“2 Nephi 2:1–16: ‘Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 2:1–16: ‘Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 2:1–16
“Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili”
Isipin kunwari na wala kang anumang pagpili na gagawin. Ang kalayaang pumili, o ang kakayahang pumili, ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa atin. Naranasan na ng anak ni Lehi na si Jacob ang maraming pagsubok sa murang edad, kaya itinuro sa kanya ni Lehi ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at kalayaang pumili. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang ginagampanan ng kalayaang pumili sa plano ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mahahalagang pagpili
Sa susunod na dalawang minuto, isulat ang ilan sa mahahalagang pagpiling ginawa mo sa nakaraang ilang araw.
-
Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang pagpili sa ating mortal na buhay at sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
Isipin ang natutuhan mo mula sa mga pagpiling ipinagmamalaki mo, gayundin sa mga pinagsisisihan mo. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung ano ang maaaring makatulong sa iyo para mas maunawaan at magamit ang kakayahan mong pumili. Kung may mga tanong ka tungkol sa kalayaang pumili, ipagdasal din at hanapin ang mga sagot habang nag-aaral ka.
Mahahalagang aspeto ng kalayaang pumili
Ang anak ni Lehi na si Jacob ay isinilang sa ilang matapos lisanin ng kanilang pamilya ang Jerusalem. Bago pumanaw si Lehi, itinuro niya kay Jacob ang mahahalagang katotohanan tungkol sa kalayaang pumili.
Basahin ang 2 Nephi 2:1–4 upang malaman kung paano sinimulan ni Lehi ang kanyang mensahe kay Jacob. Makatutulong na malaman na ang ibig sabihin ng salitang “ilaan” ay italaga o gawing banal (tingnan sa “Paglalaan, Batas ng Paglalaan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures.ChurchofJesusChrist.org]).
-
Bakit maaaring makabuluhan para sa isang taong nakaranas ng maraming pagsubok na maunawaan ang kahalagahan ng kakayahang pumili?
-
Anong mga katotohanan mula sa mga talatang ito ang pinakamahalaga sa iyo? Bakit?
Ang pangangailangan natin sa Tagapagligtas
Walang sinuman maliban sa Tagapagligtas ang perpektong nakagamit ng kalayaang pumili sa mortalidad. Lahat tayo ay nagkakasala, at kung walang tulong tayong lahat ay “[mala]layo … at magiging kaaba-aba magpakailanman” (2 Nephi 2:5).
Habang iniisip ito, basahin ang 2 Nephi 2:6–8 upang makita kung ano ang ginawa ni Jesucristo para sa ating lahat.
-
Paano pinili ng Tagapagligtas na tulungan ka?
-
Paano nakakaimpluwensya sa nadarama mo kay Jesucristo ang pag-unawa dito tungkol sa Kanya?
-
Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa pagpili?
Mag-isip ng isang pagkakataon kung saan, sa tulong ni Jesucristo, pinagsisihan mo ang isang kasalanan. Paano nakaapekto sa iyo ang pagsisisi?
Isipin kunwari na tinuturuan ng mga missionary sa inyong lugar ang isang kabataan at narinig niya ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit sa unang pagkakataon. Inanyayahan ka ng mga missionary na sumama sa susunod na appointment sa pagtuturo sa kabataang ito. Hiniling nila sa iyo na maghanda ka ng mga ideya mula sa 2 Nephi 2 tungkol sa kahalagahan ng kalayaang pumili sa plano ng Ama sa Langit. Gumawa at magsumite ng maikling outline ng ituturo mo. Isama ang mga sumusunod:
-
Kahit dalawang talata lang mula sa 2 Nephi 2:1–16, 26 at ang mga kaugnay na katotohanan ng mga ito, kasama ang maikling paliwanag kung bakit makabuluhan o mahalaga ang mga ito
-
Ang impluwensya ng sakripisyo ni Jesucristo sa ating mga pagpili
-
Ang magagawang kaibhan ng mga katotohanang ito sa ating buhay
Kapag natapos mo na ang iyong outline, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang pinag-iisipan mo ang mga paraan kung paano mo maaalala ang mga katotohanang ito at kung paano mapagpapala ng pag-alaala sa mga ito ang iyong buhay. Halimbawa, maaari kang maglagay ng screensaver sa iyong telepono, maglagay ng maikling sulat sa iyong salamin, o gumawa ng iba pang bagay para palagi mong makita at maalala ang mga katotohanang ito.