Seminary
Doctrinal Mastery: 2 Nephi 32:8–9—“Kinakailangan Kayong Laging Manalangin”


“Doctrinal Mastery: 2 Nephi 32:8–9—‘Kinakailangan Kayong Laging Manalangin,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: 2 Nephi 32:8–9,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: 2 Nephi 32:8–9

“Kinakailangan Kayong Laging Manalangin”

mga kabataang nagdarasal

Sa isang nakaraang lesson, ang “2 Nephi 32:8–9,” natutuhan mo na kung lagi tayong mananalangin, ilalaan ng Ama sa Langit ang ating pagganap para sa kapakanan ng ating mga kaluluwa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala sa banal na kasulatan para sa 2 Nephi 32:8–9, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga makatotohanang sitwasyon.

Paghikayat sa mga estudyante na manalangin. Hikayatin ang mga estudyante na araw-araw na manalangin upang magpahayag ng taos-pusong pasasalamat at humingi ng tulong sa oras ng pangangailangan (tingnan sa 3 Nephi 18:19). Mas makikilala ng mga estudyante ang Ama sa Langit at si Jesucristo habang nauunawaan at ipinapamuhay nila ang mga alituntunin ng panalangin.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang isang pagkakataon sa kanilang buhay o sa buhay ng isang taong kilala nila kung kailan ang taimtim na panalangin ay nakatulong sa kanila na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ituturo pagkatapos ng lesson na “2 Nephi 32:8–9,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na 2 Nephi 32:8–9. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Ipaliwanag at isaulo

Tulungan ang mga estudyante na maisaulo ang reference at mahalagang parirala sa banal na kasulatan para sa 2 Nephi 32:8–9. Hikayatin ang iyong mga estudyante na isaulo ang lahat ng doctrinal mastery passage hangga‘t kaya nila ngunit huwag mo silang atasan. Ang doctrinal mastery app ay makatutulong sa kanila sa pagsasaulo.

Pagbalik-aralan ang doctrinal mastery scripture reference na “2 Nephi 32:8–9” at ang mahalagang parirala sa banal na kasulatan na “Kinakailangan kayong laging manalangin.” Gumawa ng maikling kuwento upang maiugnay ang bawat isa sa mga numero sa scripture reference sa mahalagang parirala—halimbawa, “Nanalangin si Addi nang 32 oras sa isang araw.” Ayos lang kung hindi makatuwiran ang mabubuo mo. Ang punto ay tulungan kang iugnay ang reference sa mahalagang parirala sa banal na kasulatan.

Tulungan ang mga estudyante na ipaliwanag ang doktrinang itinuro sa 2 Nephi 32:8–9. Tiyaking bigyan ang bawat estudyante ng pagkakataong sanaying ipaliwanag ang doktrina. Kung magpapares-pares ang mga estudyante, bawat estudyante ay makakapagsanay nang hindi masyadong kumakain ng maraming oras sa klase ang aktibidad. Maaari mong gamitin ang sumusunod na sitwasyon at mga tagubilin o maaari kang gumamit ng sitwasyong naiakma o nagawa mo.

Isipin kunwari na kausap mo ang isang kaibigan na hindi nadarama na karapat-dapat siyang manalangin. Gumamit ng mga parirala mula sa 2 Nephi 32:8–9 upang matulungan siyang maunawaan kung bakit kailangan nating laging manalangin. Isama sa iyong paliwanag kung ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng laging manalangin.

Pagsasanay ng pagsasabuhay

Ipakita o sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang alituntunin at isulat ang lahat ng maaalala nila tungkol dito sa loob ng isang minuto. Upang malaman kung ano pa ang maidaragdag nila, maaari nilang ikumpara ang isinulat nila sa isa pang estudyante na nagbalik-aral ng parehong alituntunin, o maaari nila itong ikumpara sa talata 5–12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022).

Kapag tapos nang pagbalik-aralan ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga alalahanin o tanong ng mga tao tungkol sa pagdarasal sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay papiliin ng isa ang bawat isa sa kanila at sanaying gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang makapaghanda ng sagot sa problema. Kung kinakailangan, maaari mong isama ang mga tanong na lalabas kalaunan sa lesson upang magabayan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

Maaari mo ring gamitin ang isa sa mga sumusunod upang matulungang magsanay ang mga estudyante.

  1. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga hamon na nakalista sa pisara at gumawa ng sitwasyon ng isang kabataan na may ganitong hamon. Maaaring bigyan ng pangalan ng mga estudyante ang taong ito, maaari nila siyang bigyan ng dahilan kung bakit hindi siya nagdarasal, at maaari silang magdagdag ng iba pang kaugnay na detalye.

  2. Ibahagi ang sumusunod na sitwasyon at anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang tumugon: Isang kaibigan ang nagpadala sa iyo ng mensaheng nagsasabing, “Habang nakikinig ako sa isang mensahe sa simbahan, naisip ko na sa halip na tulungan akong makipag-ugnayan sa Ama sa Langit, ang aking mga dalangin ay naging nakasanayan. Pakiramdam ko, hindi na ako nakakatanggap ng mga sagot sa aking mga dalangin. Nag-aalala na ako sa nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa akin. Gusto kong maibalik ang koneksyong iyon. Umaasa ako na makakapag-usap kami balang-araw at baka matulungan mo akong malaman kung ano ang dapat gawin.”

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Anong mga source na itinalaga ng Diyos ang gagamitin mo upang tumugon?

Gumamit ng source na itinalaga ng Diyos upang matulungan kang maghanda ng sagot. Maaari kang magpadala ng mensahe sa isang magulang o lider ng Simbahan na humihingi ng tulong sa mga posibleng sagot. Maaari mo ring saliksikin ang mga banal na kasulatan o mga materyal sa ChurchofJesusChrist.org. Para sa ilang alalahanin, ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young (1801–1877) ay maaaring makatulong:

Hindi mahalaga kung nais ninyo o nais kong manalangin, kapag dumating ang oras ng pananalangin, manalangin kayo. Kung hindi natin nais na manalangin, dapat tayong manalangin hanggang sa naisin natin ito. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 45)

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nauugnay sa tanong o alalahaning ito?

  • Anong mga walang-hanggang katotohanan mula sa 2 Nephi 32:8–9 ang makatutulong sa isang tao sa tanong o alalahaning ito?

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang imumungkahi mong dapat gawin ng taong ito upang makakilos siya nang may pananampalataya kay Jesucristo? Bakit?

  • Ano ang aanyayahan mong alalahanin ng taong ito na makatutulong sa kanya na kumilos nang may pananampalataya?

Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung paano nakatulong sa kanilang pagtugon ang paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Hikayatin silang gamitin ang mga alituntuning ito sa hinaharap kapag may mga tanong o alalahanin sila o ang iba.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa isang susunod na lesson, gumugol ng hindi hihigit sa limang minuto sa pag-aaral ng reference at mahalagang parirala sa banal na kasulatan na “2 Nephi 32:8–9; ‘Kinakailangan kayong laging manalangin.’” Isang paraan upang magbalik-aral ay magpakita ng larawan ng isang taong nagdarasal at sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang scripture reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan habang tinitingnan nila ang larawan.