Seminary
Alma 18: Si Ammon ay Naglingkod at Nagturo kay Haring Lamoni


“Alma 18: Si Ammon ay Naglingkod at Nagturo kay Haring Lamoni,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 18,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 18

Si Ammon ay Naglingkod at Nagturo kay Haring Lamoni

Tinuturuan ni Ammon si Haring Lamoni

Hindi natin alam kung bakit napakataas ng tingin ni Haring Lamoni kay Ammon nang una silang magkita. Marahil ang dahilan ay ang kahandaan ni Ammon na maglingkod o ang liwanag ni Cristo na nakikita sa kanya, o siya ang anak ni Haring Mosias. Anuman ang dahilan ng magandang unang impresyon kay Ammon, lubos na naantig si Lamoni ng katapatan ni Ammon sa kanya na naglingkod sa kanya sa sumunod na tatlong araw. Dahil sa nadama niya, handang maniwala si Lamoni sa lahat ng salita ni Ammon. Ang lesson na ito ay ginawa upang tulungan kang makahanap ng mga paraan para matulungan ang iba na mas mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng iyong pagmamahal at paglilingkod na tulad ng kay Cristo.

Ipangaral ang ebanghelyo

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:

Ang isa sa pinakamagagandang sermon na ipinahayag tungkol sa gawaing misyonero ay ang simpleng ideyang ito ni St. Francis of Assisi: “Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras at kung kailangan, magsalita kayo.” (Dieter F. Uchtdorf, “Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Liahona, Mayo 2011, 77)

  • Paano natin ipapangaral ang ebanghelyo nang hindi gumagamit ng mga salita?

  • Bakit napakabisang paraan iyon para mangaral?

Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagtuturo ng ebanghelyo.

  • May naiisip ka bang mga salaysay tungkol sa pagtulong ni Jesus sa iba para malaman nila ang tungkol sa Ama sa Langit kahit hindi siya gaanong nagsalita?

Pinrotektahan ni Ammon ang mga kawan

Maaalala mo na noong simulan ni Ammon ang kanyang misyon sa mga Lamanita sa lupain ng Ismael, hindi niya kaagad sinimulang ituro ang ebanghelyo. Sa halip, ipinangako niya sa hari, “Magiging tagapagsilbi ninyo ako” (Alma 17:25). Pagkatapos ay itinalaga si Ammon na bantayan ang mga kawan ng hari. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, naprotektahan niya ang mga kawan at ang iba pang mga tagapaglingkod mula sa mga Lamanita na nagtangkang ikalat ang mga tupa.

Habang pinag-aaralan mo ang Alma 18 ngayon, bigyang-pansin ang naging epekto ng matapat na paglilingkod ni Ammon kay Haring Lamoni. Mag-isip ng mga paraan na matutulungan mo ang iba na mas mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa kanila sa mga paraang katulad ng kay Cristo.

Ang epekto ng pagmamahal at paglilingkod ni Ammon na tulad ng kay Cristo

Basahin ang Alma 18:1–11, at alamin ang naging epekto kay Haring Lamoni ng mga ginawa ni Ammon. Maaari mo ring panoorin ang “Ipinagtanggol ni Ammon ang mga Kawan ni Haring Lamoni“ mula sa time code na 2:57 hanggang 5:24 habang sumasabay ka sa pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

5:25
  • Ano ang pinakanapansin mo tungkol kay Ammon sa mga talatang ito?

  • Ano ang naging epekto sa hari ng mga ginawa ni Ammon?

Matapos ihanda ni Ammon ang mga kabayo at karuwahe ng hari, lumapit siya sa hari at napansin niyang nagbago ang anyo ng mukha ni Lamoni. Sa pamamagitan ng Espiritu, nahiwatigan ni Ammon ang iniisip ng hari at alam niya na namamangha si Lamoni sa mahimalang paraan ng pagtatanggol ni Ammon sa mga kawan ng hari (tingnan sa Alma 18:12–19).

Basahin ang Alma 18:20–23, at alamin ang ninanais ni Lamoni. Maaari mo ring panoorin ang “Itinuro ni Ammon kay Haring Lamoni ang tungkol sa Ebanghelyo ni Jesucristo” mula sa time code na 0:23 hanggang 1:56 habang sumasabay ka sa pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

5:41
  • Ano sa palagay mo ang naitulong ng pagmamahal at paglilingkod ni Ammon na katulad ng kay Cristo sa kahandaan ng hari na maniwala sa mga salita ni Ammon?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay sa pamamagitan ng ating pagmamahal at paglilingkod na tulad ng kay Cristo, maihahanda ng Diyos ang puso ng mga pinaglilingkuran natin upang matanggap ang mga katotohanan ng ebanghelyo.

icon, isulat
  1. Sagutin ang sumusunod na tanong:

    • Ano ang ilang paraan na matutulungan natin ang iba na mas mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagmamahal at paglilingkod na tulad ng kay Cristo?

Itinuro ni Ammon kay Lamoni ang mga katotohanan ng ebanghelyo

Basahin ang Alma 18:24–43, at alamin ang itinuro ni Ammon kay Lamoni. Maaari kang gumawa ng listahan ng malalaman mo, at bigyang-pansin ang mga salitang “inulit,” “ipinaliwanag,” at “sinabi.” Maaari mo ring panoorin ang video na “Itinuro ni Ammon kay Haring Lamoni ang tungkol sa Ebanghelyo ni Jesucristo” mula sa time code na 1:56 hanggang 5:41, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at sumabay sa pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan.

5:41
icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang ilan sa mahahalagang katotohanan na ipinaunawa ni Ammon kay Lamoni?

    • Ano ang naging epekto ng mga katotohanang ito kay Lamoni?

    • Bakit mahalagang maunawaan natin ngayon ang mga katotohanang ito?

Bagama’t inakala ng marami sa mga Lamanita na namatay na si Lamoni nang bumagsak siya sa lupa, kalaunan ay tinulungan sila ni Ammon na maunawaan na ang hari “ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos,” o “tinangay siya sa Diyos” (Alma 19:6). Marami ka pang malalaman tungkol sa pagbabalik-loob ni Lamoni habang pinag-aaralan mo ang Alma 19.

Pagsasabuhay ng natutuhan mo

Isipin ang isang tao na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo na mas mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod na tulad ng kay Cristo.

icon, isulat
  1. Sagutin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong na may bullet point:

    • Paano ka makapaglilingkod o makapagpapakita ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo sa taong ito?

    • Paano makatutulong ang mga pagsisikap mo na mas mapalapit sa Diyos ang taong ito?

    • Anong mga balakid ang nakikita mo na maaaring magpahirap para mapaglingkuran ang taong ito nang may dalisay na pag-ibig? Paano mo madaraig ang mga balakid na ito?