Seminary
1 Nephi 11: “Masdan ang Pagpapakababa ng Diyos!”


“1 Nephi 11: ‘Masdan ang Pagpapakababa ng Diyos!” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“1 Nephi 11: ‘Masdan ang Pagpapakababa ng Diyos!” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

1 Nephi 11

“Masdan ang Pagpapakababa ng Diyos!”

Ang Pangitain ni Nephi tungkol kay Birheng Maria

Itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan kung ano ang “pinakakanais-nais” at “labis na nakalulugod sa kaluluwa” sa lahat ng bagay na tinatamasa natin sa buhay na ito (1 Nephi 11:22–23). Habang nakikipag-usap si Nephi sa mga sugo ng langit, nagkaroon siya ng pangitain tungkol sa Tagapagligtas ng sanlibutan at naunawaan niya ang nagdudulot ng lubos na kagalakan: ang pag-ibig o pagmamahal ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo.

Mahalin ang mga tinuturuan mo. Lahat ng ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang buong ministeryo sa lupa ay dahil sa pagmamahal. Kapag tinularan mo ang Kanyang halimbawa, ang pagmamahal ang magiging dahilan at motibasyon sa iyong pagtuturo. Maiimpluwensyahan ng pagmamahal ang ginagawa mo at kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mga estudyante.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na magdala ng isang bagay sa klase na naglalarawan ng isang paraan kung paano ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kahalagahan ng pag-ibig o pagmamahal ng Diyos

Sinabi ni Sister Susan H. Porter ng Primary General Presidency:

Sister Susan H. Porter

Kapag nalaman at naunawaan ninyo kung gaano kayo ganap na minamahal bilang anak ng Diyos, babaguhin nito ang lahat ng bagay. (Susan H. Porter, “Ang Pag-ibig ng Diyos: Ang Labis na Nakalulugod sa Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2021, 33)

  • Ano ang maaaring magbago kapag alam at nauunawaan ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos para sa kanya?

  • Paano maaaring makaimpluwensya sa buhay mo ang madamang mahal ka ng Diyos?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali upang pag-isipan kung gaano nila nadarama ang pagmamahal ng Diyos at ang katibayan ng Kanyang pagmamahal na nakikita nila sa kanilang buhay. Sabihin sa mga estudyante, sa pag-aaral nila ng 1 Nephi 11, na maghanap ng katibayan ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila.

Pangitain ni Nephi

Panaginip ni Lehi

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga pangunahing simbolo mula sa panaginip ni Lehi na nakatala sa 1 Nephi 8. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, sabihin sa kanila na rebyuhin sandali ang kabanatang iyon.

  • Anong mga pangunahing simbolo ang naaalala mo mula sa panaginip ni Lehi na nakatala sa 1 Nephi 8?

Matindi ang pagnanais ni Nephi na maunawaan ang kahulugan ng panaginip ng kanyang ama at naniwala siya na ipaaalam ito sa kanya ng Panginoon. Habang nagbubulay-bulay sa kanyang puso, nagpakita ang Espiritu ng Panginoon at ipinakita nito sa kanya ang punungkahoy ng buhay. Nang hilingin ni Nephi na malaman ang kahulugan ng punungkahoy, nagpakita ang isang anghel upang tulungan siyang malaman pa ang tungkol sa nakikita niya sa pangitain (tingnan sa 1 Nephi 11:1–14).

Bilang bahagi ng pagtulong kay Nephi na maunawaan ang kahulugan ng punungkahoy, nagtanong ang anghel kay Nephi. Basahin ang 1 Nephi 11:16 upang malaman kung ano ang itinanong.

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na magtanungan sila at sagutin ang tanong sa talata 16 bago nila basahin ang talata 17.

Basahin ang talata 17 para malaman kung paano tumugon si Nephi.

  • Ano ang mahalaga para sa iyo sa tugon ni Nephi sa talata 17?

Ang ibig sabihin ng “pagpapakababa” ay ang kusang pagbaba mula sa mataas na posisyon o karangalan. Halimbawa, ang paghuhugas ng Tagapagligtas sa mga paa ng Kanyang mga disipulo ay maituturing na pagpapakababa (tingnan sa Juan 13:3–17). Bagama’t ang pagpapakababa ng Diyos na inilarawan sa mga talatang ito ay maaari ding magturo tungkol sa pagpapakababa ng Ama sa Langit, ang lesson na ito ay nakatuon higit sa lahat sa pagpapakababa ni Jesucristo.

Basahin ang nakita ni Nephi sa 1 Nephi 11:13–23, at maghanap ng katibayan ng pagpapakababa ng Diyos.

  • Anong katibayan ang nakita mo tungkol sa pagpapakababa ng Diyos?

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol sa pagpapakababa ng Diyos?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay na ang pagpapakababa ng Diyos ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa atin.

  • Sa iyong palagay, paano naipapakita ng pagsilang ng Tagapagligtas ang katotohanang ito?

Basahin ang 1 Nephi 11:26–33, at maghanap ng mga karagdagang paraan kung paano nagpakababa si Jesus para ipakita ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan.

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo o pagpartner-partnerin at italaga sa kanila ang mas maliliit na bahagi ng 1 Nephi 11:26–33. Matapos nilang basahin ang mga talatang nakatalaga sa kanila, maaari nilang talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang mga grupo o kapartner.

Ang isa pang ideya ay magpakita ng mga larawan ng mga bahagi ng buhay ng Tagapagligtas na binanggit sa mga talatang ito. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga salaysay sa Bagong Tipan na naglalarawan sa pangyayaring ipinapakita sa bawat larawan.

Maaari ding tingnan ng mga estudyante ang larawan, hanapin ang kaugnay na salaysay sa Bagong Tipan, at ipaliwanag kung paano inilalarawan ng salaysay ang pagpapakababa ng Diyos.

  • Anong katibayan ang nahanap mo tungkol sa pagpapakababa ng Tagapagligtas?

  • Paano ipinapakita ng mga gawang ito ang Kanyang pagmamahal?

  • Ano ang iba pang mga halimbawa mula sa buhay ni Jesucristo na sa palagay mo ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal at pagpapakababa?

Basahin ang sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo natutulungan ng mga pangyayaring ito na makita ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin. O kaya, maaari mong panoorin ang video na “Ang Araw-araw na Walang-Hanggan” mula sa time code na 4:01 hanggang 4:43, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.

2:3
Elder Quentin L. Cook

Ang halimbawa ng kababaang-loob ng Tagapagligtas at sakripisyo para sa sangkatauhan ang pinakamatinding pangyayari sa kasaysayan. Ang Tagapagligtas, kahit bilang miyembro ng Panguluhang Diyos, ay handa noong pumarito sa lupa bilang munting sanggol at simulan ang pamumuhay na may kasamang pagtuturo at pagpapagaling sa Kanyang mga kapatid at matinding pagdanas ng hindi maipaliwanag na pasakit sa Getsemani at sa krus upang gawing ganap ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ang gawaing ito ng pag-ibig at pagpapakumbaba sa panig ni Cristo ay kilala bilang Kanyang pagpapakababa. Ginawa Niya ito para sa bawat lalaki at babaing nilikha at lilikhain ng Diyos. (Quentin L. Cook, “Ang Araw-araw na Walang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2017, 52)

  • Paano nakatulong sa iyo ang pahayag ni Elder Cook na mas maunawaan ang pagpapakababa ng Diyos?

Tuloy-tuloy na pagpapala ng pagpapakababa ng Tagapagligtas

Ang pagpapakababa ng Tagapagligtas ay patuloy na katibayan ng Kanyang pagmamahal sa atin ngayon.

Maaari mong ibahagi kung paano ka napagpala ng pagpapakababa ng Tagapagligtas. Maaari itong makatulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila.

3:39

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagsagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Paano ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang pagmamahal sa iyo?

  • Paano naiimpluwensyahan ng nagawa Nila ang nadarama mo tungkol sa Kanila?

  • Ano ang nahihikayat kang gawin upang maipakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Matapos magkaroon ng sapat na oras na makapagsulat ang mga estudyante, maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip at nadama. Kung ginawa ng mga estudyante ang paghahanda para sa klase, maaari nilang ibahagi ang bagay na dinala nila at ipaliwanag kung paano sila natutulungan ng bagay na iyon na madama ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila.