Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 3: 2 Nephi 26–Jacob 7


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 3: 2 Nephi 26–Jacob 7,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 3,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

I-assess ang Iyong Pagkatuto 3

2 Nephi 26Jacob 7

dalagitang nagsusulat sa notebook

Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang makita kung paano ka humusay o nagbago sa iyong pag-aaral ng 2 Nephi 26Jacob 7.

Paghikayat sa mga estudyante na matuto. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang kanilang kalayaang pumili na makibahagi sa karanasan sa pag-aaral. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang isang nag-aaral na ginagamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pagkilos [nang] naaayon sa mga tamang alituntunin ay binubuksan ang kanyang puso para sa Espiritu Santo at inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihan na magturo at magpatotoo, at nagpapatunay na pagsaksi” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 20).

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano sila umunlad sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-aaral nila ng Aklat ni Mormon nitong huling apat na linggo. Maaari mo silang anyayahang rebyuhin ang kanilang study journal at tukuyin ang mga partikular na turo na ipinamuhay nila o mga talata na partikular na makabuluhan sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bumuti nang Unti-unti Bawat Araw

Maaari mong simulan ang lesson na ito sa isang talakayan tungkol sa mga layunin at kahalagahan ng self-assessment. Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga partikular na turo mula sa Aklat ni Mormon na ginamit nila sa kanilang buhay o mga talata mula sa Aklat ni Mormon na partikular na makabuluhan sa kanila.

Itinuro ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901), ikalimang Pangulo ng Simbahan:

Huwag asahang maging perpekto kaagad. Kung ganito ang iisipin ninyo, panghihinaan kayo ng loob. Maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti bukas kaysa ngayon. Huwag nating hayaang daigin pa tayo bukas ng mga tuksong marahil ay dumaraig sa atin ngayon. Kaya’t patuloy na bumuti nang unti-unti bawat araw; at huwag hayaang lumipas ang buhay nang wala tayong nagagawang kabutihan sa iba gayundin sa ating sarili. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow [2012], 116)

  • Paano mo malalaman kung mas mabuti ka ngayon kaysa kahapon?

  • Paano ka matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa iyong mga pagsisikap na maging mas mabuti bukas kaysa ngayon?

Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang isipin ang iyong pag-unlad bilang disipulo ni Jesucristo, kabilang na ang kakayahan mong ipaliwanag ang doktrinang natututuhan mo sa mga banal na kasulatan. Mag-isip ng mga paraan kung paano nakatulong sa iyo ang pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon na umunlad bilang disipulo ni Cristo. Sa iyong pag-aaral ngayon, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang maunawaan kung paano nakakaimpluwensya ang pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon sa kakayahan mong ipamuhay at ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang pag-aaral ng iyong klase ng 2 Nephi 26 hanggang Jacob 7 ay maaaring nakapagbigay-diin sa iba’t ibang katotohanan kaysa sa mga katotohanang makikita sa mga sumusunod na aktibidad. Huwag mag-atubiling piliin kung aling mga aktibidad ang pinakamainam na tutugon sa mga pangangailangan ng iyong klase o iakma ang mga aktibidad upang maisama ang mga katotohanang natukoy ng iyong mga estudyante.

Ang layunin ng mga aktibidad A at B ay bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang doktrinang itinuro sa mga nakaraang lesson. Maaaring kailangang isa lang sa mga ito ang gawin upang magkaroon ng oras para sa aktibidad C o D.

Aktibidad A: Ipaliwanag ang doktrina ni Jesucristo

Ang sumusunod na aktibidad ay mangangailangan ng pagrerebyu ng mga estudyante ng ilang talata sa banal na kasulatan. Maging sensitibo sa mga estudyante na maaaring nahihirapang basahin o maunawaan ang mga banal na kasulatan. Maaari mong pagpartnerin o igrupo ang mga estudyante, at tulungan silang matukoy ang mga alituntunin at ordenansa ng doktrina ni Cristo. Kabilang dito ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.

Itinuro ni Nephi kung ano ang kinakailangan nating gawin upang matanggap ang buhay na walang hanggan. Ang mga alituntunin at ordenansang ito ay tinatawag na doktrina ni Cristo (tingnan sa 2 Nephi 31:2, 21). Ang doktrina ni Cristo “ang daan; at walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 31:21). Rebyuhin ang 2 Nephi 31:10–12, 17, 20–21, at hanapin ang mga alituntunin at ordenansa na bahagi ng doktrina ni Cristo.

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang grupo o isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Paano mo maipaliliwanag ang doktrina ni Cristo sa isang tao gamit ang itinala ni Nephi sa 2 Nephi 31?

  • Paano tayo tinutulungan ng doktrina ni Cristo na magtiwala sa Kanya para sa ating kaligtasan?

  • Paano ka pinagpapala sa pagsunod sa doktrina ni Cristo?

Aktibidad B: Ipaliwanag ang papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo

Maaari mong isadula ang sumusunod na sitwasyon, kung saan gaganap ka bilang stake president at tutugon ang mga estudyante bilang si Luca. Kung gagawin mo ito, magbigay ng mga follow-up na tanong na makatutulong sa mga estudyante na magpatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon bilang kasama at saksi sa katotohanan ng Biblia (tingnan sa 1 Nephi 13:40–42; 2 Nephi 3:11–12), isang palatandaan ng Pagpapanumbalik (tingnan sa 2 Nephi 27; 29:1–10), at “ang saligang bato ng ating relihiyon” (pambungad sa Aklat ni Mormon).

Isipin ang sumusunod na sitwasyon:

Naghahanda si Luca na maging full-time missionary. Ipinadala ng kanyang stake president ang sumusunod na mensahe isang linggo bago sila nagkita para sa interbyu:

“Luca, natutuwa akong makausap ka. Bilang paghahanda para sa ating pagkikita, maaari ka bang maghandang gamitin ang Aklat ni Mormon sa pagsagot sa tanong na ito: Ano ang papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo? (tingnan sa 2 Nephi 3:11–12; 2 Nephi 27:25–26; 2 Nephi 29:7–11).”

  • Ano ang maibabahagi ni Luca mula sa Aklat ni Mormon tungkol sa papel na ginagampanan nito sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Aktibidad C: Daigin ang diyablo nang may pananampalataya kay Jesucristo

Kung hindi inanyayahan ang mga estudyante na gumawa ng plano bilang bahagi ng lesson na “2 Nephi 28:1–26,” kailangang iangkop nang naaayon ang segment na ito. Halimbawa, maaari mong tulungan ang mga estudyante na gumawa ng plano o talakayin ang mga istratehiyang hahadlang sa mga pagtatangka ni Satanas.

Sa 2 Nephi 28:20–22, itinuro ni Nephi ang tungkol sa mga istratehiyang gagamitin ni Satanas upang ilayo ang mga tao sa Diyos sa mga huling araw. Kabilang dito ang pagpukaw sa mga tao na magalit sa yaong mabuti, pagpapayapa sa mga tao at dahan-dahan pag-aakay sa kanila tungo sa mahalay na katiwasayan, at pagsasabi sa mga tao na walang impiyerno at walang diyablo. Bilang bahagi ng iyong pag-aaral ng lesson na “2 Nephi 28:1–26,” maaaring gumawa ka ng plano upang mas maprotektahan ang iyong sarili laban sa mga taktika ni Satanas. Balikan ang isinulat mo sa iyong study journal mula sa lesson na iyon.

  • Gaano kaepektibo ang pagpapatupad mo ng iyong plano? Bakit?

  • Sa paanong mga paraan nakatulong sa iyo ang iyong plano na matanggap ang proteksyon ng Tagapagligtas laban sa mga taktika ni Satanas?

  • Ano ang natutuhan o naranasan mo na makatutulong sa iyo na makadagdag sa iyong plano?

Mag-isip ng mga paraan upang muling mong magawa ang iyong plano. Tiyaking umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang mabalaan ka sa panganib at bigyan ka ng lakas na makatakas o madaig ang mga tukso at pagtatangka ni Satanas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:5).

Aktibidad D: Makibahagi sa pagtitipon ng Israel

Kapwa nalugod nang labis sina Nephi at Jacob sa pagtitipon ng Israel. Ang isang dahilan marahil ay dahil ipinakita ng Panginoon kay Nephi kung ano ang mangyayari sa kanilang mga inapo (tingnan sa 1 Nephi 12–13).

Maaaring inanyayahan kang makibahagi sa pagtitipon ng Israel bilang bahagi ng iyong pag-aaral ng 1 Nephi 19–22; 2 Nephi 6; o Jacob 5:52–77; 6:1–13. Kung gayon, balikan ang anumang mga pangako o plano na ginawa mo o ang iyong pag-uugali at kahandaang makibahagi sa gawain.

  • Ano ang natutuhan mo sa pag-aaral mo tungkol sa pagtitipon ng Israel na sa palagay mo ay nakahihimok o kapaki-pakinabang?

  • Ano ang mga ginawa mo na hindi mo pa nasubukan noon? Nagtagumpay ka ba? Bakit oo o bakit hindi?

  • Paano mo nadama na ginagabayan o pinalalakas ka ng Tagapagligtas habang ginagawa mo ang Kanyang gawain?

  • Anong mga pagpapala ang nakita mo sa pakikibahagi sa gawaing ito?