“3 Nephi 1: ‘Ang mga Propesiya ng mga Propeta ay Nagsimulang … Matupad,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 1
“Ang mga Propesiya ng mga Propeta ay Nagsimulang … Matupad”
Ano kaya ang pakiramdam ng hintayin at makita ang bituin na nagpahayag ng pagsilang ni Jesucristo? Hinintay at inabangan ng mga naniniwalang Nephita ang mga palatandaang darating na ipinropesiya ni Samuel, angLamanita (tingnan sa Helaman 14), ngunit nagbanta ang mga hindi naniniwala na papatayin sila kung hindi makikita ang mga palatandaan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka na mas magtiwala na tutuparin ng Panginoon ang lahat ng salitang sinasabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Pinalakas ng pananampalataya
-
Sa scale na isa hanggang lima, kung saan ang lima ang pinakamataas, paano mo ire-rate ang antas ng iyong paniniwala o tiwala na tinutupad ng Diyos ang mga salita ng Kanyang mga propeta? Bakit?
Nang dumating si Samuel, ang Lamanita, sa mga Nephita, nagpropesiya siya na “limang taon pa ang lilipas, at masdan, pagkatapos ay paparito ang Anak ng Diyos” (Helaman 14:2). Nagpropesiya ang mga propeta tungkol sa pagparito ni Jesucristo sa loob ng libu-libong taon, at dumating na ang panahon ng Kanyang pagsilang. Ang aklat ng 3 Nephi ay nagsimula sa pagtatapos ng limang taon na iyon.
-
Kung isa ka sa mga naniwala kay Samuel, ano sa palagay mo ang mararamdaman mo sa panahong iyon?
Sa iyong pag-aaral, hanapin ang mga pagkakatulad ng mga kalagayan sa 3 Nephi 1 at ng mga sitwasyon sa ating panahon. Maaari mong markahan ang mga makabuluhang salita at parirala na nagpapalakas ng iyong tiwala sa Diyos at sa mga salita ng Kanyang mga propeta.
Ang mga naniniwalang Nephita
Sa simula ng 3 Nephi 1, nalaman natin na si Nephi, na anak ni Helaman, ay umalis sa lupain at ang kanyang anak na si Nephi ang siyang propeta na ngayon sa mga Nephita.
Basahin ang 3 Nephi 1:4–9, at alamin ang mga hamon na naranasan ng mga naniniwalang Nephita sa panahong ito.
-
Ano sa palagay mo ang dahilan kung bakit “matatag na naghintay” (talata 8) ang ilan sa kabila ng pagbabanta ng kamatayan?
Basahin ang 3 Nephi 1:10–14 upang malaman ang sumunod na nangyari.
-
Ano sa palagay mo ang naramdaman ni Nephi nang marinig niya ang tinig ng Panginoon?
-
Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na maunawaan ni Nephi at ng mga tao?
-
Anong mga katotohanan ang matutukoy mo sa mga talatang ito?
Ang mga salita ng mga propeta ay matutupad
Sa ilang katotohanang matatagpuan sa mga talatang ito, nalaman natin na tutuparin ng Panginoon ang lahat ng salitang sinabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa talata 13.
Basahin ang 3 Nephi 1:15–22, at alamin kung paano tumugon ang mga tao nang matupad ang propesiya.
Ang iyong karanasan
Tulad ng mga Nephita sa 3 Nephi 1, nabubuhay tayo sa panahon na tila puno ng kawalang-katiyakan tungkol sa hinaharap. Paano tayo magkakaroon ng tiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga salita na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang katapatan ay hindi kahangalan o panatisismo. Sa halip, ito ay pagtitiwala at pananalig kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas, sa Kanyang pangalan, at sa Kanyang mga pangako. Habang tayo ay “patuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao,” [2 Nephi 31:20], pagpapalain tayo ng walang-hanggang pananaw at bisyon na lampas sa ating limitadong kakayahan bilang mortal. Magagawa nating “sama-samang magtipon, at tumayo sa mga banal na lugar” [Doktrina at mga Tipan 101:22] at “huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating” [Doktrina at mga Tipan 87:8]. (David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila,” Liahona, Nob. 2020, 11)
Isipin kung bakit maaaring mahirapan ka sa pagitan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos at ng pag-aalinlangan o pagkakaroon ng takot tungkol sa iyong buhay. Ang mga dahilang ito ay personal sa bawat indibiduwal ngunit maaaring kabilangan ng mga sumusunod:
-
Kinukutya o inaatake dahil sa iyong paniniwala kay Jesucristo
-
Pagkakaroon ng problema sa pamilya, kabilang na ang mga magulang na nagdiborsyo
-
Dumaranas ng pagkabalisa o depresyon
-
Pag-aalala sa mga mahal sa buhay na naaakit sa kaparehong kasarian
-
Pagdurusa mula sa adiksyon o nahihirapan na madaig ang mga nakapipinsalang gawi
-
Takot na hindi matatamo ang mga pagpapala ng ebanghelyo
-
Pakiramdam na hindi karapat-dapat o hindi napapatawad
Sa Juan 16:33, sinabi ni Jesucristo, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”
Maaari mong isulat ang nadarama mo tungkol sa natutuhan mo ngayon. Maaari mong isama ang naramdaman mong dapat mong gawin o kung paano ka napalalakas ng naunawaan mo na tinutupad ng Diyos ang mga salitang sinasabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.