Seminary
Mosias 4: “Laging [Panatilihin] ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan”


“Mosias 4: ‘Laging [Panatilihin] ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 4,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 4

“Laging [Panatilihin] ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan”

kabataang mukhang nagagalak

Ano kaya ang magiging kaibhan ng iyong buhay kung nakadarama ka ng dagdag na kagalakan at katahimikan ng budhi? Ang mga Nephita, na naantig sa mga turo ni Haring Benjamin, ay “napuspos ng kagalakan” at nakadama ng “katahimikan ng budhi” nang sila ay magsisi at tumanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan (Mosias 4:3). Itinuro sa kanila ni Haring Benjamin kung paano mapapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang magagawa mo upang matanggap at mapanatili ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan.

Pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu. Ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa katotohanan, nagpapatotoo tungkol kay Cristo, at nagpapabago ng mga puso. Sa pamamagitan lamang ng Espiritu Santo matutupad natin ang pinakamithiin ng pagtuturo ng ebanghelyo—ang patibayin ang pananampalataya kay Jesucristo at tulungan ang iba na maging higit na katulad Niya. Maghanap ng mga paraan upang maanyayahan ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang mga tungkulin.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 4, at alamin kung paano nakaimpluwensya si Jesucristo sa mga tao at ano ang ipinagawa ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao matapos silang makatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Nananatiling espirituwal na matatag

Tingnan ang sumusunod na larawan at isipin kung ano ang kailangang gawin ng isang tao upang mapanatiling malusog at malago ang halamang ito.

Maaari kang magdala ng malusog na halaman sa klase o maaari mong ipakita ang larawan sa ibaba.

malusog na halaman
  • Ano ang mangyayari sa halamang ito kung mananatili ito sa isang madilim na silid o hindi ito kailanman didiligan?

  • Paano ito maiuugnay sa ating espirituwal na kalusugan at mga pangangailangan?

Tulad ng pag-aalaga sa isang halaman, ang pagpapanatili ng ating espirituwal na kalusugan ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap. Sa Mosias 4, itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao kung ano ang kailangan nilang gawin upang manatiling espirituwal na matatag. Habang nag-aaral ka, pagnilayan ang mga turo na tutulong sa iyong mga pagsisikap na manatiling espirituwal na matatag sa buong buhay mo at umunlad upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Pagpapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan

Alalahanin na bilang bahagi ng mensahe ni Haring Benjamin, ibinahagi niya ang mensaheng natanggap niya mula sa isang anghel tungkol sa pagdating ni Jesucristo at ang kahalagahan ng pagdaig sa ating nahulog na pagkatao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas (tingnan sa Mosias 3).

Basahin ang Mosias 4:1–3, at alamin ang mga pagpapala at damdamin na naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin.

  • Ano ang pinakanapansin mo mula sa mga talatang ito?

  • Ano sa palagay mo ang maaaring kailangang gawin ng mga tao upang manatili sa dalisay at masayang kalagayang ito?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ipikit ang kanilang mga mata at pagnilayan ang sumusunod. Matapos magnilay, maaari nilang isulat sa kanilang study journal ang kanilang sagot sa tanong.

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung isa ka sa mga tao ni Haring Benjamin noong araw na iyon. Pag-isipan kung paano ito maaaring nakaimpluwensya sa iyong nadarama tungkol kay Jesucristo at kung ano, mula sa karanasang ito, ang gusto mong manatili sa iyo magpakailanman.

  • Ano ang magagawang kaibhan sa iyong buhay kung madalas mong madama ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan?

Ang natitirang bahagi ng mga turo ni Haring Benjamin sa Mosias 4 ay tumutulong sa atin na maunawaan na matapos tayong makatanggap ng kapatawaran mula kay Jesucristo, kailangan nating sikaping mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

  • Ano sa palagay mo ang pagkakaiba ng pagtanggap at pagpapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan?

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa atin na magsikap na mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan sa buong buhay natin?

Ang sumusunod na talata ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na pag-isipan at pagnilayan at huwag ibahagi sa klase ang kanilang mga naiisip o nadarama.

Pag-isipan kung paano naaangkop ang katotohanang ito sa sarili ninyong buhay. Sa inyong palagay, gaano ninyo napapanatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan? Habang patuloy kayong nag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa inyo na maunawaan kung ano ang magagawa ninyo upang mapanatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na heading: Ang magagawa natin upang mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Maaaring ilista ng mga estudyante sa pisara ang nalaman nila habang nag-aaral sila. Maaari ding ilista ito sa kanilang study journal.

Basahin ang Mosias 4:9–16 at alamin ang mga turo ni Haring Benjamin na tutulong sa atin na maunawaan kung paano natin mapapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Bilang bahagi ng sumusunod na aktibidad sa pag-aaral, maaari mong papuntahin sa pisara ang mga estudyante at isulat ang ilang parirala mula sa Mosias 4:9–16 na sa palagay nila ay pinakamakabuluhan sa kanila. Ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod ay magagamit upang matulungan ang mga estudyante na matalakay ang nalaman nila mula sa mga talatang ito.

  • Ano ang kahit tatlong bagay na itinuro ni Haring Benjamin na dapat nating gawin upang mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan na tumimo sa iyo?

  • Ano sa palagay mo ang magiging epekto ng pagsasabuhay mo ng mga paanyayang ito ni Haring Benjamin?

  • Paano makatutulong sa iyo ang paggawa ng mga bagay na ito upang mapanatili mo ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan?

Kung may oras pa, maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang pagbibigay-diin ni Haring Benjamin sa pangangalaga sa iba sa Mosias 4:17–26. Ang ilang ideya ay makikita sa “Ang ating responsibilidad na pangalagaan ang iba” sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.”

Ang mga susunod kong hakbang

Pag-isipan kung gaano mo naipamumuhay ang mga turo ni Haring Benjamin mula sa mga talatang ito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtuon sa tatlo o apat na pag-uugali na natukoy mo at pagtatanong sa iyong sarili ng mga bagay na tulad ng:

  • Gaanong pagsisikap ang ibinibigay ko rito?

  • Gaano ko palaging ginagawa ito?

  • Anong mga damdamin at impresyon ang nadama ko ngayon na maaaring magpahiwatig ng mga aspetong maaari kong mapagbuti pa?

Mapanalanging gumawa ng partikular na plano upang mapagbuti ang isang aspeto. Pag-isipan ang anumang balakid na maaari mong maranasan habang sinisikap mong pagbutihin pa ang aspetong ito at kung ano ang maaari mong gawin upang matanggap ang tulong ng Panginoon sa pagdaig sa mga hamong ito. Maaaring makatulong na ibahagi ang iyong mithiin sa isang kapamilya o mahal sa buhay na makakasuporta sa iyo rito. Maaari mo ring isama ang mithiing ito sa iyong mga mithiin para sa Mga Bata at Kabataan.