Seminary
2 Nephi 17–19: Ang mga Titulo at Tungkulin ni Jesucristo


“2 Nephi 17–19: Ang mga Titulo at Tungkulin ni Jesucristo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 17–19,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 17–19

Ang mga Titulo at Tungkulin ni Jesucristo

Jesucristo

Bakit ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay isang taong mapagkakatiwalaan mo? Sa mga kabanatang ito, hinikayat ng Panginoon na magtiwala sa Kanya ang dalawang hari na pinagbabantaan ng malalakas na hukbo. Pagkatapos ay nagpropesiya si Isaias tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo, at itinala ang ilan sa Kanyang mga titulo at katangian. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang magtiwala kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral at pag-unawa sa Kanyang mga katangian at titulo.

Pagninilay sa mga titulo ni Jesucristo. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mahigit isandaang iba’t ibang pangalan at titulo na tumutukoy at naglalarawan kay Jesucristo. Kapag natukoy ng mga estudyante ang iba’t ibang tungkulin at titulo ng Tagapagligtas, sabihin sa kanila na pagnilayan kung paano Niya natupad ang mga titulong iyon sa sarili nilang buhay at sa buhay ng mga nakapaligid sa kanila.

Paghahanda ng estudyante: Sa kanilang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng anumang titulo ng Tagapagligtas at pag-isipan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng mga titulong iyon at kung paano ito makatutulong sa kanila na mas pagkatiwalaan at mahalin ang Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang matututuhan natin sa mga titulo?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na titulo at itanong ang mga nasa ibaba.

Isipin na kunwari ay hindi pa ninyo nakikilala ang sumusunod na apat na tao, pero alam ninyo ang kanilang mga titulo:

  • Doktor

  • Pulis

  • Bishop

  • Pangulo ng Young Women

  • Sino sa mga taong ito ang lalapitan ninyo upang hingian ng tulong kung may nagtatangkang magnakaw sa inyo? Kung nagkaroon ka ng mahirap na problema sa kalusugan? Para sa espirituwal na payo?

  • Sa anong iba pang mga sitwasyon maaaring natatanging kwalipikadong tumulong ang mga taong ito?

  • Paano nakatutulong sa iyo na alam mo ang kanilang mga titulo upang maunawaan kung saan sila kwalipikadong tumulong?

Pag-isipan sandali ang anumang sitwasyon o hamon na maaari mong maranasan kung saan gusto mong makatanggap ng tulong.

Maaari mong hatiin sa gitna ang pisara at anyayahan ang mga estudyante na maglista sa kalahati ng pisara ng mahihirap na sitwasyon na maaaring maranasan ng isang tinedyer. Magsusulat ka sa natitirang kalahati ng pisara kalaunan sa lesson.

Maraming tungkulin at titulo si Jesucristo. Bawat isa sa mga ito ay nagtuturo sa atin ng isang mahalagang bagay tungkol sa Kanya at sa Kanyang kakayahang tulungan tayo. Sa iyong pag-aaral ngayon, hanapin ang Kanyang mga titulo at tungkulin at pag-isipan kung paano Siya natatanging kwalipikado na tumulong sa iyo.

Ang mga salita ng Panginoon sa dalawang hari ng Juda

Habang ipinapaliwanag mo ang sumusunod na impormasyon, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kumatawan kay Haring Achas ng Juda, kay Haring Resin ng Siria, kay Haring Peka ng Israel, kay Haring Hezekias ng Juda, at sa hari ng Asiria sa harapan ng silid. Maaari kang maghanda ng mga name tag para sa bawat isa. Maaari mong sabihin sa mga estudyanteng kumakatawan kay Haring Achas at kay Haring Hezekias na basahin ang mga kaukulan nilang talata sa ibaba.

Noong panahon ni Isaias, si Haring Achas ng Juda at pagkatapos ay ang kanyang anak na si Haring Hezekias, ay kapwa naharap sa napakahirap na mga sitwasyon: nagbanta ang mga makapangyarihang bansa na sasalakayin sila. Sa dalawang sitwasyong ito, hinikayat ng Panginoon ang mga hari at ang kanilang mga tao na magtiwala sa Kanya sa halip na makipag-alyansa sa ibang mga bansa. Basahin ang mga sumusunod na talata, at maghanap ng mga pariralang nagsasaad na inaanyayahan sila ng Panginoon na magtiwala sa Kanya.

  • 2 Nephi 17:3–7. Pinagbantaan si Haring Achas nina Haring Resin ng Siria at Haring Peka ng Israel, na nagplanong sumalakay at maglagay ng bagong hari sa trono.

  • 2 Nephi 18:11–13, 17. Si Haring Hezekias ay sinalakay ng mga taga-Asiria at alam niya na hindi sapat ang lakas ng kanyang hukbo upang pigilan sila. (Ang salitang kilusan ay tumutukoy sa pagbuo ng alyansa sa iba pang mga bansa upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.)

  • Ano ang nalaman mo?

  • Bakit maaaring mahirap para sa isang hari at sa kanyang mga tao na magtiwala sa Panginoon kaysa sa makipag-alyansa sa ibang bansa?

  • Ano ang kailangan nilang malaman tungkol sa Panginoon upang magtiwala sila sa Kanya?

Habang patuloy kang nag-aaral, pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng magtiwala sa Panginoon sa mga partikular na hamon na kinakaharap mo.

Mga Titulo ng Tagapagligtas

Sa isang talatang pinag-aralan mo, ginamit ni Isaias ang isang partikular na titulo para kay Jesucristo na, kung mauunawaan, ay makatutulong sa mga haring ito at sa kanilang mga tao na magtiwala sa Kanya. Pag-aralan ang 2 Nephi 18:13 at maaari mong markahan ang titulong ito.

Maaari mong isulat ang Si Jesucristo ay … sa blangkong panig ng pisara at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pangungusap gamit ang titulong nakita nila.

Ang pagtukoy at pag-unawa sa mga titulo ng Tagapagligtas ay makatutulong sa atin na mas malaman, mahalin, at pagkatiwalaan Siya sa ating buhay. Upang matulungan kang maunawaan ang titulong “Panginoon ng mga Hukbo,” hanapin kung ano ang ibig sabihin nito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo?

  • Paano magiging natatanging kwalipikado ang Tagapagligtas sa tungkuling ito na tulungan ang mga haring ito at ang kanilang mga tao kapag pinagbabantaan sila ng ibang mga hukbo?

Mga Propesiya ni Isaias

Nagpropesiya rin si Isaias sa mga haring ito at sa kanilang mga tao tungkol sa pagsilang at paghahari ng Tagapagligtas sa milenyo. Basahin ang 2 Nephi 17:14–15; 19:2, 6–7, at hanapin ang itinuro ni Isaias tungkol kay Jesucristo, lalo na ang Kanyang mga titulo.

Kung gusto mong tumukoy ng mga karagdagang titulo ng Tagapagligtas na nakatala sa Aklat ni Mormon, maaari mong basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata: 1 Nephi 10:4–6; 12:18; 13:41; 15:14–15; 17:30; 19:12; 2 Nephi 1:10; 2:6, 10; 9:5, 46; 10:3, 14; 15:16. Mayroon ding mga titulo at reperensyang banal na kasulatan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, sa ilalim ng “Jesucristo.”

Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at dagdagan ang listahan ng mga titulo ng Tagapagligtas.

Pumili ng isang titulo ng Tagapagligtas kung saan gusto mong malaman pa ang tungkol dito. Pagkatapos ay gawin ang sumusunod:

  • Ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin sa iyo ng titulong ito. (Maaari mong hanapin ang titulo sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Kung hindi nakalista ang titulo, isiping pag-aralan ang isang pangkalahatang entry kay Jesucristo at isipin kung paano nauugnay ang titulong pinili mo sa kabuuan ng Kanyang pagkatao at misyon. Makatutulong din na hanapin ang titulo sa isang regular na diksyunaryo.)

  • Mag-isip ng kuwento o maghanap ng larawan na nagpapakita na ginagampanan ng Tagapagligtas ang tungkuling pinili mo.

  • Ipaliwanag kung ano ang itinuturo sa iyo ng titulo tungkol sa kung sino ang Tagapagligtas, ang Kanyang mga hangarin, ang Kanyang pagmamahal, at ang Kanyang kapangyarihan.

  • Ipaliwanag kung paano natatanging kwalipikado sa tungkuling ito ang Tagapagligtas na tulungan ka sa iyong buhay o kung bakit ka magtitiwala sa Kanya. (Maaaring kabilang dito ang paraan kung paano ka natulungan ng Tagapagligtas sa iyong buhay.)

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang inihanda nila tungkol sa isa sa mga titulo. Maaaring ang isang paraan ay sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara, bilugan ang titulong pinili nila, at ibahagi ang kanilang mga ideya sa harap ng klase. Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga ideya.

Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na tingnan ang dalawang panig ng pisara at gumawa ng anumang partikular na koneksyon sa pagitan ng mga problemang kinakaharap nila at ng isang titulo ng Tagapagligtas na nagpapakita ng Kanyang kakayahang tumulong.

Pagtitiwala sa Panginoon

Sa kasamaang-palad, pinili ni Haring Achas at ng marami sa mga tao ng Juda na huwag maniwala kay Isaias at hindi sila nagtiwala na poprotektahan sila ng Panginoon. Sinalakay ang kanyang mga tao, at marami ang nabihag at inalipin. (Tingnan sa 2 Mga Hari 16; 2 Cronica 28.) Si Haring Hezekias, na hindi katulad ng kanyang ama, ay piniling magtiwala sa Panginoon at sundin ang payo ni Isaias. Dahil dito, ipinagtanggol ng Panginoon ang mga tao sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang anghel upang lipulin ang sumasalakay na hukbo. (Tingnan sa 2 Mga Hari 19:15–20, 32–35.)

Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo tungkol kay Jesucristo sa lesson na ito. Sa iyong study journal, isulat kung paano mo palalakasin ang iyong pagtitiwala sa Kanya. Maaari kang maglista ng isang partikular na titulo o tungkulin Niya at kung paano mo nais na lalo pang magtiwala sa Kanya sa tungkuling iyon.