“Alma 30:30–60: ‘May Kataas-taasang Tagapaglikha,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 30:30–60,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 30:30–60
“May Kataas-taasang Tagapaglikha”
Nagpatotoo si Alma na “lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos” (Alma 30:44). Ngunit bakit hindi kinikilala o tinatanggap ng lahat na may katibayan na totoo ang Diyos? Itinatwa ni Korihor na may Diyos hanggang sa siya ay mapipi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang katibayan na may Diyos at piliing maniwala sa Kanya.
May Diyos
-
Sa inyong paaralan o komunidad, gaano karaniwan para sa mga tao na makakita ng katibayan na may Diyos sa mundo sa paligid nila (halimbawa, habang nakatingin sa paglubog ng araw o mga bituin)?
-
Sa inyong palagay, bakit maaaring pare-pareho ang tinitingnan ng mga tao ngunit magkakaiba ang nagiging konklusyon nila tungkol sa Diyos?
-
Ano ang maaaring makaimpluwensya sa kakayahan ng isang tao na matukoy ang kaugnayan ng Diyos sa kanilang buhay?
Pag-isipan kung paano kayo mapagpapala kung makikita ninyo nang mas malinaw ang Diyos at ang Kanyang kaugnayan sa inyong buhay. Sa pag-aaral mo ngayon, hangaring madagdagan ang kakayahan mong makakita ng katibayan ng Diyos sa nakikita at nararanasan mo.
Pinaratangan ni Korihor ang mga lider ng Simbahan
Si Korihor, na isang anti-Cristo, ay naging matagumpay sa pagpapalaganap ng kanyang mga mapanghibok na mensahe sa lupain ng Zarahemla (tingnan sa Alma 30:12, 17–18). Sinubukan din niyang magturo sa mga tao sa Jerson at Gedeon. Doon, sinalungat ng mga nananampalataya sa Diyos si Korihor at dinala nila siya sa harapan ng punong hukom at ni Alma, ang mataas na saserdote.
Basahin ang Alma 30:30–36, at alamin kung paano tumugon si Alma sa mga pag-atake ni Korihor sa Diyos at sa Simbahan. ChurchofJesusChrist.org
Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng paglapastangan sa talata 30 ay kutyain ang Diyos o magsalita nang “walang pakundangan o walang pitagan sa Diyos o mga banal na bagay.” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lapastangan, Kalapastanganan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ang salitang pagpapakasawa sa mga talatang ito ay nagsasaad ng pagyaman dahil sa isang bagay.
-
Ano ang ipinaratang ni Korihor na ginagawa ng mga lider ng Simbahan? (Tingnan sa Alma 30:31.)
Ang patotoo ni Alma tungkol sa Diyos
Nang tanungin ni Alma si Korihor kung naniniwala siya sa Diyos, sinabi ni Korihor na hindi siya naniniwala (tingnan sa Alma 30:37–38).
Basahin ang Alma 30:39–44, at alamin kung paano tumugon si Alma kay Korihor. ChurchofJesusChrist.org
Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na payo tungkol sa kaalaman na may Diyos.
Unawain na ang kawalan ng mga karanasan sa Diyos ang maaaring dahilan ng pagdududa na mayroong Diyos. Kaya, ilagay ang inyong sarili sa posisyon na masimulang magkaroon ng mga karanasan sa Kanya. Magpakumbaba. Manalangin na magkaroon ng mga mata na makakakita sa kamay ng Diyos sa inyong buhay at sa mundong nakapaligid sa inyo. Hilingin sa Kanya na sabihin sa inyo kung naroroon Siya talaga—kung nakikilala Niya kayo. Tanungin Siya kung ano ang nadarama Niya para sa inyo. At pagkatapos ay makinig. (Russell M. Nelson, “Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Liahona, Mayo 2019, 90)
-
Ayon kay Pangulong Nelson, ano ang magagawa ninyo para mapalakas ang inyong kaalaman na ang Diyos ay tunay at may kinalaman sa inyong buhay?
Sa halip na manampalataya na magkaroon ng karanasan sa Diyos, nais ni Korihor na kumbinsihin siya ni Alma tungkol sa kapangyarihan ng Diyos at paulit-ulit niyang hinamon si Alma na magpakita sa kanya ng isang palatandaan (tingnan sa Alma 30:43, 45, 48).
-
Ano sa palagay ninyo ang naiiba sa isang taong sumusunod sa paanyaya ni Pangulong Nelson at sa isang taong humihingi ng palatandaan?
Basahin ang Alma 30:48–53, 59–60, at alamin kung paano nakumbinsi si Korihor sa kapangyarihan ng Diyos. ChurchofJesusChrist.org
-
Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Korihor?
Pansinin ang mga aral na itinuro ni Mormon sa pariralang “sa gayon nakikita natin” sa talata 60. Isipin kung paano pa rin nililinlang ng diyablo ang mga tao ngayon at kung paano niya sila sinusubukang kumbinsihin na itatwa ang alam nilang totoo.