Seminary
2 Nephi 1: Paghahanap ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo


“2 Nephi 1: Paghahanap ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 1: Paghahanap ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 1

Paghahanap ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo

Nagtuturo sina Lehi at Saria sa kanilang pamilya

Isipin kung ano kaya ang madarama mo kung ang isang taong hinahangaan mo ay malapit nang pumanaw at nagbabahagi ng ilang huling payo o tagubilin sa iyo. Alam ni Lehi na malapit na siyang pumanaw, kaya kinausap niya ang kanyang mga anak upang hikayatin silang sundin ang mga kautusan ng Diyos. Ang mga katotohanang itinuro niya ay maaaring pagmulan ng inspirasyon at patnubay para sa iyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga alituntunin na, kapag ginamit, ay gagabay sa iyo sa pagtanggap ng tulong ng Diyos sa iyong buhay.

Pagtulong sa mga mag-aaral na tuklasin ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Bagama’t kung minsan ay kapaki-pakinabang na ituro ang isang doktrina o alituntunin sa mga estudyante, ang kadalasang kailangan nila ay magabayan at mahikayat na tuklasin ang doktrina at mga alituntunin para sa kanilang sarili. Masigasig na tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng kakayahang tumukoy ng doktrina at mga alituntunin nang mag-isa.

Paghahanda ng estudyante: Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan araw-araw ang mga banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga totoong alituntunin sa 2 Nephi 1 at dumating sa klase na handang magbahagi ng halimbawa.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang hahanapin

Ipakita ang sumusunod na larawan at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang kaugnay na aktibidad.

Bilang alternatibo,maaari ka ring magtago ng iba’t ibang bagay sa silid, sabihin sa mga estudyante kung ano ang hahanapin, at sabihin sa klase na hanapin ang mga ito.

Suriin ang larawan sa ibaba at tingnan kung ilan sa mga nakatagong bagay ang makikita mo sa loob ng susunod na minuto.

Masasayang Bagay–Hanapin Ito!
  • Anong mga bagay ang madali mong nahanap? Alin sa mga ito ang nangailangan ng higit na pagsisikap?

  • Paano maaaring nagbago ang kakayahan mong mahanap ang mga nakatagong bagay kung hindi mo alam kung ano ang hahanapin?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong nang magkakapartner o sa maliliit na grupo bago ibahagi ang mga ito sa klase.

  • Paano natutulad sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang aktibidad na ito?

Ang iyong mga karanasan sa mga banal na kasulatan ay mas mapapahusay kapag naghahanap ka ng mga alituntunin habang nag-aaral ka.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang alituntunin:

Ang isang alituntunin ng ebanghelyo ay isang gabay na nakabatay sa doktrina para sa matwid na paggamit ng kalayaang pumili. Ang mga alituntunin ay nagmumula sa mas malawak na mga katotohanan ng ebanghelyo at nagbibigay ng patnubay at mga pamantayan habang patuloy tayo sa paglakad sa landas ng tipan. (David A. Bednar, “Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2021, 123)

Ang ilang halimbawa ng mga alituntuning napag-aralan mo noon sa 1 Nephi ay kung tutuparin natin ang ating mga tipan, masasandatahan tayo ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 14:14) at kapag inihalintulad natin ang mga banal na kasulatan sa ating sarili, matututo at makikinabang tayo mula sa mga ito (1 Nephi 19:23).

  • Paano mo ibubuod kung ano ang alituntunin?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit makatutulong sa ating buhay ang pagtukoy sa mga alituntunin?

Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante. Tiyaking nauunawaan nila kung ano ang alituntunin at kung paano makapagbibigay ng patnubay sa ating buhay ang mga alituntunin.

Paghahanap ng mga alituntunin

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. Maaari nilang pagnilayan ang kanilang paghahanda para sa klase habang ipinaliliwanag o ipinapakita nila ang mga paraan upang makahanap ng mga alituntunin gamit ang mga talata mula sa 2 Nephi 1.

  • Ano ang ginawa mo noon na nakatulong sa iyo na makahanap ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan?

  • Ano ang naging mahirap para sa iyo nang sikapin mong maghanap ng mga alituntunin?

Ang isang epektibong paraan upang makahanap ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan ay ang magbasa na hinahanap ang mahahalagang salita, parirala, o ideya. Maaaring makatulong sa iyo ang mga sumusunod na tanong para magawa ito:

Ipakita ang mga sumusunod na tanong at tagubilin sa pisara upang makopya ng mga estudyante sa kanilang study journal. Maaaring maging kapaki-pakinabang na reperensya ang mga ito sa buong seminary at sa sarili nilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

  • Anong mga salita o parirala ang inulit o tila mahalaga?

  • Anong mga babala o pangako ang isinama sa mga talatang ito?

  • Ano kaya ang pangunahing ideya o mahalagang bagay ang sinisikap na iparating ng may-akda?

  • Ano ang binigyang-diin sa iyo ng Espiritu Santo?

Mula sa mga salita, parirala, o ideyang ito, sumulat ng isang pahayag ng katotohanan na makatutulong sa iyong buhay. Matapos magsulat, itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:

  • Totoo ba ang alituntuning ito sa lahat ng sitwasyon, panahon, at kultura? Kung hindi, anong mga pagbabago ang kailangan upang maging totoo ito?

  • Ang alituntunin bang ito ay maglalapit sa akin at sa iba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ang 2 Nephi 1 ay naglalaman ng ilan sa huling payo ni Lehi sa kanyang mga anak bago siya pumanaw. Ipinaalala niya sa kanila ang kabutihan ng Diyos at itinuro niya ang ilang alituntunin na inaasahan niyang gagabay sa kanila habambuhay.

Basahin ang 2 Nephi 1:1–4 at maghanap ng mga totoong alituntunin. Maaari mong gamitin ang mga naka-bullet na tanong na nakalista sa itaas.

  • Ano ang nahanap mo?

Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi. Maaari silang tumukoy ng iba’t ibang alituntunin. Pasalamatan sila sa kanilang mga pagsisikap at ipaalam sa kanila na mahalaga sa iyo at sa iba pang mga miyembro ng klase ang kanilang pagbabahagi.

Ang isang halimbawa ng alituntuning itinuro ni Lehi ay: mapoprotektahan tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga babala (tingnan sa 2 Nephi 1:3–4).

Matapos matukoy ang isang katotohanan, makatutulong na isipin kung ano ang ibig sabihin nito at kung paano ito makatutulong sa iyong buhay.

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga paraan upang mas maunawaan o maipamuhay nila ang mga katotohanang nahanap nila. Kung kinakailangan, itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod.

Maaaring makatulong ang ilan sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano ka naprotektahan ng Panginoon o paano naprotektahan ng Panginoon ang mga taong kilala mo matapos sundin ang Kanyang mga babala?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng Kanyang mga babala tungkol sa Kanya at sa nadarama Niya tungkol sa iyo?

Pag-isipang mabuti kung paano ka binabalaan ng Panginoon ngayon at kung paano mo gustong tumugon.

Pagbutihin ang kakayahan mong maghanap ng mga alituntunin

Pagbutihin ang kakayahan mong makahanap ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagsunod sa prosesong ito sa mga aktibidad sa ibaba.

Basahin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na scripture passage ng huling payo ni Lehi sa kanyang mga anak. Maaari mo ring panoorin ang “Tinuruan ni Lehi ang Kanyang Pamilya” mula sa time code na 0:39 hanggang 3:35, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, upang marebyu ang mga scripture passage na ito. Gamitin ang proseso ng “Paghahanap ng mga alituntunin“ upang tumukoy ng mga totoong alituntunin.

3:47

Ipakita ang mga sumusunod na scripture passage o isulat ang mga ito sa pisara.

Pumili ng isang katotohanan mula sa 2 Nephi 1 na sa palagay mo ay lubos na makatutulong sa iyo, at isulat ang sumusunod sa iyong study journal:

  1. Ang alituntuning nahanap mo at ang talata o mga talata kung saan mo ito nahanap

  2. Isang paliwanag kung ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng alituntuning ito

  3. Mga paraan na madarama mo na ang katotohanan ay maaaring gumabay sa iyo at magdala ng mahahalagang pagpapala sa iyong buhay

  4. Ang mga natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa alituntuning ito

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Ang isang paraan upang magawa ito ay ang ipasulat sa maraming estudyante ang mga alituntuning nahanap nila sa pisara. Pagkatapos ay sabihin sa isang estudyante na pumili ng isa sa maraming alituntunin na isinulat ng kanyang mga kaklase na interesado siya o makabuluhan sa kanya. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng estudyanteng nakahanap sa alituntuning iyon ang kanyang mga sagot sa mga tanong sa itaas. Maaaring ulitin ang aktibidad nang ilang beses. Bigyang-diin ang mga walang-hanggang katotohanan na ibinahagi ng mga estudyante at kung paano makatutulong sa ating buhay ang mga katotohanang ito kapag nalaman at ipinamuhay natin ang mga ito. Purihin sila para sa kanilang tagumpay. Maaari ka ring magbahagi ng isang alituntunin na nahanap mo.

Isipin ang ginawa mo upang matukoy at maunawaan ang mga alituntunin sa 2 Nephi 1.

  • Paano makatutulong sa iyo ang palaging paghahanap ng mga alituntunin sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Paano ito makaiimpluwensya sa iyong ugnayan kay Jesucristo at sa hangarin mong maging katulad Niya?

Patotohanan ang kahalagahan ng paghahanap ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan, at sabihin sa mga estudyante na gamitin nang madalas ang mga kasanayang natutuhan nila ngayon sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.