoy mo ang Kanyang mga pagpapala sa iyo at malaman kung paano mo maaalala ang mga ito habambuhay.
Nangaral sina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas
Nang ipangaral nina Alma at Amulek ang salita ng Diyos sa mga tao ng Ammonihas, matitigas ang puso ng mga tao.
Basahin ang mga salitang sinabi ni Alma sa kanila sa Alma 9:8–11, 20–22, at maghanap ng mga salita at parirala na nagsasaad ng mga pagpapalang ibinigay ng Panginoon sa mga taong ito na nalimutan na nila.
-
Ano ang nahanap mo?
-
Anong mga katangian ng Panginoon ang binigyang-diin ni Alma sa talata 11? (Maaari mong markahan ang mga katangiang ito sa iyong mga banal na kasulatan.)
Makatutulong na malaman na ang salitang mahabang pagtitiis ay tumutukoy sa pagtitiyaga at pagpipigil ng Panginoon kapag may dahilan para magalit.
Pag-isipan sandali ang mga paraan kung paano ipinakita sa iyo ng Panginoon ang pagtitiyaga. Maaari mong idagdag ang mga halimbawang ito sa listahan mo ng mga pagpapala.
Kalaunan, nagpatotoo si Alma tungkol sa mga karagdagang katangian ng Panginoon na makatutulong sa atin na maunawaan ang mensahe ni Alma. Basahin ang Alma 9:26 at maaari mong markahan ang mga katangiang ito.
Sa patuloy na pangangaral ni Alma, binigyang-diin niya na si Jesucristo ay puspos ng biyaya, katarungan, katotohanan, tiyaga, awa, at mahabang pagtitiis. Pag-isipan kung bakit nais ni Alma na maunawaan ng mga tao ng Ammonihas ang mga katangiang ito ng Tagapagligtas.
Pagkukumpara at paglalahad ng pagkakaiba ng dalawang tao
Ang mga banal na kasulatan ay madalas magkumpara o maglahad ng pagkakaiba ng mga ideya, pangyayari, at tao sa paraang nagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang paghahanap sa mga pagkukumpara at paglalahad ng mga pagkakaibang ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Pinagkumpara ni Alma ang dalawang grupo ng mga tao na nasa magkaibang sitwasyon—ang mga Lamanita at ang mga tao ng Ammonihas. Punan ang sumusunod na chart sa iyong journal. Alamin kung paano binigyang-diin ni Alma ang mga katangian ng Tagapagligtas.
-
Punan ang sumusunod na chart sa iyong study journal at isipin kung ano pa ang matututuhan mo tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagkukumparang ito.
Ano ang nalaman mo tungkol sa mga tao
Paano nagpapakita ang Panginoon ng biyaya, katarungan, katotohanan, tiyaga, awa, o mahabang pagtitiis sa mga taong ito
Mga Lamanita (Alma 9:14–17)
Mga tao ng Ammonihas (Alma 9:20–25)
-
Paano nagpakita ng awa ng Panginoon ang pagsugo kina Alma at Amulek para magbabala at magpatotoo sa mga tao ng Ammonihas?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang maalala natin sa ating panahon ang mga turo ni Alma tungkol sa Diyos sa Alma 9?
Ano ang ibinigay sa iyo ng Panginoon?
Namangha si Alma na napakabilis makalimot ng mga tao ng Ammonihas sa mga pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon (tingnan sa Alma 9:8–11). Upang matulungan silang magsisi at bumalik sa Panginoon, ipinaalala sa kanila ni Alma ang maraming pagpapalang natanggap nila (tingnan sa talata 20–24).
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring nalilimutan natin ang ginawa ng Panginoon para sa atin?
Habang binabasa mo ang mga sumusunod na tanong, isipin kung paano mo natanggap ang ilan sa mga pagpapalang natanggap din ng mga tao ng Ammonihas. Maaari mong idagdag ang mga pagpapalang ito sa iyong listahan.