Seminary
Alma 20–22: “Ano ang Nararapat Kong Gawin Upang Magkaroon ako [ng] Buhay na Walang Hanggan?”


“Alma 20–22: ‘Ano ang Nararapat Kong Gawin Upang Magkaroon ako [ng] Buhay na Walang Hanggan?’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 20–22,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 20–22

“Ano ang Nararapat Kong Gawin Upang Magkaroon ako [ng] Buhay na Walang Hanggan?”

tinedyer na nakangiti

Ano ang makatutulong sa iyo na hangaring sundin ang Diyos nang higit kaysa ano pa mang bagay? Ang ama ni Haring Lamoni ay dating masamang tao, ngunit matapos malaman ang mahahalagang katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan ng ating Tagapagligtas at ng Ama sa Langit, nagsimulang magbago nang husto ang kanyang mga hangarin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na hangarin ang mga bagay ng Diyos nang higit kaysa ano pa mang bagay na maibibigay ng mundo.

Handa ka ba?

Napansin mo na ba na may ilang partikular na sitwasyon na makaiimpluwensya sa kahandaan mong gawin ang isang bagay—o hindi gawin ang isang bagay?

Halimbawa, isipin ang mga sitwasyon kung saan magiging handa kang gawin ang mga sumusunod. Pagkatapos ay isipin ang mga sitwasyon kung saan hindi ka gaanong magiging handang gawin ang mga ito.

  • Linisin ang kuwarto mo.

  • Magbasa ng aklat.

  • Maglakad nang malayo.

Ang ilang partikular na bagay ay makahihikayat sa atin na sundin ang Diyos.

Pag-isipan sandali ang iyong mga hangaring sundin ang Diyos. Kung nais mong sundin Siya, ano ang nakatulong sa iyo na madama ang hangaring iyon? Kung wala kang hangaring sumunod sa Kanya sa ngayon, ano sa palagay mo ang mga dahilan kaya nadarama mo iyon?

Ngayon, malalaman mo ang tungkol sa isang tao na nagkaroon ng mas malaking hangarin na sundin ang Diyos sa loob ng maikling panahon. Habang nag-aaral ka, bigyang-pansin kung ano ang nagdulot ng pagbabagong ito. Maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyong magkaroon ng mas malaking hangaring sundin ang Diyos at matanggap ang mga pagpapalang tanging Siya lamang ang makapagbibigay sa iyo.

Nakasalubong nina Ammon at Lamoni ang ama ni Lamoni

Habang pinaglilingkuran at tinuturuan ni Ammon ang mga tao ni Haring Lamoni sa lupain ng Ismael, inihayag ng Panginoon kay Ammon na ibinilanggo si Aaron at ang iba pa mula sa kanilang grupo sa lupain ng Midoni. Nagplano si Ammon at ang hari na maglakbay patungo roon upang iligtas si Aaron at ang iba pa. Sa kanilang paglalakbay, nakasalubong nila ang ama ni Lamoni, na siyang hari sa buong lupain (tingnan sa Alma 20:1–8).

Basahin ang Alma 20:13–28, at alamin ang pag-uusap na naganap sa pagitan nina Ammon, Lamoni, at ng ama ni Lamoni.

  • Paano mo napansin na nagbago ang mga hangarin ng ama ni Lamoni habang kausap niya sina Ammon at Lamoni?

  • Ano ang ilan sa mga bagay na nakatulong sa pagbabagong iyon?

Maaari mong markahan sa talata 23 kung ano ang handang isuko ng ama ni Lamoni kung hindi kikitlin ni Ammon ang kanyang buhay. Maaari mong ikumpara ang kanyang reaksyon sa talatang ito sa kanyang reaksyon sa iba pang mga talata na pag-aaralan mo kalaunan sa lesson.

Tinuruan ni Aaron ang ama ni Lamoni

Matapos palayain si Aaron at ang mga kasama niya sa bilangguan, bumalik si Ammon sa lupain ng Ismael kasama si Haring Lamoni. Inakay ng Espiritu si Aaron na bisitahin ang ama ni Lamoni sa lupain ng Nephi (tingnan sa Alma 22:1).

Basahin ang Alma 22:2–6, at alamin ang mga itinanong ng ama ni Lamoni habang nakikipag-usap kay Aaron.

  • Ano ang maaari mong ibahagi tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano bilang tugon sa mga tanong ng hari sa mga talata 5–6?

Basahin ang Alma 22:7–14 at alamin kung paano sinagot ni Aaron ang mga tanong ng hari. Tandaan na ang salitang karapatan sa talata 14 ay nangangahulugang “matamo o maging karapat-dapat.”

  • Ano ang natutuhan ng hari tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano na malamang na nakaapekto sa kanyang pananaw tungkol sa buhay?

  • Paano nakakaimpluwensya sa atin ang paniniwala at pag-unawa sa mga turo ni Aaron tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano?

Basahin ang Alma 22:15–18, at alamin kung ano ang ninanais at handang gawin ng hari matapos siyang turuan ni Aaron.

icon, isulat
  1. Sagutin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong:

    • Anong mga salita o parirala ang nakatulong sa iyo na makita na nagbago ang mga hangarin ng hari mula nang makasalubong at makausap niya sina Ammon at Lamoni sa daan patungong Midoni?

    • Ano ang sinabi ng hari sa mga talata 15 at 18 na handa niyang isuko?

    • Batay sa natutuhan mo mula sa iyong pag-aaral ng Alma 20 at 22, ano ang ilan sa mga bagay na nakadagdag sa pagbabagong naranasan ng hari?

    Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay kapag nauunawaan natin na kailangan natin si Jesucristo, nadaragdagan ang ating hangaring sundin Siya at tanggapin ang mga pagpapalang maibibigay Niya sa atin.

    • Sa iyong palagay, bakit maaaring magkaroon ng malaking epekto sa ating mga hangarin at kilos ang pag-unawa sa pangangailangan natin sa Tagapagligtas?

    • Ano ang maaaring makatulong o nakatulong sa iyo upang mas maunawaan ang pangangailangan mo kay Jesucristo?

Paano nakakaimpluwensya sa atin ang ating mabubuting hangarin

Ang karanasan ng hari kasama si Aaron ay nagkaroon ng malaking epekto sa hari at sa kanyang mga tao. Ang hari, ang kanyang asawa, ang kanyang buong sambahayan, at marami pang ibang Lamanita ay nagbalik-loob sa Panginoon at naging tapat sila sa Kanya habambuhay (tingnan sa Alma 22:23; 23:6).

Isiping muli ang sinabi ng hari na ninais niya sa mga talata 15–18. Kabilang sa mga ito ang

  • mga pagpapala ng buhay na walang hanggan (mga talata 15, 18);

  • “[ma]isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa [kanyang] dibdib” (talata 15);

  • matanggap ang Espiritu Santo (talata 15);

  • mapuspos ng galak (talata 15); at

  • makilala ang Diyos (talata 18).

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano sa palagay mo ang kaibahang magagawa nito sa iyong buhay para patuloy na hangarin ang mga bagay na ito?

    • Ano ang kailangan nating isuko o baguhin para matamo ang mga pagpapalang ito?

    Isipin ang natutuhan at nadama mo habang nag-aaral ka ngayon. Isipin kung ano ang magagawa mo para mas lubos na hangarin ang mga pagpapalang nais ibigay sa iyo ng Ama sa Langit. Isipin kung ano ang maaaring kailanganin mong gawin o isuko para matanggap ang mga pagpapalang ito. Isulat ang mga naisip at espirituwal na impresyon mo sa iyong study journal.