Seminary
Alma 30:1–29: Ang mga Turo ni Korihor ay Umakay sa Marami Palayo sa Tagapagligtas


“Alma 30:1–29: Ang mga Turo ni Korihor ay Umakay sa Marami Palayo sa Tagapagligtas,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 30:1–29,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 30:1–29

Ang mga Turo ni Korihor ay Umakay sa Marami Palayo sa Tagapagligtas

Larawan
Inililigaw ni Korihor ang mga tao

Isang masamang lalaking nagngangalang Korihor ang dumating sa mga Nephita. Nangaral siya laban sa mga propesiya tungkol kay Jesucristo at inakay niya ang puso ng maraming tao palayo sa Diyos. Sa ating panahon, maraming tinig na naghahangad na ilayo tayo kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy at tanggihan ang mga turo na maaaring maglayo sa iyo kay Jesucristo.

Ang panlilinlang ni Satanas

Ang maka-feke ay pain para sa pugita. Ang mga pain para sa pugita ay ginawa na kamukhang-kamukha ng tunay na pagkain kaya ang nalinlang na pugita ay tatangging bitawan ito kapag nasunggaban na ito. Kapag nangyari ito, madaling maihahagis ng mangingisda ang pugita sa kanyang bangka.

Larawan
maka-feke

Ginamit ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang halimbawa ng maka-feke para ituro kung paano kumikilos si Satanas.

Ngayon tayo ay naliligiran ng mga maka-feke na ipinapain ng diyablo sa ating harapan sa pagtatangkang akitin tayo at pagkatapos ay bihagin. Sa sandaling masunggaban, napakahirap—at kung minsa’y imposible pa—na bitawan ang gayong mga maka-feke. Para maging ligtas, kailangan nating matukoy ang mga ito at maging matatag tayo sa determinasyong iwasan ang mga ito. (Thomas S. Monson, “Tapat sa Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2006, 18)

  • Gaano ka kakumpiyansa sa kakayahan mong matukoy ang mga maling turo ni Satanas na maaaring “makaakit” at “makabihag” sa iyo?

Pag-iwas sa mga bagay na naglalayo sa atin sa Tagapagligtas

Pagkatapos ng matinding digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, nagkaroon ng kapayapaan sa buong lupain. Makalipas ang mga dalawang taon, isang lalaking nagngangalang Korihor ang nagsimulang mangaral sa mga tao sa Zarahemla. Sinabi ni Satanas kay Korihor kung ano ang kanyang sasabihin (tingnan sa Alma 30:53). Habang nag-aaral ka ngayon, pansinin kung paano ginamit ni Korihor ang kanyang mga salita at mga maling turo bilang maka-feke para mabitag ang mga tao.

Basahin ang Alma 30:6, 12, at maghanap ng mga salita at parirala na naglalarawan sa mensahe at misyon ni Korihor.

  • Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng siya ay “Anti-Cristo”? (Alma 30:6).

Ang salitang anti-Cristo ay tumutukoy sa “sinuman o anumang bagay na nanghuhuwad sa totoong ebanghelyo ng plano ng kaligtasan at hayagan o lihim na sumasalungat kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anti-Cristo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay tungkol kay Korihor ay gumagamit si Satanas ng mga maling turo para ilayo tayo kay Jesucristo.

Mga turong anti-Cristo ni Korihor

Basahin ang Alma 30:12–18, at alamin ang mga maling turo ni Korihor. Maaari mong markahan ang mga turo ni Korihor sa paraang naiiba (halimbawa, gumamit ng kakaibang kulay o simbolo) o isulat ang mga ito sa iyong study journal.

  • Ano ang ilan sa mga maling turo ni Korihor?

Larawan
icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

    Pumili ng dalawa o tatlong partikular na turo ni Korihor na gagamitin habang sinasagot mo ang unang dalawang tanong:

    • Paano mo maaaring ilahad muli ang mga turo ni Korihor gamit ang pananalitang mas karaniwan sa ating panahon?

    • Gamit ang scale na mula 1 hanggang 10 (kung saan 10 ang pinakamatindi), sa nakikita mo, gaano katindi tinatanggap ngayon ang mga turo ni Korihor?

    • Ano ang mayroon sa mga turong ito na mag-aakay sa mga tao palayo kay Jesucristo? Bakit mapanganib ang mga ideyang ito?

Hingin ang patnubay ng Espiritu at pagnilayan ang epekto ng mga turo ni Korihor sa sarili mong buhay. Mag-isip ng mga paraan na personal kang maiimpluwensyahan ng alinman sa mga maling turong ito.

Nagsalita si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol kay Korihor at sa kanyang mga turo. Maaari mong panoorin ang video na “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi” mula sa time code na 2:08 hanggang 2:40, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Ang [mga taong] tulad ni Korihor, ay itinatangging mayroong Cristo at sinasabing walang kasalanan. Ang doktrina nila ay na ang mga pinahahalagahan, pamantayan, at maging ang katotohanan ay dependeng lahat sa tao. Kaya nga, anuman ang inaakala ng tao na tama para sa kanya ay hindi maaaring husgahan ng iba na mali o kasalanan.

Sa unang tingin ay tila kaakit-akit ang gayong mga pilosopiya dahil tinutulutan tayo nitong gawin ang anumang pita o nais natin anuman ang kahinatnan nito. (D. Todd Christofferson, “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Liahona, Nob. 2011, 38)

  • Sa inyong palagay, paano maaakay ng mga turong ito na magkasala ang mga tao? (Tingnan sa talata 18.)

Basahin ang Alma 30:19–21, at alamin kung paano tumugon ang mga tao ng Jerson at Gedeon sa mga turo ni Korihor.

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    Sa inyong palagay, bakit ang kanilang tugon ay “higit [na] matalino” (Alma 30:20) kaysa sa mga tao ng Zarahemla? (tingnan sa Alma 30:18).

    • Paano tayo magiging “higit [na] matalino” at makatatanggi sa mga mensaheng anti-Cristo?

    • Paano makakaapekto sa inyo ang inyong kaalaman at kaugnayan sa Tagapagligtas kung gaano kalaki ang impluwensya sa inyo ng mga turong ito na anti-Cristo?

Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo mula sa iyong pag-aaral. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kang tumuon kay Jesucristo at tanggihan ang mga turong mag-aakay sa iyo palayo sa Kanya.

Print