Seminary
Jacob 2:1–21: “Huwag Hayaang Wasakin ng [Kapalaluang Ito] ang Inyong mga Kaluluwa”


“Jacob 2:1–21: ‘Huwag Hayaang Wasakin ng [Kapalaluang Ito] ang Inyong mga Kaluluwa,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Jacob 2:1–21,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Jacob 2:1–21

“Huwag Hayaang Wasakin ng [Kapalaluang Ito] ang Inyong mga Kaluluwa”

Si Jacob na nagtuturo sa templo

Alam ng propetang si Jacob sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos na nahihirapan ang mga Nephita sa ilang kasalanan. Nangaral siya sa templo upang talakayin ang mga kasalanang ito, kasama ang kasalanan na kapalaluan. Lahat tayo ay nahihirapan sa kapalaluan kung minsan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng paghiwatig at pagdaig sa kasalanan na kapalaluan.

Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng pagtuklas. Magtanong ng mga bagay na makatutulong sa mga mag-aaral na tuklasin ang mga katotohanan ng ebanghelyo nang mag-isa. Ang mga tanong ay makahihikayat sa mga estudyante sa proseso ng pag-unawa sa mga banal na kasulatan at makatutulong sa kanila na matukoy at maunawaan ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na dumating na handang magbahagi ng mga halimbawa kung paano nila nakikita ang kapalaluan sa mundo ngayon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kapalaluan

Ipakita ang mga sumusunod na sitwasyon at sabihin sa mga estudyante na maghanap ng katibayan ng kapalaluan.

  • Umaasa si Koji na magkakamali ang isang kagrupo sa isang laro upang magkaroon siya ng mas maraming oras sa paglalaro.

  • Pinalabis ni Silvia ang kanyang mga tagumpay upang magmukha siyang maging mas magaling o mas mahalaga sa iba.

  • Hindi nagpapasalamat si Jens at hindi kinikilala ang kabutihang ginagawa ng iba.

  • Kinukutya ni Amy ang iba at pinagtatawanan niya sila kapag wala sila.

  • Anong katibayan ng kapalaluan ang nakita mo?

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Ang kapalaluan ay isang kasalanang madaling makita sa iba ngunit bihirang aminin sa ating sarili. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 275)

Ngayon, isipin ang Tagapagligtas. Sa kabila ng marami Niyang tagumpay at kakayahan, lagi Siyang maamo at mapagpakumbaba (tingnan sa Mateo 11:29). Sa iyong pag-aaral, isipin ang mga paraan na maaaring makita sa iyong buhay ang kapalaluan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagdaig sa kasalanan na kapalaluan.

“Huwag hayaang wasakin ng [Kapalaluang ito] ang inyong mga kaluluwa”

Tinulungan ng Panginoon ang propetang si Jacob na malaman ang mga iniisip ng mga tao at inutusan siyang magpunta sa templo at magpatotoo laban sa kanilang mga kasalanan, kasama na ang kasalanan na kapalaluan (tingnan sa Jacob 2:1–13).

Maaari mong ipakumpleto sa klase ang sumusunod na aktibidad sa pisara at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ito sa kanilang study journal.

Sa iyong study journal, gumuhit ng linya sa gitna ng pahina nito. Sa itaas ng kaliwang bahagi ng pahina, isulat ang “Mga pagpapakita ng kapalaluan.” Sa itaas ng kanang bahagi, isulat ang “Mga paraan na maaari tayong maging katulad ng Tagapagligtas at mapaglabanan ang kapalaluan.”

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip at maglista ng mga pagpapakita ng kapalaluan na nakita nila sa mga sumusunod na talata sa kaliwang bahagi ng pisara.

Basahin ang Jacob 2:12–16, at maghanap ng mga pagpapakita ng kapalaluan. Idagdag ang mga ito sa kaliwang bahagi ng iyong journal entry. Maaari mo ring panoorin ang “Nagturo si Jacob tungkol sa Kapalaluan,” na nasa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:23 hanggang 4:39.

5:57

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan na nakasulat sa mga bold letter at gamitin ang mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na maipahayag kung paano makaiimpluwensya sa atin ngayon ang kapalaluan.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talatang ito ay winawasak ng kapalaluan ang ating mga kaluluwa (Jacob 2:16).

  • Sa iyong palagay, paano winawasak ng kapalaluan ang ating mga kaluluwa?

  • Sa iyong palagay, paano naaangkop pa rin ngayon ang babala ni Jacob?

Nagbahagi si Elder Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, at si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ng mga karagdagang paraan kung paano naipapakita ang kapalaluan sa ating buhay. Magdagdag ng mga ideya mula sa kanilang mga salita sa kaliwang bahagi ng iyong journal entry.

Ipakita ang mga sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga ideya mula sa mga pahayag at idagdag ang mga ito sa kaliwang bahagi ng pisara.

18:14

Ang matinding kaaway ng pag-ibig sa kapwa ay pagmamalaki. Ang pagmamalaki ay isa sa pinakamalalaking dahilan kaya nagkakaproblema ang mga mag-asawa at pamilya. Ang pagmamalaki ay mayayamutin, malupit, at mainggitin. Ang pagmamalaki ay pinalalabis ang sarili nitong lakas at hindi pinapansin ang magagandang katangian ng iba. Ang pagmamalaki ay sakim at madaling magalit. Ang pagmamalaki ay ipinalalagay na may masamang layon ang iba kahit wala at nagkukunwari para itago ang sarili nitong mga tusong katwiran. Ang pagmamalaki ay mapangutya, negatibo, magagalitin, at walang pasensya. Tunay ngang kung ang pag-ibig sa kapwa ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang pagmamalaki kung gayon ay pangunahing katangian ni Satanas. (Dieter F. Uchtdorf, “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Liahona, Mayo 2016, 80)

Itinuturing ng karamihan sa atin ang kapalaluan na pagkakasala ng mga taong angat sa buhay, tulad ng mayayaman at nakapag-aral, na humahamak sa atin. (Tingnan sa 2 Ne. 9:42.) Gayunman, may isang mas karaniwang problema sa atin—at iyon ay ang kapalaluan mula sa ibaba na nakatingin sa itaas. Nakikita ito sa napakaraming paraan, tulad ng paghahanap ng mali, pagtsitsismis, paninirang-puri, pagbubulung-bulong, pamumuhay nang higit pa sa ating kinikita, inggit, pag-iimbot, hindi pasasalamat at pagbibigay ng papuri na maaaring magpasigla sa iba, at hindi pagpapatawad at pagseselos. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 275)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang paghahanda nila para sa klase habang tinatalakay nila ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang mga karagdagang paraan kung paano ninyo nakikita ang kapalaluan sa ating mundo ngayon?

  • Paano naging kabaligtaran ng pagkatao ni Jesucristo ang kapalaluan?

Ipakita ang sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na tapat na pag-isipan kung paano maaaring makita ang kapalaluan sa kanilang buhay.

Tumigil sandali at pagnilayan ang sarili mong mga iniisip at ikinikilos. Sa anong mga paraan ka nahihirapan kung minsan sa kasalanan na kapalaluan? Paano nakakaapekto ang mga nakikitang kapalaluang ito sa iyong mga pakikipag-ugnayan at kaligayahan? Ano kaya ang gusto mong baguhin? Bakit?

Pagdaig sa Kapalaluan

Itinuro ni Jacob kung paano tayo magkakaroon ng pag-asa kay Cristo at kung paano natin mapaglalabanan ang kasalanan na kapalaluan.

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang sumusunod, sabihin sa kanila na lumapit at isulat ang nalaman nila sa kanang bahagi ng pisara.

Basahin ang Jacob 2:17–21, at alamin ang mga paraan kung paano mo maiiwasan ang kasalanan na kapalaluan. Idagdag ang mga ito sa kanang bahagi ng iyong journal entry. Maaari mo ring panoorin ang “Nagturo si Jacob tungkol sa Kapalaluan,” na nasa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 4:40 hanggang 5:44.

5:57

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa payo ni Jacob na mapaglabanan ang kapalaluan at magkaroon ng pag-asa kay Cristo?

  • Sino ang kilala mo na magandang halimbawa ng pagdaig sa kapalaluan sa mga paraang inilarawan sa mga talatang ito? Ano ang ginagawa niya?

  • Anong mga katangian ni Cristo ang maaari nating pagtuunan at taglayin na tutulong sa atin na maiwasan ang kapalaluan? Bakit o paano makatutulong ang mga katangiang iyon?

Ipakita ang sumusunod na paanyaya.

Pag-isipan ang sarili mong pangangailangang matukoy at mapaglabanan ang kapalaluan sa iyong buhay. Isipin ang mga partikular na sitwasyon o ugnayan kung saan ka nagpapakita ng kapalaluan. Sikaping matukoy kung paano maaaring makaapekto ang kapalaluan sa iyong mga pakikipag-ugnayan. Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagdaig sa kapalaluan habang ginagawa mo ang sumusunod:

  1. Pumili ng isang pagpapakita ng kapalaluan mula sa kaliwang bahagi ng iyong journal entry na nahikayat kang pagtuunang madaig sa oras na ito.

  2. Mula sa kanang bahagi ng iyong journal entry, pumili ng isang paraan kung paano mo mapaglalabanan ang pagpapakita ng kapalaluan. Isipin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo at isulat ang mga partikular na bagay na magagawa mo.

Maaari kang magbahagi ng patotoo tungkol sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayong madaig ang kapalaluan at maging higit na katulad Niya.