“Alma 19: ‘Nakaunat ang Kanyang Bisig sa Lahat ng Taong Magsisisi at Maniniwala,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 19,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 19
“Nakaunat ang Kanyang Bisig sa Lahat ng Taong Magsisisi at Maniniwala”
Habang iniisip mo ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, nadarama mo ba na may ilang tao na malamang na hindi tatanggapin ang mga turo ng Tagapagligtas? Sa iyong palagay, ano ang iniisip ng Ama sa Langit sa mga taong ito? Mula sa mga karanasan ni Ammon bilang misyonero sa mga Lamanita, nakita natin na inihahanda ng Panginoon ang puso ng mga tao mula sa lahat ng antas ng buhay upang matanggap ang Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na mahal ng Panginoon ang lahat ng tao at nais Niya na lumapit sila sa Kanya.
Sumagot ng survey
I-rate ang iyong sarili mula 1–5 tungkol sa kung gaano mo kayang maanyayahan sa iyong palagay ang mga sumusunod na tao na alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Isang taong kakilala mo na interesado sa Simbahan
-
Isang kaibigan o kapamilya na karaniwang sumusunod na sa mga pamantayan ng ebanghelyo ngunit hindi pa miyembro
-
Isang kaibigan o kapamilya na hindi sumusunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo
-
Isang taong kilala mo na tumanggi sa mga paanyaya noon ng iba na alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo
Isipin ang mga dahilan kung bakit iyon ang ni-rate mo sa sarili mo.
-
Paano maaaring makaapekto ang ating mga personal na opinyon tungkol sa iba sa ating mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo?
Nang simulan ng mga anak ni Mosias ang kanilang misyon sa mga Lamanita, maraming tao ang pinagtawanan sila at nag-alinlangan na magtatagumpay sila sa masasamang taong iyon (tingnan sa Alma 26:23–25). Gayunpaman, nagtagumpay si Ammon at ang kanyang mga kapatid. Maaaring naaalala mo na matapos ituro ni Ammon ang ebanghelyo kay Haring Lamoni, ang hari ay naniwala sa mga salita ni Ammon, nagsumamo na kaawaan siya, at nalugmok sa lupa nang mapuspos siya ng Espiritu (tingnan sa Alma 18:40–43).
Ngayon, malalaman mo ang tungkol sa mga pangyayaring naganap sa sambahayan ni Lamoni matapos turuan ni Ammon ang hari. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang paraan ng pagtingin ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak, kabilang na ang mga taong tila hindi tatanggapin ang ebanghelyo.
Patuloy na tinuruan ni Ammon ang sambahayan ni Lamoni
Nang malaman ng reyna ng mga Lamanita ang pagkamatay ng kanyang asawa, pinapunta niya si Ammon para makausap ito (tingnan sa Alma 19:1–3).
Basahin ang Alma 19:4–17, at alamin ang naranasan ng reyna at ng iba pa matapos makipag-usap kay Ammon. Maaari mo ring panoorin ang “Si Ammon ay Nagsilbi at Nagturo kay Haring Lamoni“ mula sa time code na 15:18 hanggang 20:06. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Ano ang nalaman mo tungkol sa reyna mula sa mga talatang ito?
-
Ano ang nalaman ni Lamoni tungkol kay Jesucristo sa nakaraang tatlong araw?
-
Sa iyong palagay, bakit nagdulot ng lubos na kagalakan kay Lamoni ang kaalamang ito?
Matapos tipunin ang iba pa sa bahay ng hari, nagulat at nalungkot ang tagapagsilbi ng reyna na si Abis nang magsimulang bumulung-bulong ang mga tao sa kanilang sarili tungkol sa dahilan kung bakit ang hari at ang iba ay nakahandusay sa lupa na para bang sila ay patay na (tingnan sa Alma 19:18–28).
Basahin ang Alma 19:29–36, at alamin ang ginawa ni Abis sa sandaling ito ng pagtatalo at kung ano ang nangyari sa mga Lamanita pagkatapos nito. Maaari mo ring panoorin ang “Si Ammon ay Nagsilbi at Nagturo kay Haring Lamoni” mula sa time code na 20:07 hanggang 23:04. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Ano ang naging epekto ng ebanghelyo ni Jesucristo sa maraming Lamanita na piniling maniwala?
-
Anong katotohanan tungkol sa Panginoon ang itinuro ni Mormon sa talata 36 matapos ibahagi ang salaysay na ito?
Ang hangarin ng Panginoon na lumapit ang lahat sa Kanya
Mula sa mga salita ni Mormon sa talata 36, nalaman natin na nakaunat ang bisig ng Panginoon sa lahat ng taong magsisisi at maniniwala sa Kanyang pangalan. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan.
Sa kontekstong ito, ang nakaunat na bisig ng Panginoon ay may lakip na awa at kahandaang magpatawad.
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo para makita ang katotohanan ng alituntuning ito sa sarili mong buhay o sa buhay ng iba?
Kung minsan ay maaaring mali na ipasiya natin na hindi magiging interesado ang isang tao sa ebanghelyo dahil sa hitsura ng taong iyon o kung ano ang nagawa niya noon. Ipagpalagay sandali na may isang tao sa sitwasyong ito. Maaaring ito ay isang partikular na taong kakilala mo, o maaari mong isipin lang ang mga taong karaniwang akma sa paglalarawang ito.