Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: 1 Nephi 1–15


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: 1 Nephi 1–15” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: 1 Nephi 1–15” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

I-assess ang Iyong Pagkatuto 1

1 Nephi 1–15

Pagbabasa ng mga Banal na Kasulatan sa Africa

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pag-unlad na naranasan mo na sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon.

Pagtulong sa mga estudyante na i-assess ang kanilang pagkatuto. Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong i-assess ang kanilang pagkatuto. Ang isang paraan ay anyayahan silang ibahagi kung paano sila lumago o umunlad dahil sa kanilang pag-aaral at pananampalataya.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na dumating sa klase na handang magbahagi ng isang bagay na natutuhan na nila mula sa Aklat ni Mormon na nakatulong sa kanila na mas mapalapit kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na i-assess ang mga mithiing itinakda nila, ang kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga turo sa Aklat ni Mormon, o kung paano nagbabago ang kanilang pag-uugali, hangarin, at kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng iyong klase ng 1 Nephi 1–15 ay maaaring nakapagbigay-diin sa mga katotohanang wala sa mga sumusunod na aktibidad. Kung gayon, maaaring iangkop ang mga aktibidad upang maisama ang mga katotohanang iyon.

Pag-aralan ang Aklat ni Mormon Araw-araw

Ang bahaging ito ay may layuning tulungan ang mga estudyante na masuri ang nagawa na nila sa kanilang personal na mga mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at madama ang kahalagahan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon.

  • Ano ang ilang bagay na ginagawa ninyo araw-araw o gabi-gabi?

Maaaring sumagot ang mga estudyante ng tulad ng pagsisipilyo, pagkain, pagtulog, at iba pa.

  • Ano ang maaaring mangyari kung hindi ninyo ginawa ang mga aktibidad na ito nang isang araw o mas matagal pa?

  • Bakit ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay isang bagay na dapat nating pagsikapang gawin?

Ipakita ang sumusunod na pagsusuri sa sarili. Maaaring pag-isipan nang sarilinan ng mga estudyante ang kanilang mga sagot o maaari nilang isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

Pumili ng isa sa mga sumusunod upang ilarawan ang pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon sa araw-araw:

  1. Ang pag-aaral ko ay makabuluhan at palagian.

  2. Mabuti ang pag-aaral ko kapag nagagawa ko ito pero hindi ko ito regular na nagagawa.

  3. Araw-araw akong nag-aaral pero wala akong masyadong napapala rito.

  4. Nahihirapan akong maintindihan ang binabasa ko at bihira akong mag-aral nang mag-isa.

  5. Wala pa akong nagagawang anuman para maisakatuparan ko ang mithiin ko sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

  6. Iba pa: ipaliwanag ang iyong sagot.

Natural lang na magkaroon ng mga balakid sa mithiing tulad nito na gagawin araw-araw. Ang mahalaga ay patuloy kang nagsisikap.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga balakid ng mga estudyante at anyayahan ang klase na talakayin kung paano sila tumugon o maaaring tumugon sa mga balakid na ito.

  • Ano ang nagawa ninyong mahusay sa pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon? Ano ang gusto ninyong pagbutihin pa o gawin sa ibang paraan?

Pag-isipang pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan at katotohanan ng Aklat ni Mormon.

Mga personal na naiisip at nadarama tungkol sa Aklat ni Mormon

Aktibidad 1: Pulong sa pagpapatotoo

Kung magpapatotoo ka sa sacrament meeting tungkol sa Aklat ni Mormon, ano ang sasabihin mo upang maiparating ang nadarama mo?

Aktibidad 2: Bakit ka nag-aaral?

Isipin na pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon nang pumasok ang isang nakababatang kapatid at nagtanong, “Ano ang binabasa mo?” Sumagot ka, “Ang Aklat ni Mormon.” Itinanong ng kapatid mo, “Bakit?” Sumulat ng dalawa o tatlong pangungusap na naglalarawan ng maaari mong sabihin sa iyong nakababatang kapatid upang matulungan siyang maunawaan kung bakit pinipili mong pag-aralan ang Aklat ni Mormon.

Aktibidad 3: Isang social media post

Isinulat ng isang kaibigan ang sumusunod na social media post: “Kamakailan ay sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon at gustung-gusto ko ito! Para sa sinuman sa inyo na nakabasa na ng Aklat ni Mormon noon, maaari bang ibahagi ninyo sa akin ang inyong paboritong talata at ang maikling paliwanag kung bakit paborito ninyo ito?”

Maaaring magandang pagkakataon ito upang anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip mula sa paghahanda ng estudyante. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano nakatulong sa iyo ang Aklat ni Mormon na mas mapalapit kay Jesucristo sa semestreng ito.

Panaginip ni Lehi

Layunin ng bahaging ito na tulungan ang mga estudyante na maipaliwanag ang mga bahagi at kahulugan ng panaginip ni Lehi at pagnilayan kung saan nila nakikita ang kanilang sarili sa panaginip.

Ang isang paraan kung paano mo matutulungan ang iyong mga estudyante na mapag-aralan ang nilalamang ito ay sabihin sa kanila na tingnan ang mga sumusunod na larawan at tanong nang mag-isa. Pagkatapos ay pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na magsalitan sa pagpapaliwanag sa kanilang kapartner ng detalye at kahulugan ng panaginip ni Lehi hangga’t kaya nila sa loob ng 30 segundo.

Ang pagpapakita ng mga tanong na kasunod ng mga larawan ay maaaring makatulong.

Ang pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay na may matingkad na gintong punungkahoy, mga taong nakahawak sa gabay na bakal, at ang malaki at maluwang na gusali.
Panaginip ni Lehi
  • Anong iba’t ibang bahagi o simbolo ng panaginip ang naaalala mo?

  • Alin sa mga simbolo ang pinakamahalaga para sa iyo? Bakit?

  • Paano natutulad ang panaginip ni Lehi sa ating mundo ngayon?

Isipin kung paano makatutulong ang iba’t ibang bahagi ng panaginip ni Lehi sa mga indibiduwal sa mga sumusunod na sitwasyon:

  • Isang binatilyo ang sumasama sa isang grupo ng mga tao na pinipiling labagin ang Word of Wisdom at pinipilit siyang gawin din iyon.

  • Iniisip ng isang dalagita na mas seryoso niyang pag-aaralan ang mga banal na kasulatan kapag tapos na ang mga problema niya.

  • Isang binatilyo ang nagsimulang mahiya sa pagiging miyembro niya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kapag naririnig niya ang iba na kinukutya ang mga taong relihiyoso.

  • Paano mo magagamit ang panaginip ni Lehi upang tugunan ang bawat sitwasyon?

  • Anong turo o katotohanan mula sa panaginip ni Lehi ang sa palagay mo ay makatutulong sa iyo na mas mapalapit sa pagmamahal ng Diyos sa iyong buhay?

Masusunod mo ang mga kautusan

Layunin ng bahaging ito na bigyang-daan ang mga estudyante na makita kung nagagawa nila ang kanilang plano (mula sa 1 Nephi 3) na lubos na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.

Sa lesson tungkol sa 1 Nephi 3, maaaring nagtakda ka ng mithiin na maging mas masunurin sa isang kautusan na mahirap sundin. Pagnilayan ang iyong progreso sa mithiing ito, at isulat sa iyong study o personal journal ang mga naiisip mo. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong habang nagninilay-nilay at nagsusulat ka:

  • Kumusta ang iyong pagsisikap na masunod ang kautusang ito?

  • Anong mga tagumpay o balakid ang naranasan mo?

  • Paano mo maaaring i-adjust ang iyong plano?

  • Paano ka napagpala sa iyong mga pagsisikap?

  • Paano naghanda ang Panginoon ng paraan upang maging masunurin ka?

Kung wala ka pang naiisip na kautusan na para sa iyo ay maaaring mahirap na sundin, mag-isip ng isa ngayon. Magpasya kung anong mga hakbang ang magagawa mo upang mas lubos na masunod ito.

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi sa klase ng anumang sagot sa mga tanong na ito o ng natutuhan nila, kung hindi ito masyadong personal. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano tayo tutulungan ng Diyos na masunod natin ang Kanyang mga kautusan kapag gumagawa tayo ng makabuluhang pagsisikap na magtiwala at sumunod sa Kanya.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na ang pagtitiwala ni Nephi sa Panginoon ay maghihikayat sa atin kapag nahihirapan tayong sundin ang mga kautusan ng Panginoon:

Napukaw ng batang si Nephi sa Aklat ni Mormon ang hangarin nating magkaroon ng tiwala sa Panginoon na sundin ang Kanyang mga utos, gaano man kahirap ang mga ito sa ating paningin. Naharap si Nephi sa panganib at muntik nang mamatay nang sabihin niya itong mga salita ng pagtitiwala na maaari at kailangan nating palaging madama sa ating puso: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” [1 Nephi 3:7]. (Henry B. Eyring, “Magtiwala sa Diyos, Pagkatapos ay Humayo at Gumawa,” Liahona, Nob. 2010, 71)