“Helaman 13–16: Pag-unawa sa mga Propeta ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Helaman 13–16,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Helaman 13–16
Pag-unawa sa mga Propeta ng Panginoon
Ano ang nadarama mo kapag naririnig mo ang mga tao na nagpapahayag ng kanilang mga alalahanin o puna tungkol sa mga propeta? Habang nakatayo si Samuel, ang Lamanita, sa ibabaw ng pader at nananawagan sa mga tao na magsisi, iba-iba ang naging mga reaksyon at tugon nila sa kanyang mga salita. Ang mga tao ay tumutugon din nang gayon sa mga propeta sa ating panahon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang tungkulin ng mga propeta at kung paano nila tayo matutulungan.
Pagtitiwala sa mga propeta ng Panginoon
Sa paligid ng larawan na kumakatawan sa bawat grupo, maglista ng ilang dahilan kung bakit pinaniniwalaan at sinusunod ng mga tao ang mga propeta o kung bakit hindi sila pinaniniwalaan at binabatikos pa nga ng mga tao.
Pag-isipan sandali ang natutuhan at nalaman mo tungkol sa mga propeta na makatutulong sa iyo at sa iba na maniwala na sila ay tinawag ng Diyos. Halimbawa, maaari kang gumawa ng listahan ng mga katotohanan tungkol sa mga propeta nang pag-aralan mo ang tungkol kay Nephi sa Helaman 7–10.
Sa Helaman 13, nagsugo ang Panginoon ng karagdagang propeta, si Samuel, ang Lamanita. Ang lesson na ito ay buod ng kanyang mga turo (tingnan sa Helaman 13–16). Sa iyong pag-aaral, maaari kang magdagdag sa iyong listahan ng mga katotohanan tungkol sa mga propeta. Maghanap ng mga ideya na maaaring makatulong sa isang taong nahihirapang maniwala.
Nangaral si Samuel sa mga Nephita
Basahin ang Helaman 13:1–7; 14:9, at maghanap ng mga bagay na hahangaan mo tungkol kay Samuel.
-
Mula sa halimbawa ni Samuel, ano ang natutuhan mo tungkol sa mga propeta? (Maaari mong idagdag sa iyong listahan ang anumang katotohanang nahanap mo.)
Ang isa sa mga katotohanang maaaring matukoy mo ay ang mensahe ng propeta ay hindi mula sa kanya; nagmumula ito sa Panginoon. Maaari mong markahan ang mga parirala sa Helaman 13:5, 7; 14:9 na sumusuporta sa katotohanang ito. Maaari mo ring basahin ang Helaman 7:29 at Doktrina at mga Tipan 1:38; 21:4–5 bilang mga cross-reference at iugnay ang mga ito sa mga talata sa Helaman 13.
-
Paano maaaring makaapekto ang pag-unawa sa katotohanang ito sa pakikinig natin sa mga propeta?
-
Paano ito makatutulong kapag natutukso tayong mag-alinlangan o mambatikos sa kanila?
Tumugon ang mga Nephita sa mga propeta
Basahin ang Helaman 13:24–29; 14:10, at alamin ang saloobin at ginawa ng mga Nephita sa mga propeta.
-
Anong mga katotohanan ang matutukoy mo sa mga talatang ito tungkol sa mga propeta?
Maaaring may natukoy kang katotohanan na tulad ng sumusunod: ang mga propeta ng Panginoon ay hindi popular sa masasama. Maaari mong isulat ang katotohanang ito malapit sa mga talatang ito.
-
Sa anong mga paraan mo nakikita ang katotohanang ito sa ating panahon?
-
Paano maaaring maging “mga hangal at bulag na taga-akay” ang mga bumabatikos at lumalaban sa mga propeta? (Helaman 13:29).
-
Kung hindi tayo lalapit sa Tagapagligtas para magsisi at magpakabuti, paano kaya ito magiging katulad ng pagpili ng “kadiliman sa halip na liwanag”? (Helaman 13:29).
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):
Ang mga propeta … [ay hindi] maaaring baguhin ang mensahe ng Panginoon para lamang masiyahan ang mga tao. Napakabait nila para maging napakalupit. Lubos akong nagpapasalamat na hindi naghahangad ng popularidad ang mga propeta. (Spencer W. Kimball, “Listen to the Prophets,” Ensign, Mayo 1978, 77)
Pinangalagaan ng Panginoon si Samuel
Tingnang mabuti ang larawan mula sa simula ng lesson. Ipinapakita nito ang nangyari sa katapusan ng sermon ni Samuel.
Basahin ang Helaman 16:1–8, at alamin at markahan ang katibayan ng katotohanan na ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa Kanyang mga propeta. (Maaari mong idagdag ang katotohanang ito sa iyong listahan.)
-
Anong katibayan ang nakita mo na ang Diyos ay kasama ni Samuel?
Bagama’t hindi lahat ng propeta ay pinoprotektahan sa ganitong paraan, pinoprotektahan ng Diyos ang Kanyang mga propeta hanggang sa matapos nila ang kanilang gawain (tingnan sa Mosias 13:1–4; Doktrina at mga Tipan 122:9).
Tulad ng mga tao ni Nephi, may kapangyarihan tayong pumili kung tatanggapin natin ang mga turo ng mga propeta o tutugon tayo nang may pambabatikos at galit. Sa iyong study journal, isulat ang natutuhan mo tungkol sa mga propeta at kung ano ang nadarama mo tungkol sa kanila. Habang patuloy mong pinag-aaralan ang itinuro ni Samuel, ang Lamanita, sa linggong ito, mapanalanging hangaring matuto mula sa kanyang mga inspiradong turo at ipamuhay ang mga ito.