Seminary
Jacob 7: Hindi Natitinag na Pananampalataya kay Jesucristo


“Jacob 7: Hindi Natitinag na Pananampalataya kay Jesucristo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Jacob 7,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Jacob 7

Hindi Natitinag na Pananampalataya kay Jesucristo

palitan

Kung nadarama mo na may ilang tao ngayon na sadyang nagtatangkang pahinain ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, tama ka. Hindi na ito bago. Sa mga Nephita, isang lalaking nagngangalang Serem ang “masigasig [na] gumawa upang kanyang matangay palayo ang mga puso ng tao” (Jacob 7:3). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maghandang daigin ang mga hamon sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Pagtulong sa mga estudyante na maunawaan ang nilalaman ng mga banal na kasulatan. Ang nilalaman ng mga banal na kasulatan ay ang mga kuwento, tao, pangyayari, sermon, at paliwanag. Ang pag-unawa sa mga elementong ito ay makatutulong sa mga estudyante na makaugnay sa mga indibiduwal sa mga banal na kasulatan at mapasigla ng mga inspiradong nakatalang sermon.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na dumating sa klase na handang magbahagi ng halimbawa ng isang taong hindi natinag ang pananampalataya nang sinubok sila ng iba.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paghahanda para sa mga hamon sa hinaharap

Bago ibahagi ang sumusunod na pahayag, maaari mong itanong, “Sa scale na isa hanggang sampu, sa inyong palagay, gaano kahirap na maging magiting na disipulo ni Jesucristo ngayon?” Maaari mong sabihin sa mga estudyante na itaas ang bilang ng mga daliri na kumakatawan sa kanilang sagot at pagkatapos ay sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi kung bakit gayon ang tugon nila.

Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa isang mahirap na hamong kakaharapin natin:

Darating ang mga araw ng paghihirap. Bihirang maging madali o popular sa hinaharap ang pagiging matapat na Banal sa mga Huling Araw. Bawat isa sa atin ay susubukan. Nagbabala si Apostol Pablo na sa mga huling araw, ang mga taong masigasig sumunod sa Panginoon “ay mangagbabata ng paguusig” [II Kay Timoteo 3:12]. Maaari kayong durugin ng pag-uusig na iyon hanggang sa manghina kayo o ganyakin kayong maging mas mabuting halimbawa at matapang sa araw-araw ninyong buhay. (Russell M. Nelson, “Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2011, 35–36)

  • Ibinigay ni Pangulong Nelson ang mensaheng ito noong 2011. Sa paanong mga paraan mo naranasan o nakita ang inilarawan niya?

  • Bakit maaaring hindi gaanong popular sa hinaharap na manatiling tapat sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo? Sa iyong palagay, bakit sulit pa rin ito?

  • Sa iyong palagay, bakit sasabihin sa atin ng Panginoon ang mga paghihirap na ito nang maaga?

Pag-isipan sandali ang kasalukuyang lakas ng iyong patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo at kung gaano ka kahanda na manatiling tapat sa Kanya sa mahihirap na araw na darating. Sa pag-aaral mo ng Jacob 7, alamin kung paano inihanda ni Jacob ang kanyang sarili na manatiling tapat nang tangkain ng isang masamang lalaki na nagngangalang Serem na pahinain ang kanyang pananampalataya.

Nangaral si Serem laban kay Cristo

Basahin ang Jacob 7:1–7, o panoorin ang video na “Itinatwa ni Serem si Cristo” mula sa time code na 0:33 hanggang 2:21. Ang video na ito ay nasa ChurchofJesusChrist.org. Alamin ang itinuro ni Serem para mapahina ang pananampalataya ng mga Nephita kay Cristo.

7:33
  • Ano ang itinuro ni Serem upang mapahina ang pananampalataya ng mga Nephita?

  • Ano ang ilang paraan kung paano maaaring subukin ng mga tao ang pananampalataya ng mga disipulo ni Cristo ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod:

Isipin kung may nakita kang sinuman sa paligid mo na nagsimulang mag-alinlangan sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo dahil sa impluwensya ng iba. Napansin mo ba na may sumusubok sa iyong pananampalataya sa Kanya?

Ang pananampalataya ni Jacob ay hindi matitinag

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na talata sa isang maliit na grupo. Pagkatapos ay sabihin sa bawat grupo na isulat sa pisara ang natutuhan nila mula sa halimbawa ni Jacob. Ito ang ilang katotohanan na maaaring mahanap ng mga estudyante: matutulungan tayo ng Espiritu na malaman kung ano ang gagawin at sasabihin kapag sinusubok ang ating pananampalataya, at makakaasa tayo sa mga turo ng mga propeta na palalakasin ang ating pananampalataya kay Cristo.

Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong ipaalala sa kanila na ang pag-aaral ng mga doctrinal mastery passage at mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ay makapaghahanda sa kanila na mapaglabanan ang mga hamon sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Basahin ang Jacob 7:5, 8–12, at alamin kung ano ang nakatulong kay Jacob na tanggihan ang mga turo ni Serem.

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa talata 5 ay mapaglalabanan natin ang mga hamon sa ating pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-alaala sa mga nakaraang espirituwal na karanasan na nagpalakas sa ating pananampalataya.

  • Anong mga partikular na bagay ang naalala ni Jacob sa paghaharap na ito na nakatulong sa kanya?

  • Bakit ang pag-alaala sa ating mga espirituwal na karanasan noon ay nagpapalakas sa atin kapag nahaharap tayo sa mga hamon sa ating pananampalataya?

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Kasama ng mapayapang patnubay na natatanggap natin mula sa Espiritu Santo, paminsan-minsan, makapangyarihan at napakapersonal na tinitiyak ng Diyos sa ating lahat na kilala at mahal Niya tayo at na pinagpapala Niya tayo nang personal at hayagan. Sa gayon, sa mga sandali ng ating paghihirap, ipinaaalala ng Tagapagligtas ang mga karanasang ito sa ating isipan. …

Masayang alalahanin ang inyong mga sagradong alaala. Paniwalaan ang mga ito. Isulat ang mga ito. … Ipinapangako ko sa inyo na kapag malugod ninyong kinilala at maingat na pinahalagahan ang mga pangyayari na espirituwal na nagpapatibay sa inyong buhay, mas marami pang darating sa inyo. Kilala at mahal kayo ng Ama sa Langit! (Neil L. Andersen, “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay,” Liahona, Mayo 2020, 19, 21–22)

Kung gagamitin mo ang sumusunod na ideya, bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mapag-isipan, maipagdasal, at maisulat ang kanilang mga nadarama at karanasan. Pagkatapos ay mag-anyaya ng mga boluntaryo na magbahagi ng mga karanasan na hindi masyadong sagrado. Maaari kang magbahagi ng personal na halimbawa na hindi masyadong sagrado o kakaiba upang maintindihan ng mga estudyante ang iyong karanasan.

Mag-ukol ng panahon na alalahanin ang ipinadama at ibinigay na karanasan sa iyo ng Diyos upang matiyak sa iyo na kilala at mahal ka Niya. Isulat ang ilan sa mga ito sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan. Kung kailangan mo ng tulong sa pag-alaala sa gayong mga karanasan, manalangin at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang makilala o maalala ang ilan sa hinaharap. Gagawin Niya ito sa Kanyang sariling panahon at paraan.

Maaari mong panoorin ang video na “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay” mula sa time code na 13:40 hanggang 14:46. Alamin kung paano ipinapakita ng paglalarawan ni Elder Andersen na ang ating mga espirituwal na alaala ay maaaring magbigay-liwanag sa daan para sa atin at sa iba sa panahon ng pagsubok. Ang video na ito ay nasa ChurchofJesusChrist.org.

2:3

Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na mungkahi at bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto upang i-text o i-email ang isang mahal sa buhay. Maaaring makatulong na ipaalala sa kanila na ang ilang sagradong karanasan ay dapat panatilihing personal.

Isipin kung sino sa mga kilala mo ang mapapalakas kapag narinig niya ang isa sa iyong mga karanasan. Isiping maghanap ng paraan upang maibahagi ito sa kanya.

Isipin din ang mga mahal sa buhay at mga lider ng Simbahan na ang pananampalataya at mga karanasan ay maaaring magpalakas sa sarili mong mga karanasan. Magpatulong ka sa kanila.

Isang palatandaan mula sa Diyos

Basahin ang Jacob 7:13–23, o panoorin ang video na “Itinatwa ni Serem si Cristo” mula sa time code na 2:22 hanggang 7:16, upang malaman kung ano ang nangyari kay Serem.

7:33

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang mga ito. Pagkatapos ay mag-anyaya ng mga boluntaryo na magbabahagi ng kanilang mga sagot.

  • Sa iyong palagay, bakit itinala ni Jacob ang salaysay na ito para sa mga tao sa ating panahon?

  • Sa iyong palagay, paano nais ng Ama sa Langit na ipamuhay mo ang natutuhan mo ngayon sa isang sitwasyong kinakaharap mo?