Seminary
2 Nephi 12–15: “Ito ay Mangyayari sa mga Huling Araw”


“2 Nephi 12–15: ‘Ito ay Mangyayari sa mga Huling Araw,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 12–15,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 12–15

“Ito ay Mangyayari sa mga Huling Araw”

bundok at haliging apoy

Natuklasan mo ba na ang ilang propeta ay nagsasalita, nagtuturo, o nagsusulat sa paraang nakaaantig sa iyong kaluluwa? Para kay Nephi, ito ay si Isaias. “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kanyang mga salita,” isinulat ni Nephi (2 Nephi 11:2). Maaari ka ring malugod sa inihayag ng Panginoon tungkol sa mga huling araw sa pamamagitan ni Isaias. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga simbolikong propesiya ni Isaias at pag-isipan kung paano ka matutulungan ng mga ito sa iyong buhay.

Pag-unawa sa simbolismo. Ang simbolo ng ebanghelyo ay maaaring isang bagay, pangyayari, gawain, o turo na kumakatawan sa isang espirituwal na katotohanan. Ang mga simbolo ay tumutulong sa atin na maunawaan ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng pagtutuon ng ating isipan sa mga katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan at sa ating kaugnayan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Matututuhan at mauunawaan natin ang kahulugan ng mga simbolo sa pamamagitan ng ating pag-aaral at ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Paghahanda ng estudyante: Ipaliwanag sa mga estudyante na isinulat ni Nephi ang maraming kabanata ng mga propesiya ni Isaias sa kanyang sariling talaan at gumamit si Isaias ng maraming simbolismo. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin ang 2 Nephi 12:1–3 o 2 Nephi 14:5–6 at pag-isipan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng mga talatang ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pinakamaganda at ang pinakamalala

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na pahayag:

  • Ang pinakamagagandang bagay tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw ay

  • Ang mga pinakamalalang bagay tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw ay

Isipin ang mga sumusunod na tanong. Babalikan mong muli ang mga tanong na ito sa katapusan ng lesson.

  • Bakit kaya naghahayag ang Panginoon ng mga pagpapala at babala sa mga huling araw sa atin?

  • Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanya?

  • Paano makatutulong sa iyo na alam mo ang mga bagay na ito?

Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan ka na masagot ang mga tanong na ito sa buong lesson na ito.

Mga hamon sa ating panahon

Binalaan tayo ni Isaias tungkol sa ilang gawi at pag-uugali sa mga huling araw. Basahin ang mga sumusunod na set ng mga talata, at alamin ang ipinropesiya ni Isaias.

  • Ano ang tila mahalaga para sa iyo?

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na ito sa mundo ngayon?

  • Bakit isang pagpapala ang sinabi sa atin ng Panginoon na mag-ingat sa mga bagay na ito?

Sa iyong patuloy na pag-aaral, alamin ang mga pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa mga huling araw. Isipin kung paano makatutulong sa atin ang mga pagpapalang ito kapag naharap tayo sa mga hamong nakita ni Isaias.

Maaari kang magdrowing ng simpleng larawan ng isang bundok sa isang panig ng pisara na may reperensyang 2 Nephi 12:1–3 sa ibaba nito. Sa kabilang panig, magdrowing ng larawan ng ulap at haliging apoy na may reperensyang 2 Nephi 14:5–6. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga simbolo at basahin ang mga katugmang talata. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng mga simbolo at anong mga alituntunin ang matututuhan nila na tutulong sa kanila sa mga huling araw na ito. Maaaring makatulong ang sumusunod na impormasyon.

Ang bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon

Gumamit si Isaias ng maraming simbolo sa kanyang mga propesiya. Ang pag-iisip kung ano ang isinasagisag ng mga simbolong ito ay makatutulong sa iyo na malaman mo ang personal na kahulugan mula sa mga banal na kasulatan.

Basahin ang 2 Nephi 12:1–3, at alamin ang pangunahing simbolo na ginamit ni Isaias upang ituro kung ano ang “mangyayari sa mga huling araw” (2 Nephi 12:2).

  • Ano sa palagay mo ang tinutukoy ng “bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon”? Bakit?

Makatutulong na pag-isipan kung ang isang simbolo, na isang bundok sa sitwasyong ito, ay naging mahalaga sa iba pang mga banal na kasulatan. Halimbawa, si Moises at ang iba pang mga propeta ay nagtungo sa isang bundok upang makilala ang Panginoon at tumanggap ng tagubilin mula sa Kanya (tingnan sa Exodo 320). Kung minsan, ang mga bundok ay ginamit din sa layuning katulad sa mga templo.

  • Paano maitutulad ang bundok sa templo?

Kabilang sa ilang posibleng sagot ay ang mga bundok at templo ay makatutulong na ihiwalay tayo sa mundo at bigyan tayo ng mas magandang pananaw. Ang mga ito ay maaari ding parehong maging maganda, maghikayat ng pagninilay sa sarili, magpabaling ng ating isipan sa Diyos, at tumulong sa atin na buksan ang ating puso sa paghahayag.

Sa simbolong tinukoy, muling basahin ang mga talatang ito at alamin kung ano ang ginagawa ng Panginoon para sa atin sa Kanyang bahay.

Ang isa sa mga katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante mula sa 2 Nephi 12:3 ay kapag sumasamba tayo sa templo, tuturuan tayo ng Panginoon ng Kanyang mga daan at tutulungan Niya tayong lumakad sa Kanyang mga landas.

  • Paano nakatulong sa iyo ang pagsamba sa templo (o paghahandang pumasok sa templo) upang matutuhan mo ang mga daan ng Panginoon o lumakad sa Kanyang mga landas?

  • Paano tayo matutulungan ng mga templo kapag nahaharap tayo sa mga hamon sa mga huling araw?

Ulap at apoy

Nagbigay si Isaias ng isa pang propesiya. Basahin ang 2 Nephi 14:5–6, at alamin kung ano ang gagawin ng Diyos para sa Kanyang mga tao. Ang sumusunod na impormasyon ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa iyo:

  • Ang pook ay tahanan.

  • Ang mga pagtitipon sa Bundok ng Sion ay ang lugar kung saan nagtitipon ang mga tao ng Panginoon, tulad ng mga branch, ward, at stake.

  • Isang tabernakulo sa panahon ng Lumang Tipan ang partikular na tumukoy sa isang nabibitbit na tolda na nagsilbing templo para sa mga Israelita sa loob ng daan-daang taon. Maaari itong kumatawan sa templo o isang lugar ng pagsamba sa kasalukuyan.

  • Ang kublihan ay isang silungan o kanlungan.

  • Ano sa palagay mo ang isinasagisag ng ulap sa araw at nagniningas na apoy sa gabi?

    Maaari mong itanong kung may maiisip ang mga estudyante na isang lugar sa mga banal na kasulatan kung saan mahalaga ang mga imaheng ito.

  • Paano naging mahalaga ang ulap at apoy kay Moises at sa mga anak ni Israel? (tingnan sa Exodo 13:21).

  • Sa pagkaunawang iyan, ano sa palagay mo ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa Kanyang mga tao sa 2 Nephi 14:5–6?

Maaaring makatuklas ang mga estudyante ng alituntunin na katulad ng: Gagabayan at poprotektahan tayo ng Panginoon kapag nagtipon tayo sa ating mga tahanan, sa mga kongregasyon sa Simbahan, at sa mga templo.

Nagbigay si Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ng katulad na pangako:

Ang ating mga patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang ating mga tahanan, pamilya, at pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay magiging personal nating muog ng proteksyon na nakapalibot sa atin at pananggalang natin sa kapangyarihan ng yaong masama. (Ronald A. Rasband, “Magtayo ng Isang Muog ng Espirituwalidad at Proteksyon,” Liahona, Mayo 2019, 110)

  • Paano naging lugar ng espirituwal na proteksyon at kanlungan ang iyong tahanan, ward, o branch, o ang templo para sa iyo?

  • Paano tayo matutulungan ng mga pangakong ito sa pagharap natin sa mga hamon ng mga huling araw?

Mga salita ni Isaias sa iyong buhay

Maglaan ng oras na sagutin ang tatlong tanong na pinag-isipan mo sa simula ng lesson. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon at kung paano makatutulong sa iyo ang mga propesiyang ito. Maaari mong isama ang gawi o pag-uugali na nais mong iwasan, gayundin ang mga paraan na maaari kang humingi ng espirituwal na tulong sa Panginoon sa iyong tahanan, ward, o branch, o sa templo.