Seminary
Doctrinal Mastery: Mosias 4:9—“Maniwala sa Diyos”


“Doctrinal Mastery: Mosias 4:9—‘Maniwala sa Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: Mosias 4:9,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: Mosias 4:9

“Maniwala sa Diyos”

tinedyer na nakatingala, nagninilay-nilay

Sa iyong pag-aaral ng Mosias 4:9–10, natutuhan mo ang kahalagahan ng paniniwala sa Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 4:9, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.

Tumuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Walang magagawa ang mga titser na magpapala sa mga estudyante nang higit pa sa pagtulong sa kanila na makilala at mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Habang naghahanda at nagtuturo ka, patuloy na humingi ng inspirasyon kung paano mo ito magagawa.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na itanong sa pamilya o mga kaibigan kung bakit nila piniling maniwala sa Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Dapat mong ituro ang doctrinal mastery passage na ito pagkatapos ng lesson na “Mosias 4:9–10,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Mosias 4:9. Kung kailangan mong ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Ang sumusunod ay isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa Mosias 4:9 gamit ang sarili nilang mga salita.

Alalahanin ang iyong karanasan sa pag-aaral ng paanyaya ni Haring Benjamin sa Mosias 4:9–10 na maniwala sa Diyos ang kanyang mga tao. Kung kinakailangan, maaari mong basahing muli ang mga talatang ito at pag-aralan ang diagram na ginawa mo sa iyong study journal mula sa nakaraang lesson.

  • Anong mahahalagang katangian ng Diyos ang sinabi ni Haring Benjamin na paniwalaan ng kanyang mga tao?

  • Paano makakaapekto sa buhay mo ang paniniwala sa mga banal na katangiang ito ng Diyos?

Pumili ng isa sa mga katangian ng Diyos na binanggit sa Mosias 4:9–10 na itinuro ni Haring Benjamin na paniwalaan ng kanyang mga tao. Ibahagi kung paano mo ito maipaliliwanag sa isang taong hindi nauunawaan ang ibig sabihin nito.

Sabihin sa mga estudyante na isaulo ang reference ng doctrinal mastery passage na Mosias 4:9 at ang kalakip nitong mahalagang parirala na “Maniwala sa Diyos; … maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan.” Ang sumusunod ay isang halimbawa kung paano ito gagawin.

Sa iyong study journal, isulat sa malalaking titik ang salitang maniwala. Sa ibaba nito, isulat ang pariralang sa Diyos, at sa ibaba nito, isulat ang pariralang maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan. Pagkatapos ay isulat ang scripture reference na Mosias 4:9 sa malalaking titik sa ibaba. Simula sa itaas, sabihin nang malakas ang bawat linya habang itinuturo mo ang salita, parirala, o reference. Ulitin ang aktibidad na ito nang maraming beses hanggang sa maisaulo mo ito.

Bilang alternatibo sa naunang aktibidad, maaari mong isulat sa pisara ang salitang maniwala. Ipaliwanag na ang salitang ito ay dalawang beses na lumabas sa mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 4:9. Sabihin sa mga estudyante na isaulo muna ang pariralang “Maniwala sa Diyos,” pagkatapos ay ang pariralang “maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan.” Pagkatapos, ipasaulo sa kanila ang scripture reference na Mosias 4:9. Pagkatapos ay papuntahin sa harapan ng silid ang tatlong estudyante. Ipaulit sa bawat estudyante ang isa sa mga naisaulong bahagi. Ulitin ito kasama ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro upang matulungan silang maisaulo ang mahalagang parirala at reference.

Pagsasabuhay

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Maaari nilang kumpletuhin ang sumusunod sa itinakdang oras. Maaari mong iangkop ang aktibidad na ito sa pamamagitan ng pagpapalista ng mga alituntunin sa buong klase at pagkatapos ay pag-anyaya sa mga estudyante na pumili ng isang alituntunin at ipaliwanag kung paano nila ito nagamit o magagamit. Maaaring turuan ng mga estudyante ang isa’t isa upang marebyu lahat ang tatlong alituntunin.

Rebyuhin sandali ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa talata 5–12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022). Maaari mong subukang ilista lahat ang tatlong alituntunin ayon sa pagkakatanda mo. Pagkatapos, sa iyong study journal, isulat kung paano mo nagamit, o magagamit, ang mga alituntuning ito.

Ang sumusunod na sitwasyon ay makatutulong sa mga estudyante na magamit ang mga turo ng Mosias 4:9 at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon sa tunay na buhay. Ang isa pang opsiyon ay bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na gumawa ng sarili nilang sitwasyon upang magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Makatutulong ito upang maging mas nauugnay at angkop sa kanila ang kanilang natututuhan.

4:7

Nasa isang klase si Myra kung saan ginagawang katatawanan ng guro ang relihiyon at hindi ito naniniwala sa Diyos. Ang mga komentong ito ay bumagabag kay Myra noong una, pero pagkalipas ng ilang buwan sa klase, nagsimula na siyang mag-isip kung tama nga ba ang kanyang guro. Noon pa man ay naniniwala na siya sa Diyos, ngunit ngayon tila nadarama niya na nagsisimula na siyang mag-alinlangan na may Diyos.

4:7

Gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrina sa Mosias 4:9 upang makatulong sa sitwasyon ni Myra o sa ibang sitwasyon na may kaugnayan sa paniniwala sa Diyos na mas nauugnay sa iyong buhay.

Hindi mo kailangang paisa-isang itanong sa klase ang mga sumusunod. Ang mga ito ay halimbawa lang ng mga tanong na maaari mong itanong habang nagsasanay ang mga estudyante sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Hayaang magtanong ang mga estudyante at sagutin ang mga tanong ng isa’t isa. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung kailan magtatanong at hindi magtatanong ng mga follow-up na tanong (na nakalista rito o iba pa).

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang tapat na magagawa ng isang tao kung nahihirapan siyang maniwala sa Diyos?

  • Paano makatutulong sa kanya ang paggawa nito?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Anong mga turo mula sa Mosias 4:9 ang makatutulong sa isang tao sa sitwasyong ito para magkaroon siya ng walang-hanggang pananaw?

  • Paano makakaapekto sa kinabukasan ng isang tao ang desisyon niyang maniwala o hindi maniwala sa Diyos?

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Anong mga karagdagang scripture passage o karanasan (na mayroon ka o ang ibang tao) ang makatutulong sa isang tao na may ganitong hamon?

  • Saan pa makakahanap ng impormasyon ang mga tao upang matulungan sila sa ganitong sitwasyon? Humanap ng kahit isa pang mapagkukuhanan at ipaliwanag kung paano ito makatutulong.

Upang tapusin ang lesson na ito, maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sitwasyong naranasan o posibleng nararanasan nila o ng ibang tao kung saan maaaring masubok ang kanilang paniniwala sa Diyos at tulungan sila na maghanda para sa mga karanasang ito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga estudyante ng ilan sa mga sumusunod:

  • Paano makatutulong ang karanasan ninyo ngayon sa mga ganitong sitwasyon?

  • Anong mga partikular na bagay ang gugustuhin ninyong maalala kapag sinusubok ang inyong paniniwala sa Diyos?

Bilang bahagi ng talakayang ito, magpatotoo, o anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo, tungkol sa kahalagahan ng paniniwala sa Diyos.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu sa isang lesson na ituturo mo kaagad pagkatapos nito.

Simulang isulat sa pisara ang scripture reference na Mosias 4:9 at ang mahalagang parirala na Maniwala sa Diyos; … maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan nang paisa-isang salita. Bago isulat ang susunod na salita, huminto sandali upang tingnan kung masasabi ito ng mga estudyante bago mo ito isulat. Ulitin ito nang ilang beses hanggang sa maulit ito ng mga estudyante nang walang kopya.