Seminary
Jacob 1: Hikayatin ang Iba na Lumapit kay Cristo


“Jacob 1: Hikayatin ang Iba na Lumapit kay Cristo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Jacob 1: Hikayatin ang Iba na Lumapit kay Cristo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Jacob 1

Hikayatin ang Iba na Lumapit kay Cristo

mga missionary na nagtuturo sa isang pamilya

Bago namatay si Nephi, ibinigay niya sa kanyang nakababatang kapatid na si Jacob ang responsibilidad na ingatan ang mga lamina at itala sa mga ito kung ano ang “pinakamahalaga” (Jacob 1:2). Ang mensahe ni Jacob ay nagtuon sa iba patungo kay Jesucristo, na tumulong sa kanila na maiwasan ang mga bunga ng kawalang-paniniwala at kasalanan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na tumuklas ng mga paraan para matulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo.

Pagtulong sa mga estudyante na aktibong makibahagi. Para sa ilang estudyante, ang pagsisikap na matuto mula sa mga banal na kasulatan ay tila hindi pamilyar at medyo mahirap. Gayunman, ang mga estudyante ay maaaring umunlad sa kanilang mga kakayahan at unti-unting mas maging responsable sa kanilang pag-aaral. Humanap ng mga pagkakataon na matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng aktibong bahagi sa klase at purihin ang kanilang mga pagsisikap at pag-unlad.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga pagkakataon na maaari silang makipag-usap sa iba tungkol kay Jesucristo. Hikayatin silang manalangin na magkaroon ng pagkakataon at lakas ng loob na kumilos sa sandaling iyon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pakikipag-usap sa isang kaibigan

Ang mga sumusunod na tanong at video ay makatutulong sa mga estudyante na talakayin kung ano ang pakiramdam ng makipag-usap sa iba tungkol kay Jesucristo. Kung ipinagawa sa mga estudyante ang paghahanda ng estudyante, sabihin sa kanila na magbahagi ng mga pagkakataon na maaari silang makipag-usap sa iba tungkol kay Jesucristo.

  • Kailan maaaring nakakatakot ang pakikipag-usap sa iba tungkol kay Jesucristo? Ano ang maaaring makatulong para madaig natin ang ating takot?

  • Sino ang isang taong kilala ninyo na magandang halimbawa ng pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa iba?

Ang isang binatilyong nagngangalang Junior ay isang magandang halimbawa ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Siya lang ang nag-iisang binatang nagsisimba sa isang maliit na branch sa Florida, USA. Nagpasya siyang kausapin ang isa sa kanyang mga kaibigan tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo at anyayahan siyang magsimba. ChurchofJesusChrist.org

4:30

Ang halimbawa ng iba ay makapagbibigay sa atin ng mga dahilan at ideya kung paano anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo. Habang nag-aaral ngayon, pag-isipan kung bakit maaari mong naising tulungan ang iba na lumapit sa Tagapagligtas at kung anong mga normal at natural na paraan ang gagamitin mo para magawa ito.

Paghikayat sa iba na lumapit kay Cristo

Bago namatay si Nephi (tingnan sa Jacob 1:12), ibinigay niya sa kanyang kapatid na si Jacob ang responsibilidad na magsulat sa maliliit na lamina na iniutos ng Panginoon na gawin niya. Ang maliliit na lamina ay nakatuon sa mga espirituwal na bagay at ang iba pang mga lamina ay nakalaan sa kasaysayan ng mga tao (Jacob 1:1–3).

Basahin ang Jacob 1:4–6, at alamin kung ano ang sinabi ni Nephi kay Jacob na isama sa mga lamina at ituro sa mga tao.

  • Ano ang ilang bagay na alam nina Nephi at Jacob? Paano nila nalaman ang mga bagay na ito?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang patotoo ni Jacob tungkol kay Jesucristo at kung paano siya nahikayat nitong kumilos.

Basahin ang Jacob 1:7–8, at alamin kung ano ang ginawa ni Jacob dahil sa kanyang naunawaan. Maaari mong markahan ang mga parirala sa iyong banal na kasulatan na nagpapakita kung ano ang naghikayat kay Jacob na kumilos. Ang mga sumusunod na paliwanag ay maaaring magbigay-linaw sa motibasyon ni Jacob.

“Isaalang-alang ang kanyang kamatayan”:Malamang na inanyayahan ni Jacob ang mga Nephita na isipin ang pagkamatay ni Jesucristo para sa kanila at pagbabayad-sala Niya para sa kanilang mga kasalanan.

“Batahin ang kanyang krus”:Ang pariralang ito ay tumutukoy sa kahandaan nating itanggi sa ating sarili ang kasamaan at mga makamundong pagnanasa at sundin ang mga kautusan ng Panginoon (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26; Lucas 9:23; 2 Nephi 9:18). Ang ibig sabihin din nito ay maipapakita natin ang ating kahandaang magtiis at magsakripisyo sa pagsunod natin sa Tagapagligtas.

  • Aling mga dahilan ang isinulat ni Jacob na makahihikayat sa iyo? Ano pang ibang mga dahilan ang naiisip mo sa pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo?

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung anong mga parirala sa mga talata ang kailangan nila ng tulong para maunawaan ito. Sabihin sa mga estudyante na tulungan ang isa’t isa.

Maaari mong ibigay ang mga paliwanag na matatagpuan sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” kung kinakailangan.

  • Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jacob sa mga talatang ito?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa halimbawa ni Jacob ay ang nalalaman natin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kaharian ay makahihikayat sa atin na masigasig na kumilos upang tulungan ang iba na lumapit sa Kanya.

Maaaring makatulong sa mga estudyante na marinig ang ilan sa kanilang mga kaklase na magbahagi ng kanilang mga sagot sa sumusunod na pahayag.

Pagnilayan ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at pag-isipan kung anong mga katotohanan ang nais mong malaman ng iba tungkol sa Kanya.

Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod bilang aktibidad ng grupo, kung saan maaari silang mag-isip ng mga sitwasyon na matutulungan nila ang isang tao na lumapit kay Cristo.

Pag-isipan sandali kung ano ang maaari mong gawin upang masigasig na kumilos upang mahikayat ang iba na lumapit kay Cristo. Isulat ang mga sitwasyon kung saan maaari kang magkaroon ng mga pagkakataong gawin ito. Sa tabi ng bawat sitwasyon, isulat kung paano mo matutulungan ang iba sa sitwasyong iyon na makilala at mahalin si Jesucristo. Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na halimbawa at maaari kang magdagdag ng iba pa:

  1. Sa tahanan

  2. Sa isang kaibigan

  3. Sa social media

  4. Sa iyong tungkulin o sa pamamagitan ng ministering

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa talakayan sa klase tungkol sa kung paano makatutulong sa kanila ang mga tungkuling mayroon sila o maaaring hilingin na gampanan nila upang mailapit ang iba kay Cristo. Maaari silang magtanong tungkol sa ministering o magbahagi ng payo tungkol sa paglilingkod sa Simbahan ng Panginoon.

Maaari kang magbahagi ng karanasan sa pagtulong mo sa isang tao na lumapit kay Cristo.

Maaari ka ring magpalabas ng isang video bilang halimbawa. Pumili mula sa isa sa mga sumusunod na video o iba pa na available sa iyo.

54:6

Brodkast ng 2021: Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya” (54:06) mula sa time code na 0:00 hanggang 1:35

5:11

6:8

Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas” (6:08)

Habang nag-iisip ka ng mga paraan upang matulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo, maaari kang kumuha ng lakas ng loob mula sa mga pangako at payo sa mga banal na kasulatan.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 15:6; 18:15–16 upang matuklasan kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga tumutulong sa iba na lumapit sa Kanya.

Basahin ang Alma 31:34–35 upang matuto mula sa halimbawa ni Alma sa pagnanais niya na tumulong na ilapit ang mga Zoramita kay Cristo.

  • Kailan mo natulungan ang ibang tao na malaman ang tungkol kay Jesucristo?

  • Sino ang isang tao na gusto mong anyayahang lumapit kay Cristo? Ano ang magagawa mo upang maanyayahan siya? Paano ka makakaasa sa Tagapagligtas na tulungan ka?