Seminary
2 Nephi 2:17–26: “Tinubos mula sa Pagkahulog”


“2 Nephi 2:17–26: ‘Tinubos mula sa Pagkahulog,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“2 Nephi 2:17–26: ‘Tinubos mula sa Pagkahulog,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 2:17–26

“Tinubos mula sa Pagkahulog”

Paglisan sa Halamanan ng Eden

Naisip mo na ba kung paano pa rin makakaapekto sa iyo ang mga pagpiling ginawa nina Adan at Eva libu-libong taon na ang nakararaan? Itinuro ni Lehi sa kanyang mga anak ang tungkol sa mga epekto ng Pagkahulog nina Adan at Eva at na sa pamamagitan ng Tagapagligtas ay madaraig natin ang lahat ng hamon ng mortalidad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na lalo pang pahalagahan ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala kapag naunawaan mo ang Pagkahulog nina Adan at Eva.

Pagtulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng kakayahang talakayin sa iba ang mga paniniwala ng ebanghelyo. Lumalawak ang pag-unawa ng mga estudyante kapag ipinapaliwanag nila ang ebanghelyo. Gawing kaaya-aya ang kapaligiran upang maging komportable ang mga estudyante na ibahagi sa iba ang kanilang naunawaan sa mga katotohanan ng ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang ikalawang saligan ng pananampalataya at isipin kung paano nila ito ipaliliwanag sa ibang tao. Maaari din nilang hilingin sa isa o dalawang tao na pinagkakatiwalaan nila na ibahagi sa kanila ang naunawaan nila tungkol sa ikalawang saligan ng pananampalataya.

Ang paghahandang ito ay magagamit sa simula ng lesson o kapag ibinahagi ng mga estudyante ang nalalaman nila tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pag-unawa ay humahantong sa pagpapahalaga

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Mula 1 hanggang 10 (kung saan ang 1 ay “hindi talaga” at ang 10 ay “lubos”), sa iyong palagay, gaano mo nauunawaan at pinahahalagahan ang Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang sakripisyo para sa iyo? Bakit?

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga naunang tanong bago magpatuloy. Pagkatapos ay anyayahan silang magbahagi ng mga sagot sa susunod na tanong:

  • Kung may nagtanong sa iyo kung ano ang dapat nilang gawin para maunawaan at pahalagahan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ano ang sasabihin mo?

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang kinakailangang hakbang upang mas maunawaan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag:

17:14
Elder Jeffrey R. Holland

Ang simpleng katotohanan ay na hindi natin lubos na mauunawaan ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo at hindi natin sapat na mapapahalagahan ang kakaibang layunin ng Kanyang pagsilang o Kanyang kamatayan … nang hindi lubos na nauunawaan na totoong may Eva at Adan na pinaalis sa Eden, at dumanas ng lahat ng bunga ng pagkahulog. (Jeffrey R. Holland, “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Liahona, Mayo 2015, 105)

Upang matulungan kang suriin kung gaano karami na ang alam mo tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva, pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang Pagkahulog nina Adan at Eva?

  • Ano ang mga epekto ng Pagkahulog sa mundo? sa iyo?

  • Paano naaakma ang Pagkahulog sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?

  • Paano ka natutulungan ng Pagkahulog na maunawaan at pahalagahan si Jesucristo at ang Kanyang sakripisyo para sa iyo?

Sa iyong pag-aaral, hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito at pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang pag-unawa sa mga ito.

Ang mga epekto ng Pagkahulog nina Adan at Eva

Ang sumusunod na talata ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang Halamanan ng Eden upang maunawaan nila nang mas mabuti ang mga epekto ng Pagkahulog. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayaring ito, at punan ng anumang mahahalagang detalye.

Bilang paghahanda ni Lehi dahil alam niyang malapit na siyang pumanaw, kinausap niya nang husto ang kanyang anak na si Jacob tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva. Sina Adan, Eva, at lahat ng uri ng buhay sa lupa ay nabuhay sa isang imortal na kalagayan, hindi pa saklaw ng kamatayan, at nasa piling ng Diyos. Sa kalagayang iyon, hindi sila magkakasakit o mamamatay, at ang halamanan ay naglaan ng pagkain para sa kanila nang hindi nila kailangang magtrabaho pa para magkaroon nito. Hindi rin sila magkakaroon ng pamilya. Nagbabala ang Panginoon sa kanila na kung kakainin nila ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, sila ay mamamatay kalaunan (tingnan sa Moises 3:16–17; Abraham 5:12–13). Ang desisyon nina Adan at Eva na kainin ang bungang iyon at ang mga ibinunga nito para sa kanila at sa iba pa sa mundo ay kilala bilang Pagkahulog.

Basahin ang 2 Nephi 2:19–23 at Alma 42:6–9, at alamin ang mga bunga ng Pagkahulog. Maaari mong markahan ang mahahanap mo.

Maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na magtulungan sa maliliit na grupo o maglista sa pisara bilang isang klase.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na sagutin ang sumusunod na dalawang tanong nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Ipaliwanag na ang mga tanong na ito ay mga tanong na nangangailangan ng opinyon, kaya malayang maibabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga iniisip at hindi sila mag-aalala na dapat ay “tamang sagot” ang ibigay nila.

  • Ano ang madarama ninyo kung kayo sina Adan at Eva na nararanasan ang mga epektong ito?

  • Sa inyong palagay, ang mga epekto bang ito ay mabuti, masama, o pareho? Bakit?

Basahin ang 2 Nephi 2:24–25, at isipin kung paano mo ibubuod ang mga talatang ito sa sarili mong mga salita.

icon, doctrinal masteryAng 2 Nephi 2:25 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa paraang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuro sa doctrinal mastery passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nila ibubuod ang mga talatang ito. Isulat sa pisara ang anumang mga katotohanan na babanggitin nila. Ang sumusunod ay isang halimbawa ng isang katotohanan na maaari nilang matukoy.

Ang isang katotohanang itinuro ni Lehi ay ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.

Pagnilayan sandali kung bakit mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit ang Pagkahulog habang binabasa mo ang pahayag na ito ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng banal na plano ng ating Ama sa Langit. Kung wala ito, wala sanang mortal na mga anak sina Adan at Eva, at wala sanang pamilya ng tao na daranas ng oposisyon at pag-unlad, kalayaang moral, at kagalakan ng pagkabuhay na mag-uli, pagtubos, at buhay na walang hanggan [tingnan sa 2 Nephi 2:22–27; Moises 5:11]. (Jeffrey R. Holland, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 35)

  • Bakit mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit ang Pagkahulog?

Bilang bahagi ng tanong na ito, maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan at talakayin ang pariralang “ang tao ay [nagkagayon], upang sila ay magkaroon ng kagalakan” sa 2 Nephi 2:25. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

Bakit mahalagang maunawaan na kahit nararanasan natin ang mga bunga ng Pagkahulog, nais pa rin ng Ama sa Langit na makadama tayo ng kagalakan? Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol sa Kanya?

Kailangan pa rin natin ng tulong

Bagama’t ang mga bunga ng Pagkahulog ay bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit at naglalayong tulungan tayong sumulong, hindi natin madarama ang tunay na kagalakan nang walang tulong ng langit.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga banal na kasulatan sa ibaba at sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga ito nang tahimik at pag-isipan ang mga ito nang mabuti.

Basahing mabuti ang 2 Nephi 2:26, at alamin kung paano magiging posible na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog at makadama ng kagalakan. Pagkatapos ay basahin ang Moises 5:10–11, at pansinin kung anong mga katotohanan ang naging dahilan upang magalak sina Adan at Eva.

  • Ano ang natutuhan mo?

  • Sa iyong palagay, bakit nagalak sina Adan at Eva matapos malaman ang tungkol sa Pagkahulog at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Matapos magbahagi ang mga estudyante, maaari nilang balikan ang apat na tanong sa pagsusuri sa sarili mula sa simula ng lesson at tingnan kung gaano nila kahusay na masasagot ang mga ito ngayon. Kung kinakailangan, ulitin ang anumang materyal sa lesson upang matulungan silang makaunawa nang malinaw. Ang isa pang paraan upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila sa lesson na ito ay ibahagi ang sumusunod na sitwasyon at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano sila tutugon.

Isipin kunwari na sa isang talakayan kasama ang isang kaibigan, napansin mo na hindi niya pinahahalagahan ang Tagapagligtas o ang Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Anong kaalaman tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva ang makatutulong sa kanya na pahalagahan ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala?

Maaari kang magpatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.