Seminary
2 Nephi 5: Namuhay nang Maligaya


“2 Nephi 5: Namuhay nang Maligaya,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 5: Namuhay nang Maligaya,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 5

Namuhay nang Maligaya

Dalagitang nakangiti

Matapos mahiwalay sa kanyang mga kapatid, si Nephi at ang mga sumunod sa kanya ay nagtatag ng bagong komunidad. Ang mga tao ni Nephi ay umunlad at namuhay nang maligaya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matuklasan kung ano ang maaari mong gawin upang mamuhay nang maligaya.

Maghikayat ng aktibong pakikilahok. Habang naghahanda ng mga lesson at nakikipag-ugnayan sa mga estudyante, maghanap ng mga paraan upang maanyayahan ang mga estudyante na aktibong makilahok. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na makibahagi sa pag-aaral at mas mapalapit sa Tagapagligtas.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan o kapamilya ang pagkakaiba ng kaligayahan at kasiyahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Maligaya

Maaari mong isulat sa pisara ang tanong na “Ano ang nagpapaligaya sa isang tao?” at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano maaaring sumagot ang isang karaniwang tinedyer; pagkatapos ay talakayin kung paano sasagot ang Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung paano maikukumpara ang kanilang sagot sa kung ano sa palagay nila ang isasagot ng Tagapagligtas. Anyayahan silang maghangad ng paghahayag habang pinag-aaralan nila ang lesson na ito upang malaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit na malaman o gawin nila.

Idinedetalye ng kabanata 2 Nephi 5 ang paghihiwalay ng pamilya ni Lehi at naging mga Nephita at mga Lamanita. Nang planuhin nina Laman at Lemuel na patayin si Nephi, binalaan ng Panginoon si Nephi na humiwalay sa kanyang mga kapatid (tingnan sa 2 Nephi 5:1–5). Sinunod ni Nephi ang Panginoon at lumisan siya kasama ng mga “naniwala sa mga babala at paghahayag ng Diyos” (2 Nephi 5:6) at nagtatag siya ng bagong komunidad.

Ang mga Lamanita ay nanatili sa lupain at naghimagsik laban sa Panginoon. Sila ay “nahiwalay mula sa kanyang harapan” (2 Nephi 5:20). Ang sumpang binanggit sa kabanatang ito ay pagkawalay sa Diyos (tingnan sa 2 Nephi 5:20–24). Ang pagbabago ng balat ng mga Lamanita ay marka o tanda ng sumpa. Ang katangian ng tanda na ito ay hindi lubusang nauunawaan. Noong una, dahil sa tanda ay nakilala ang mga Lamanita mula sa mga Nephita. Kalaunan, nang ang mga Nephita at Lamanita ay kapwa dumanas ng mga panahon ng kasamaan at kabutihan, ang tanda ay hindi na naging indikasyon ng katayuan ng mga Lamanita sa harapan ng Diyos.

Huwag gumawa ng haka-haka tungkol sa sumpa. Kung may mga tanong ang mga estudyante, mas marami pang impormasyon ang makukuha sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon.”

Basahin ang 2 Nephi 5:27 at pansinin kung paano inilarawan ni Nephi ang bagong komunidad na itinatag niya.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng namuhay nang maligaya?

  • Anong mga hamon ang maaaring makaharap sa pamumuhay nang maligaya?

Tingnan ang mga naunang talata sa kabanata upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa ginawa ng mga Nephita na humantong sa pamumuhay nila nang maligaya.

Basahin ang 2 Nephi 5:10–17, 26 at kumpletuhin ang sumusunod na pahayag gamit ang malalaman mo:

ay makatutulong sa aking sundin ang Tagapagligtas at mamuhay nang maligaya.

Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag at sabihin sa mga estudyante na lumapit at isulat ang nalaman nila pagkatapos nilang magbasa.

  • Ano pa sa palagay mo ang makatutulong sa iyo para mamuhay ka nang maligaya?

  • Gaano kadalas kang nakikibahagi sa ganitong mga uri ng mga aktibidad?

handout iconAng mga sumusunod na aktibidad ay ginawa bilang mga maliit na lesson upang maturuan ng mga estudyante ang isa’t isa. Narito ang ilang ideya kung paano gamitin ang mga ito:

  1. Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatatlong miyembro ng grupo at sabihin sa bawat miyembro ng grupo na maghanda at magturo ng isa sa tatlong lesson sa kanilang grupo.

  2. I-assign nang maaga ang mga lesson sa tatlong estudyante na may kakayahang maghanda at dumating nang handang magturo sa klase.

  3. Talakayin sa klase ang isa o mahigit pang mga lesson.

Ang tatlong posibleng paraan upang makumpleto ang pangungusap na ito ay “Ang pagsunod sa mga batas ng Diyos,” “Ang pagtatrabaho,” at “Ang templo.” Sa mga susunod na aktibidad, tutuklasin ang bawat isa sa mga ito nang mas malaliman.

Aktibidad 1. Pagsunod sa mga batas ng Diyos

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)—“2 Nephi 5: Namuhay nang Maligaya

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong nang magkakapartner:

  • Ano ang ilan sa mga batas sa inyong komunidad?

  • Ano ang magiging bunga ng patuloy na pagsunod o hindi pagsunod sa mga batas na iyon?

  • Paano natutulad o naiiba ang paghahambing na ito sa mga batas ng Diyos?

Sinunod ni Nephi at ng kanyang mga tagasunod ang mga kautusan ng Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 5:10). Basahin ang doctrinal mastery passage na Mosias 2:41 at alamin ang nais ni Haring Benjamin na maunawaan ng kanyang mga tao tungkol sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Maaari mong i-cross-reference ang talatang ito sa 2 Nephi 5:10.

  • Sa iyong palagay, paano nakatutulong sa atin ang pagsunod sa mga batas ng Diyos upang maging maligaya tayo?

  • Paano nagpakita ng pagsunod si Jesucristo?

    Maaari mong isulat sa pisara o sa isang piraso ng papel ang isang listahan ng mga kautusan na tutulong sa atin na maging mas maligaya. Itanong sa mga estudyante kung bakit nila pinili ang mga kautusang pinili nila.

  • Ano ang ilan sa mga kautusan ng Diyos na nagdulot sa iyo ng higit na kaligayahan?

Maaari kang magbahagi ng sarili mong karanasan o magpatotoo tungkol sa kaugnayan ng kaligayahan at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.

Aktibidad 2. Pagtatrabaho at pag-asa sa sariling kakayahan

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)—“2 Nephi 5: Namuhay nang Maligaya

Sa isang papel o sa iyong study journal, gumawa sandali ng listahan ng mga sasabihin mo na mga pakinabang ng pagtatrabaho at pagsisikap.

Maaari mong ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila.

Basahin ang 2 Nephi 5:11, 15, 17 at tukuyin ang iba’t ibang trabahong ginawa ng mga Nephita at ang mga resulta ng kanilang mga pagpapagal.

  • Ano ang nalaman mo?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na gawin ang mga sumusunod nang magkakapartner.

Basahin ang “Pagtatrabaho at Pag-asa sa Sariling Kakayahan” sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011) upang malaman kung ano ang matututuhan mo tungkol sa alituntunin ng pagtatrabaho.

  • Ano ang mga karagdagang pakinabang ng pagtatrabaho na nakita mo? (Maaari mong idagdag ang mga ito sa iyong listahan.)

  • Alin sa mga pakinabang na ito ang naranasan mo?

  • Paano makatutulong sa isang tao ang pagtatrabaho upang maging higit na katulad siya ni Jesucristo?

Aktibidad 3. Ang templo

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)—“2 Nephi 5: Namuhay nang Maligaya

buhay-pamilya

Basahin ang 2 Nephi 5:16 at tingnan kung ano ang matututuhan mo tungkol sa templo ng mga Nephita.

  • Sa iyong palagay, bakit napakatindi ng pagsisikap ni Nephi at ng kanyang mga tao na itayo ang templo?

  • Sa iyong palagay, bakit iniutos at patuloy na iniuutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magsakripisyo para sa pagtatayo ng mga templo?

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa layunin at mga pagpapala ng mga templo. Maaari mong panoorin ang video na “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon” mula sa time code na 4:27 to 5:55 o basahin ang pahayag sa ibaba:

18:59

Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.

Ipinangako sa atin na “kung [tayo] ay handa [tayo] ay hindi matatakot.” Ang pangakong ito ay may matinding implikasyon ngayon. Ipinahayag ng Panginoon na sa kabila ng mahihirap na hamon sa buhay ngayon, ang mga nagtayo ng kanilang pundasyon kay Jesucristo, at natutuhan kung paano gamitin ang Kanyang kapangyarihan, ay hindi kailangang sumuko sa mga hindi pangkaraniwang problema ng panahon ngayon. (Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93–94)

  • Ano ang tumimo sa iyo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagpunta sa templo upang mas maitayo ang iyong saligan kay Jesucristo? Maaari kang magbahagi ng karanasan kung may maiisip ka.

  • Paano nagdulot ng mas malaking kaligayahan ang templo sa iyo o sa kakilala mo?

Kapag natapos nang magturo ang mga estudyante, maaari mo silang anyayahang magbahagi kung paano sila nakadama ng higit na kaligayahan sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng mga tinalakay ngayon. Maaari mong ibahagi ang sarili mong patotoo tungkol sa kung paano nagdulot sa iyo ng higit na kaligayahan ang mga alituntuning ito.