Seminary
2 Nephi 5:1–9: Ang mga Babala ng Diyos


“2 Nephi 5:1–9: Ang mga Babala ng Diyos,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 5:1–9: Ang mga Babala ng Diyos,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 5:1–9

Ang mga Babala ng Diyos

Tumakas ang pamilya ni Nephi patungo sa ilang

Marahil ay nakalulungkot iyon para kay Nephi. Dahil binalak nina Laman at Lemuel na patayin siya, binalaan si Nephi na isama ang “mga naniniwala sa mga babala at paghahayag ng Diyos” (2 Nephi 5:6) at tumakas patungo sa ilang. Kung minsan, maaari din tayong balaan ng Panginoon tungkol sa mga pisikal at espirituwal na panganib sa ating paligid. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na sundin ang mga babala na ibinibigay nang buong pagmamahal ng Panginoon upang protektahan ka.

Pagkakaroon ng kapaligirang may pagtanggap at paggalang. Linangin ang damdamin ng pagiging kabilang sa bawat mag-aaral sa pamamagitan ng taos-pusong pagtanggap na kailangan ang bawat estudyante, pagpapahalaga sa iba’t ibang pinagmulan at sitwasyon, at pagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante na humugot ng lakas mula sa isa’t isa at sa Tagapagligtas. Matutulungan mo rin ang mga estudyante na maunawaan na may tungkulin silang ginagampanan sa gawain ng Diyos.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng isang karanasan kung saan may nagbigay sa kanila ng babala na ipinagpasalamat nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Babala

Maaari kang magpakita ng ilang palatandaan ng babala at magtanong ng tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na talakayin kung paano maaaring maging mga pagpapala ang mga babala.

Maaari ka ring maglagay ng isang bagay na marumi o malagkit sa isa sa mga upuan at maglagay ng mga palatandaan ng babala sa buong upuang iyon bago ang klase.

mga palatandaan ng babala
  • Bakit mahalaga ang mga ganitong palatandaan ng babala?

  • Bakit tinitingnan ng ilang tao ang mga palatandaan ng babala nang may pasasalamat? nang may pagkainis?

  • Kailan ka nagpasalamat dahil binalaan ka?

Habang nag-aaral ka ngayon, pag-isipan kung bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga babala. Sikapin ding alalahanin ang iba’t ibang paraan ng pagtugon mo sa mga babalang ibinigay Niya.

Mga babala ng Diyos para kay Nephi

Basahin ang 2 Nephi 5:1–9, at alamin ang babalang ibinigay ng Panginoon kay Nephi matapos siyang maging espirituwal na pinuno ng pamilya kasunod ng pagkamatay ni Lehi. O maaari mong panoorin ang video na “Tumakas ang mga Nephita patungo sa Ilang” mula sa time code na 0:00–3:21.

5:33

Sikaping ilagay ang iyong sarili sa katayuan ng isa sa mga tinedyer na Nephita na inanyayahan ang pamilya na sumama kay Nephi.

  • Bakit kaya maaaring mahirap umalis?

  • Ano ang kailangan upang makapagpasiya ka na sumama kay Nephi patungo sa ilang?

  • Ayon sa talata 6, paano natukoy kung sino ang sasama sa kanya?

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa talatang ito ay maaakay tayo ng Diyos palayo sa panganib kung pipiliin nating maniwala sa Kanyang mga paghahayag at makinig sa Kanyang mga propeta.

Ang talakayan sa klase ay maaaring makatulong sa mga estudyante na makadama ng pasasalamat na sapat ang pagmamahal sa atin ng Diyos upang balaan tayo sa mga panganib.

Upang mapadali ang talakayan, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano maiiba ang mundo (o ang kanilang personal na buhay) kung hindi tayo kailanman binalaan ng Diyos tungkol sa anumang bagay. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga naisip nila. Habang tinatalakay ng mga estudyante ang mga naisip nila, tulungan silang makita na ang mga babala ng Diyos ay tanda ng Kanyang pagmamahal at pangangalaga sa atin. Ang sumusunod na video at ilan sa mga sumusunod na tanong ay magagamit upang mas maragdagan ang talakayan sa klase.

3:38
  • Sa iyong palagay, bakit kailangan natin ang mga babala ng Diyos sa ating panahon?

  • Ano ang iba’t ibang paraan na ipinaaalam ng Diyos ang Kanyang mga babala sa mga tao sa pangkalahatan at sa mga indibiduwal tungkol sa kanilang partikular na kalagayan?

  • Ano ang mga dahilan kung bakit maaaring piliin ng isang tao na huwag sundin ang mga babala ng Diyos, at paano ka tutugon sa isang taong nagbibigay ng isa sa mga ganitong dahilan?

  • Paano ka naprotektahan o paano naprotektahan ang iyong mga mahal sa buhay sa pagsunod sa mga babala mula sa Diyos? Magbahagi ng isang partikular na halimbawa kung may maiisip ka.

Binabalaan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta

Isa sa mga paraan kung paano tayo binabalaan nang buong pagmamahal ng Diyos tungkol sa panganib ay sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta. Halimbawa, sa 2 Nephi 5:5–6, marami sa pamilya ni Nephi ang nakinig sa babalang ibinigay sa kanya ng Panginoon na lumisan patungo sa ilang. (Tingnan din sa Amos 3:7.) Nakikita rin natin ang maraming babala ng propeta mula sa Diyos para sa atin sa Kanyang mga banal na kasulatan.

Mag-ukol ng oras upang saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mga babala na ibinigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta noon. (Kabilang sa ilang halimbawa ang Alma 41:10; Moroni 10:30, 32; Doktrina at mga Tipan 63:57–58; 89:1–4.)

Hayaan ang mga estudyante na maghanap ng mga babala mula sa Diyos sa mga banal na kasulatan nang mag-isa. Maaari mong ibigay ang mga halimbawa sa itaas o iba pang halimbawa kung kailangan nila ng tulong.

Ipakita ang mga sumusunod na tanong habang nag-aaral sila. Pagkatapos ay anyayahan sila na ibahagi ang mga sagot nila sa maliliit na grupo.

  • Anong mga babala ang nakita mo na sa palagay mo ay pinakakailangan ng mundo ngayon?

  • Ano sa palagay mo ang mga ibubunga ng pagsunod o pagbalewala sa mga babalang ito?

  • Paanong ang mga babalang ito ay patunay ng pagmamahal ng Diyos?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagsunod sa mga babalang nakita mo upang maging higit na katulad ka ni Jesucristo?

  • Paano tayo inilalayo sa Kanya ng hindi natin pagpansin sa Kanyang mga babala?

Ang mga babala ng Diyos para sa iyo

Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan kung saan pinagpala ka sa pagsunod sa isang babala mula sa Diyos.

Pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng sapat at tahimik na oras na pag-isipan at isulat sa kanilang study journal ang kanilang mga naiisip at nadarama upang tapusin ang lesson. Ang sumusunod na pahayag at mga tanong ay maaaring makatulong para maihanda ang mga estudyante bago magsulat.

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Hindi inaasahang hindi kayo magkakamali sa buhay, ngunit hindi kayo makagagawa ng malaking kasalanan nang hindi muna nababalaan ng mga paramdam ng Espiritu. Ang pangakong ito ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan. (Boyd K. Packer, “Payo sa Kabataan,” Liahona, Nob. 2011, 18)

  • May babala ba sa akin ang Ama sa Langit tungkol sa isang partikular na bagay sa buhay ko sa pamamagitan ng mga impresyon o damdamin mula sa Espiritu?

  • Mayroon bang mga partikular na babala mula sa Diyos na natanggap ko sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan, mga magulang, basbas ng priesthood, o iba pang paraan? Kumusta ang pagsunod ko sa mga ito?

  • Ano kaya ang isang bagay na nais ng Ama sa Langit na gawin ko sa natutuhan o nadama ko ngayon?