Seminary
2 Nephi 3: “Isang Piling Tagakita ang Ibabangon Ko”


“2 Nephi 3: ‘Isang Piling Tagakita ang Ibabangon Ko,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 3: ‘Isang Piling Tagakita ang Ibabangon Ko,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 3

“Isang Piling Tagakita ang Ibabangon Ko”

Joseph Smith

Nakatala sa kabanata 3 ng 2 Nephi ang mga sinabi ni Lehi sa kanyang bunsong anak na si Jose, noong mamamatay na siya. Binanggit ni Lehi ang isang propesiyang sinabi ni Jose ng Egipto noong halos 1,700 taon bago isinilang si Cristo. Isipin kung paano nagulat si Joseph Smith nang matuklasan niya na siya ang paksa ng karamihan sa propesiyang sinabi ni Jose ng Egipto. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang mapalalim ang iyong patotoo tungkol sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith.

Pagtuturo ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta nang may pananalig at layunin. Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw ay mga pinagmumulan ng katotohanan. Siguruhing ang lahat ng itinuturo mo ay naaayon sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Ang pagtuturo ng katotohanan ay mag-aanyaya sa Espiritu Santo sa silid-aralan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin o panoorin ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Joseph Smith,” mula sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2014 (tingnan sa Liahona, Nob. 2014, 28–31), at alamin kung bakit mahalagang magkaroon ng personal na patotoo na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Tandaan na ang lesson na ito ay nakatuon sa banal na misyon ni Joseph Smith. Tatalakayin sa lesson na ito ang papel na ginagampanan ng mga banal na kasulatan na binanggit sa 2 Nephi 3:12.

Apat na Joseph

Pag-isipan ang isa sa mga sumusunod na posibilidad. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan at mga reperensyang banal na kasulatan na hindi magkakatugma at sabihin sa mga estudyante na itugma ang talata sa tamang larawan. O ipakita ang mga reperensyang banal na kasulatan kasama ang mga kaugnay na talata at sabihin sa mga estudyante na tuklasin kung sino ang mga tao. Hikayatin ang mga estudyante na itala ang mga pangalang ito sa sarili nilang mga banal na kasulatan.

Apat na indibiduwal na binanggit sa 2 Nephi 3 ang magkakapangalan. Basahin ang mga talata para sa bawat larawan at tukuyin kung sino ang kinakatawan ng apat na larawang ito.

collage ng 4 na Joseph

2 Nephi 3:3; 2 Nephi 3:4; 2 Nephi 3:11; 2 Nephi 3:15

Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang mga larawan ay kumakatawan (1) sa anak ni Lehi na si Jose, (2) kay Jose ng Egipto, (3) kay Propetang Joseph Smith, at (4) sa ama ng Propeta, si Joseph Smith Sr.

Malaking bahagi ng 2 Nephi 3 ang nakatuon sa isang propesiyang sinabi ni Jose ng Egipto tungkol sa “tagakita” at kay propetang Joseph Smith at sa kanyang misyon sa mga huling araw.

Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77) ang sumusunod na pahayag tungkol sa paghahanda ng Panginoon para sa misyon ni Joseph Smith:

Napagpasiyahan sa mga konseho ng kawalang-hanggan, [bago pa man] inilatag ang saligan ng mundo, na siya, si, Joseph Smith, ang nararapat na tao, sa huling dispensasyon ito ng daigdig, na maghatid ng salita ng Diyos sa sangkatauhan, at tumanggap ng kabuuan ng mga susi at kapangyarihan ng Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos. Binantayan siya ng Panginoon, at ang kanyang ama, at ang ama ng kanyang ama, at ang [kanilang angkan] … hanggang kay Adan. Binantayan niya ang mag-anak na yaon at ang dugong nananalaytay mula sa pinagmulan niyon hanggang sa pagsilang ng taong iyon. Siya ay inordenan noon pa sa kawalang-hanggan upang mamuno sa huling dispensasyong ito. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 109383)

  • Ano ang maituturo sa atin ng mga salitang ito tungkol sa tungkulin ni Joseph Smith?

  • Ano ang maituturo nito sa atin tungkol sa Panginoon?

Mga Propesiya tungkol kay Joseph Smith

Para sa sumusunod na aktibidad, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipabasa sa isang estudyante ang 2 Nephi 3:6–12 at ipabasa sa isa pa ang 2 Nephi 3:13–15, 24. Pagkatapos ay maaaring ituro ng bawat estudyante sa isa pa ang nalaman niya. Maaaring makatulong na lumibot sa silid at tulungan ang sinumang estudyante na maaaring may mga tanong tungkol sa mga talata.

Habang kausap ang kanyang anak na si Jose, binanggit ni Lehi ang isang bahagi ng propesiya ni Jose ng Egipto mula sa mga laminang tanso (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]). Ang propesiyang ito ay tungkol kay Propetang Joseph Smith sa mga huling araw. Basahin ang 2 Nephi 3:6–15, 24, at markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo sa iyo tungkol kay Joseph Smith. (Tandaan na ang “bunga ng iyong balakang” ay tumutukoy sa mga anak o inapo.)

  • Ano ang mahalaga para sa iyo tungkol kay Joseph Smith?

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang mga salita o parirala na pinakanapansin nila. Maaari mong ituro ang mga parirala sa pisara at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung bakit makabuluhan ang mga pariralang ito.

  • Paano mo ibubuod ang mga turo tungkol kay Propetang Joseph Smith mula sa nabasa mo sa 2 Nephi 3?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay ibinangon ng Panginoon si Propetang Joseph Smith upang makatulong na maisakatuparan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa atin na magkaroon ng personal na patotoo sa katotohanang ito?

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang negatibong komentaryo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay madaragdagan pa habang papalapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang mga katotohanang may halong kasinungalingan at panlilinlang ay hindi mababawasan. May mga kapamilya at kaibigan na mangangailangan ng tulong ninyo. …

Sa mga kabataan … may hamon ako sa inyo: Magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. (Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 30)

Pinakamakabubuting sabihin sa mga estudyante na pagnilayan at pag-isipan nang tahimik ang kanilang mga sagot sa susunod na tanong. Maaari mo ring ipasulat sa kanila ang kanilang mga sagot sa study journal.

  • Gaano ka naniniwala sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith?

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagtatanong tungkol kay Joseph Smith o tungkol sa pagkakaroon ng patotoo tungkol sa kanyang tungkulin bilang propeta. Ang mensahe ni Elder Andersen na tinukoy sa paghahanda ng estudyante ay maaaring makatulong sa pagsagot sa kanilang mga tanong. Maaaring masagot ng mga estudyanteng nagbasa ng mensahe bilang paghahanda para sa lesson na ito ang ilan sa mga tanong ng kanilang mga kaklase.

Pagkakaroon ng patotoo tungkol kay Joseph Smith

Isipin ang sumusunod na sitwasyon:

Nang malaman ng kaibigan mong si Marcos na miyembro ka ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagsimula siyang magbasa tungkol kay Joseph Smith sa website ng Simbahan. Napaisip siya sa paanyayang alamin para sa kanyang sarili na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos. Habang ibinabahagi niya sa iyo ang ilan sa natutuhan niya, itinanong niya, “Paano natin malalaman mismo sa ating sarili kung si Joseph Smith ay isa ngang propeta?”

  • Ano ang sasabihin mo kay Marcos?

Para sa iba pang mga ideya tungkol sa pagkakaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Panginoon, panoorin o basahin ang iminungkahi ni Elder Andersen:

14:49

Ang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay maaaring dumating sa atin sa magkakaibang paraan. Maaari itong dumating habang nakaluhod kayo sa panalangin, na hinihiling sa Diyos na patunayan na siya ay totoong propeta. Maaari itong dumating habang binabasa ninyo ang salaysay ng Propeta tungkol sa Unang Pangitain. Ang patotoo ay maaaring magpadalisay sa inyong kaluluwa habang paulit-ulit ninyong binabasa ang Aklat ni Mormon. Maaari itong dumating kapag nagpatotoo kayo tungkol sa Propeta o habang nasa templo kayo at natatanto na sa pamamagitan ni Joseph Smith ay ipinanumbalik ang banal na kapangyarihang magbuklod sa lupa. Taglay ang pananampalataya at tunay na layunin, ang inyong patotoo kay Propetang Joseph Smith ay lalakas. (Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 30)

4:42

Maaaring magandang pagkakataon ito upang anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol kay Joseph Smith. Matutulungan mong maghanda ang mga estudyante sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na isulat ang kanilang mga sagot sa ilan sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Kapag natapos nang magsulat ang mga estudyante, anyayahan ang mga handang magbahagi sa klase. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo tungkol kay Joseph Smith. Makabubuti ring tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pasiyang maniwala sa banal na tungkulin ni Joseph Smith ay kapuri-puri kahit may pag-aalinlangan. Ang kanilang paniniwala ay mapapalakas sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng karanasan.

  • Ano ang nakatulong sa iyong maniwala na si Joseph Smith ay isang propeta?

  • Ano ang naipaunawa o naipadama sa iyo ni Propetang Joseph Smith tungkol kay Jesucristo?

  • Ano ang magagawa mo upang mapalakas ang iyong patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith?

  • Paano makakaapekto (nakakaapekto) sa iyong buhay ang pagkakaroon ng patotoo kay Joseph Smith?