Seminary
Doctrinal Mastery: Mosias 3:19—“Hubarin ang Likas na Tao at Maging Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”


“Doctrinal Mastery: Mosias 3:19—‘Hubarin ang Likas na Tao at Maging Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: Mosias 3:19,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: Mosias 3:19

“Hubarin ang Likas na Tao at Maging Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

mga kabataang magkayakap

Sa iyong pag-aaral ng Mosias 3:19, natutuhan mo kung paano daigin ang likas na tao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 3:19. Makatutulong din ito sa iyo na maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa passage na ito at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.

Maghikayat ng espirituwal na pag-aaral sa pamamagitan ng pagsisikap. Ang pag-aaral ng ebanghelyo na nagpapabalik-loob at tumutulong upang tumimo nang malalim ang ebanghelyo sa mga puso ng mga estudyante ay hindi lang nangangailangan ng masigasig na pagsisikap ng titser. Ang espirituwal na pag-aaral ay nangangailangan ng pagsisikap ng estudyante. Tulungan ang iyong mga estudyante na makita ang kanilang responsibilidad sa pagtuturo at pag-aaral.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na simulang sikaping isaulo ang Mosias 3:19. Ipaliwanag na magbibigay ka ng oras sa klase na isaulo ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan, ngunit makatutulong din sa kanila na isaulo ang buong talata.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Dapat mong ituro ang doctrinal mastery lesson na ito pagkatapos ng lesson na “Mosias 3:19,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Mosias 3:19. Kung kailangan mong ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Sa nakaraang lesson, natutuhan mo ang sumusunod na katotohanan mula sa Mosias 3:19: Sa pagbibigay-daan sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, madaraig natin ang likas na tao at magiging mga banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 3:19 ay “Hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Bigyan ang mga estudyante ng paraan upang maisaulo ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan na ito. Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan kung paano mo ito magagawa.

Gumuhit ng isang tatsulok gaya ng sumusunod sa iyong study journal. Hatiin ang reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 3:19 sa apat na bahagi. Isulat ang apat na bahagi sa iyong tatsulok. Halimbawa, maaari mong isulat ang “Mosias 3:19” sa itaas na bahagi ng iyong iginuhit, ang “Hubarin ang likas na tao” sa pangalawang bahagi, at iba pa. Magsanay sa pagsasaulo ng buong parirala sa pamamagitan ng pagtingin mula sa itaas hanggang sa ibaba ng iyong iginuhit hanggang sa maging komportable kang bigkasin ito nang hindi tumitingin.

simpleng itim-at-puting larawan ng isang tatsulok na may apat na bahagi

Sabihin sa mga estudyante na magsanay na ipaliwanag ang doktrina gamit ang sarili nilang mga salita. Maaari mong gamitin ang sumusunod na ideya o iba pang ideya upang matulungang magsanay ang mga estudyante.

Kunwari ay nagtuturo ka ng lesson tungkol sa Mosias 3:19 sa isang primary class sa inyong ward o branch. Paano mo maipapaliwanag ang mensahe ng doctrinal mastery passage na ito sa isang grupo ng maliliit na bata? Sumulat ng maikling talata gamit ang sarili mong mga salita na nagpapaliwanag ng doktrina ng Mosias 3:19.

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante upang makumpleto ang kanilang mga paliwanag. Maaari mong anyayahan ang mga estudyanteng handang basahin ang kanilang mga paliwanag sa buong klase.

Pagsasabuhay

Iparebyu sa mga estudyante ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang isang paraan upang magawa ito ay anyayahan ang ilang estudyante na magdrowing ng mga simbolo o simpleng larawan sa pisara na kumakatawan sa bawat isa sa tatlong alituntunin. Sikaping maayos ang aktibidad nang sa gayon ay ilang minuto lang ng oras ng klase ang gugugulin dito.

Bigyan ang mga estudyante ng sitwasyon na katulad ng sumusunod upang matulungan sila na masanay na gamitin ang lahat ng tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Maraming taon nang nahihirapan si Toviyah na kontrolin ang kanyang galit. Madalas siyang magalit sa kanyang mga kapatid at magulang at nagtataas ng kanyang boses. Nahihirapan din siyang makihalubilo sa iba sa paaralan. Isang araw, habang kinakausap ang kanyang mga magulang tungkol sa pagkamainitin ng ulo niya, ibinulalas niya: “Sana ay maging mas mapagpasensya akong tao, pero pakiramdam ko ay hindi ko kaya. Ganito na talaga ako!”

Maaari mong iangkop ang sitwasyong ito upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Maaari mong ipalit sa pagkamainitin ng ulo sa sitwasyon ang iba pang pag-uugali tulad ng katamaran, walang-galang na pananalita, o kalupitan. Ang isa pang opsiyon ay anyayahan ang mga estudyante na maglista sa pisara ng mga pag-uugaling karaniwan sa likas na tao. Pagkatapos ay maaaring pumili ang mga estudyante ng isa sa mga pag-uugali at maaari nilang iakma ito sa sitwasyon.

  • Paano mo gagamitin ang mga turo ng Mosias 3:19 at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang makatulong sa sitwasyong ito?

Hayaang talakayin ng mga estudyante kung paano makatutulong ang bawat isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuro sa Mosias 3:19 sa sitwasyong ito. Maaaring gawin ng mga estudyante ang aktibidad na ito nang magkakasama bilang isang klase o sa maliliit na grupo.

Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang tulong, ang sumusunod ay mga halimbawa ng mga uri ng mga tanong na maaari mong ibahagi sa kanila bilang bahagi ng talakayang ito.

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong ang mga turo sa Mosias 3:19 sa sitwasyong ito?

  • Ano ang ilang iba pang mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na sa palagay mo ay makatutulong?

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang mga cross-reference na napag-aralan nila sa nakaraang lesson habang tinatalakay nila ang sumusunod na tanong. O maaari mong ibahagi ang ilan o lahat ng pahayag na matatagpuan sa “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” mula sa nakaraang lesson.

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Ano ang ilang paraan kung paano mo makikita ang alalahaning ito nang may walang-hanggang pananaw?

  • Paano makatutulong ang pag-alaala sa mga layunin ng Panginoon sa pagtutulot sa atin na mamuhay sa mundong puno ng kasamaan?

  • Ano ang alam mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na makagagawa ng kaibhan sa sitwasyong ito?

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang ilang paraan kung paano maaaring kumilos nang may pananampalataya ang isang tao sa sitwasyong ito?

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Maaari mong gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu sa isang lesson na itinuro kaagad pagkatapos ng aktibidad na ito. Gumuhit sa pisara ng isang tatsulok na katulad ng nasa lesson. Simula sa itaas, sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang bawat antas ng tatsulok gamit ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 3:19: “Hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” Ulitin ang prosesong ito nang ilang beses hanggang sa mabigkas ito ng mga estudyante nang walang kopya.