“Helaman 13, Bahagi 1: Ang Awa ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Helaman 13, Bahagi 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Helaman 13, Bahagi 1
Ang Awa ng Panginoon
Ano sa palagay mo ang nadarama ng Diyos sa atin kapag nagkasala tayo? Maraming Nephita ang naghimagsik laban sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan, kaya isinugo ng Diyos si Samuel, ang Lamanita, sa kanila na may malinaw na mensahe na magsisi upang sila ay mapatawad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang maawain at mapagpatawad na katangian ng Panginoon.
Kalungkutan dahil sa kasalanan
Ikinuwento ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang babae na nasa mahirap na kalagayan. Isipin kung ano ang gusto mong malaman niya tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Basahin ang sumusunod na pahayag.
Habang kami ni Elder David S. Baxter ay nagmamaneho papunta sa isang stake conference, tumigil kami sa isang restaurant. Bandang huli nang pabalik na kami sa aming kotse, nilapitan kami at kinausap ng isang babae. Nagulat kami sa kanyang hitsura. Ang kanyang ayos (o kakulangan nito) ay masasabi kong “matindi.” Itinanong niya kung mga elder kami sa Simbahan. Sabi namin ay oo. At isiniwalat na niya ang halos lahat tungkol sa masaklap niyang buhay, na puno ng kasalanan. Ngayon, kahit 28 anyos lamang, miserable na ang kanyang buhay. Pakiramdam niya’y wala siyang silbi at wala [na]ng dahilan pa para mabuhay. … Habang lumuluhang sumasamo, itinanong niya kung may pag-asa pa siyang makaahon at makatakas sa kanyang kawalan ng pag-asa. (Russell M. Nelson, “Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Liahona, Mayo 2007, 102)
-
Kung kakausapin ninyo ang babaeng ito, anong mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang nais ninyong malaman niya?
-
Ano ang gagawin ninyo para subukang tulungan ang babaeng ito?
-
Paano makakaimpluwensya ang kanyang kasalukuyang nadarama sa kanyang hangaring bumaling sa Tagapagligtas?
Marahil ay nadama mo o ng isang taong kilala mo na wala kayong halaga o hindi kayo mapapatawad. Pag-isipang mabuti kung ano ang tunay mong pinaniniwalaan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa pagpapatawad.
Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, maghanap ng mga kaalaman tungkol sa katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at kung ano ang nadarama Nila tungkol sa atin kahit nagkakasala tayo. Pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo at sa mga kakilala mo ang mga katotohanang ito.
Samuel, ang Lamanita
Tulad ng babaeng ito, ang mga Nephita ay nasadlak sa kasalanan. Sa Kanyang pagmamahal, ipinadala ng Panginoon ang propetang si Samuel na may mensahe para sa kanila.
Basahin ang Helaman 13:5–8, 11, 39; 14:11–13; 15:3, at alamin ang matututuhan mo tungkol sa Panginoon, lalo na ang mga ideya na maaaring makatulong sa atin kapag nagkasala tayo. (Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng parusahan [tingnan sa Helaman 15:3] ay iwasto o disiplinahin. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Parusa, Pagpaparusa,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)
Ang awa at pagpapatawad ng Panginoon
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga passage na ito ay maawaing nagbabala ang Panginoon sa mga tao tungkol sa mga bunga ng kasalanan at pinatatawad Niya ang mga nagsisisi.
Nagpatotoo si Propetang Joseph Smith (1805–44) na “lahat ay maaaring makatanggap ng kapatawaran at awa” (“Discourse, 3 October 1841, na Nakalathala sa Times and Seasons,” 577, josephsmithpapers.org).
-
Paano maaaring makaapekto ang pagkaunawa sa maawain at mapagpatawad na katangian ng Panginoon sa nadarama natin tungkol sa ating mga kasalanan at sa pagsisisi?
Mahalagang maunawaan na bagama’t maawain ang Panginoon, Siya rin ay lubos na makatarungan. Hindi Niya binabalewala o inaalis ang mga bunga ng ating mga kasalanan. Ngunit dahil nagbayad ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan sa Kanyang Pagbabayad-sala at “[tinugon] ang mga hinihingi ng katarungan” (Mosias 15:9), pinatatawad Niya tayo kapag nagsisisi tayo.
-
Paano maaaring makaimpluwensya sa iyong ugnayan sa Panginoon ang nalaman mo tungkol sa Kanyang perpektong katarungan at awa?
Isipin ang kaibhang magagawa ng mas malalim na pag-unawa ng tungkol sa Panginoon sa babaeng binanggit ni Pangulong Nelson sa simula ng lesson. Maghanda ng paliwanag para sa kanya sa pamamagitan ng paggawa ng sumusunod:
Ibinahagi ni Pangulong Nelson ang nangyari sa babaeng ito. Basahin ang sumusunod na pahayag.
Habang nagsasalita siya, nagsimulang lumitaw ang kanyang kabutihan. Habang lumuluhang sumasamo, itinanong niya kung may pag-asa pa siyang makaahon at makatakas sa kanyang kawalan ng pag-asa.
“Oo,” ang sagot namin, “may pag-asa pa. Ang pag-asa ay kaugnay ng pagsisisi. Maaari kang magbago. Maaari kang ‘lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya’ [Moroni 10:32].” Hinikayat namin siyang huwag ipagpaliban ang pagsisisi [tingnan sa Alma 13:27; 34:33]. Buong pagpapakumbaba siyang humagulgol at taos-puso kaming pinasalamatan. (Russell M. Nelson, “Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Liahona, Mayo 2007, 102)
Ang susunod na lesson ay nakatuon sa pagsisisi at kung paano natin madaraig ang anumang balakid na kinakaharap natin sa ating pagsisisi.
Mag-ukol ng oras na taos-pusong pagnilayan kung paano makatutulong sa iyo na mas nauunawaan mo ang tungkol sa Panginoon kapag nagkasala ka. Isulat ang natutuhan at nadama mo na pinakamakabuluhan sa iyo at kung bakit. Isipin kung paano makapagdudulot ng higit na kapayapaan sa iyong buhay ang pag-unawa sa maawain at mapagpatawad na katangian ng Panginoon at ang pagsisisi.
Maaari mong ibahagi ang natutuhan at nadama mo ngayon sa isang taong mahal mo.