Seminary
Alma 17: “Alinsunod sa Salita at Kapangyarihan ng Diyos”


“Alma 17: ‘Alinsunod sa Salita at Kapangyarihan ng Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 17

“Alinsunod sa Salita at Kapangyarihan ng Diyos”

ipinagtatanggol ni Ammon ang mga kawan ni Lamoni

Ipagpalagay na sinisikap mong ipangaral ang ebanghelyo sa isang grupo ng mga tao na mailalarawan bilang mababangis, matitigas, at mababagsik. Ito mismo ang piniling gawin ng mga anak ni Mosias nang magtungo sila sa lupain ng mga Lamanita upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Inilalarawan sa Alma 17 ang tulong na natanggap ni Ammon mula sa Diyos nang simulan niya ang kanyang ministeryo sa mga Lamanita sa lupain ng Ismael. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang tulong at lakas na ibinibigay sa iyo ng Panginoon sa mahihirap na sitwasyong kinakaharap mo.

Ang pangangailangan natin ng tulong ng Diyos

Pag-isipan ang mga sumusunod na sitwasyon:

Nadama ni Luci na kailangan niyang magsisi at baguhin ang paraan ng kanyang pamumuhay, ngunit ang lahat ng bagay na pinagsikapan niyang baguhin ay tila walang malaking epekto.

Inspirado si Guillermo na magmisyon, ngunit nalulungkot ang kanyang mga magulang dahil kailangan nila ang tulong niya sa negosyo ng pamilya.

  • Ano ang ilang paraan na matutulungan ng Diyos si Luci o Guillermo?

  • Ano ang ilang paraan na maaari nilang hingin o kilalanin ang Kanyang tulong?

Mag-isip sandali at isulat sa iyong study journal kung paano sa palagay mo pinakakailangan mo ng tulong o lakas ng Diyos sa iyong buhay. Ano ang ilang paraan na umaasa ka na maaaring makatulong sa iyo ang Diyos? Habang pinag-aaralan mo ang Alma 17 ngayon, alamin ang mga paraan na matutukoy at maaanyayahan mo ang lakas ng Diyos sa iyong buhay.

Ang mga anak ni Mosias

Isinalaysay sa mga kabanata 1–16 ng Alma ang mga pangyayari sa buhay ni Alma sa unang 14 na taon ng panunungkulan ng mga hukom. Sa Alma 17–27, nalaman natin ang tungkol sa paglalakbay ng mga anak ni Mosias bilang misyonero patungo sa mga Lamanita sa panahon ding iyon. Ang Alma 17 ay nagsimula kay Alma at sa kanyang mga kaibigan, na mga anak ni Mosias, na nagkita sa unang pagkakataon matapos silang magkahiwalay sa loob ng 14 na taon (tingnan sa Alma 17:2–4; 27:16). Ang mga pangalan ng mga anak ni Mosias ay Ammon, Aaron, Omner, at Himni.

Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin ang mahahalagang detalye tungkol sa misyon nina Ammon, Aaron, Omner, at Himni.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang pinakanapansin mo tungkol sa mga anak ni Mosias mula sa mga talatang ito?

    • Anong katibayan ang nakita mo na gumagana ang tulong o lakas ng Diyos sa kanilang buhay? Maaari mong markahan ang katibayang ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Si Ammon at si Haring Lamoni

Bago naghiwalay ang mga misyonerong ito upang ipangaral ang ebanghelyo sa iba’t ibang lugar, tinuruan at binasbasan sila ni Ammon. Pagkatapos ay nagtungo si Ammon sa lupain na tinatawag na Ismael. Nang pumasok siya sa lupaing iyon, siya ay dinakip at dinala sa harapan ng hari, na ang pangalan ay Lamoni (tingnan sa Alma 17:17–20).

Basahin ang Alma 17:21–25, at alamin ang sinabi ni Ammon kay Haring Lamoni. Maaari mo ring panoorin ang video na “Si Ammon ay Naging Tagapagsilbi ni Haring Lamoni” (3:47), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

3:47
  • Paano kaya nakatulong ang sinabi ni Ammon sa hari na “Magiging tagapagsilbi ninyo ako” (Alma 17:25) upang maging mas epektibong misyonero si Ammon?

Habang binabantayan ni Ammon at ng iba pang mga tagapagsilbi ng hari ang mga kawan, nakaranas sila ng isang mahirap na sitwasyon.

Basahin ang Alma 17:26–39, at alamin kung paano tumugon si Ammon sa sitwasyong ito. Maaari mo ring panoorin ang “Ipinagtanggol ni Ammon ang mga Kawan ni Haring Lamoni” mula sa time code na 0:00 hanggang 3:10. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

5:25
  • Paano nauugnay ang tiwala ni Ammon sa sitwasyong ito sa pangakong ibinigay ng Panginoon sa ama ni Ammon na si Mosias, sa Mosias 28:7?

  • Kung naroon ka, ano kaya ang maiisip mo tungkol kay Ammon?

Basahin ang Alma 18:1–3, at alamin ang sinabi ng iba pang mga tagapagsilbing Lamanita kay Haring Lamoni tungkol sa karanasang ito.

  • Paano inilarawan ng mga tagapagsilbi ng hari si Ammon?

Bagama’t nahirapan ang mga tagapagsilbi ng hari na ilarawan kung bakit naprotektahan ni Ammon ang mga kawan ng hari sa gayong mahimalang paraan, natukoy nila na may kapangyarihan siya na nakahihigit sa matataglay ng isang mortal na tao.

Mula sa karanasan ni Ammon, matututuhan natin na ipinagkakaloob ng Panginoon ang Kanyang lakas at kapangyarihan sa Kanyang mga tagapaglingkod na nagsisikap na gawin ang Kanyang kalooban.

Nang malapit nang matapos ang kanyang 14 na taong misyon, pinagnilayan ni Ammon ang lakas at kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Diyos sa kanyang buong panahon ng paglilingkod sa mga Lamanita.

Basahin ang Alma 26:12, at alamin ang sinabi ni Ammon tungkol sa pinagmumulan ng kanyang lakas.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan kailangan natin ang tulong o lakas ng Panginoon sa ating buhay?

    • Ano ang ilan sa mga paraan na maaaring biyayaan tayo ng Panginoon ng Kanyang tulong o lakas?

    • Ano ang magagawa mo para maanyayahan o matamo ang tulong o lakas ng Diyos sa iyong buhay?