“Mosias 18: Ang Tipan sa Binyag,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 18,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 18
Ang Tipan sa Binyag
Ang ilang desisyon ay napakahalaga na maaari nitong maapektuhan ang lahat ng iba pang bagay sa ating buhay. Ang pakikipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag ay isa sa mga desisyong iyon. Tinuruan ni Alma ang kanyang mga tao sa mga tubig ng Mormon tungkol sa tipang ginagawa natin sa Diyos kapag tayo ay bininyagan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang tipan sa binyag at kung paano ito makakaimpluwensya sa iyong kaugnayan sa Diyos at sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang iyong binyag
Upang masimulan ang iyong pag-aaral ngayon, isipin ang iyong binyag at sikaping alalahanin ang mga detalye noong araw na iyon. Kung hindi ka pa nabibinyagan, pagnilayan ang nalalaman mo tungkol sa binyag o kung ano ang naaalala mo sa pagdalo sa isang binyag.
-
Ano ang mga paborito mong alaala noong araw na iyon? Ano ang naramdaman mo?
-
Paano nakaimpluwensya ang desisyon mong magpabinyag sa iyong kaugnayan sa Diyos at sa ibang tao?
itinuturo ni Alma ang mga salita ni Abinadi
Ang Mosias 18 ay naglalaman ng salaysay ni Alma, na dating isa sa mga saserdote ni Haring Noe, na nagtuturo ng mga salita ni Abinadi sa iba. Napilitan si Alma na magturo nang palihim dahil hangad ni Haring Noe na patayin siya dahil naniwala siya sa patotoo ni Abinadi tungkol kay Jesucristo.
Basahin ang Mosias 18:1–7, at alamin ang itinuro ni Alma sa mga tao.
-
Ano ang itinuro ni Alma tungkol sa Tagapagligtas matapos marinig ang patotoo ni Abinadi?
-
Sa iyong palagay, bakit pinili ni Alma na ituro ang ginawa niya sa mga talatang ito?
Ang tipan sa binyag
Matapos ituro sa mga tao ang tungkol sa pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo, itinuro ni Alma ang kahalagahan ng binyag. Matututuhan natin mula sa kanyang mga turo na kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayo sa Diyos. Habang patuloy mong pinag-aaralan ang mga turo ni Alma, isipin ang nalalaman mo tungkol sa tipang ginagawa natin sa binyag at pinaninibago sa tuwing tumatanggap tayo ng sakramento, gayundin ang anumang tanong na maaaring mayroon ka. Mapanalanging hangarin na mas maunawaan kung paano makakaimpluwensya ang tipang ito sa iyong kaugnayan sa Diyos at sa iba.
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang tipan:
Ang tipan ay isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao, isang kasunduan na ang mga kundisyon ay Diyos ang nagtakda (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” 248–49). Sa mga banal na kasunduang ito, inoobliga ng Diyos ang Kanyang sarili na suportahan, pabanalin, at dakilain tayo kapalit ng ating pangakong paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga utos. (D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2009, 20)
Sa Mosias 18:8–10, inilarawan ni Alma ang tipan sa binyag. Basahin ang Mosias 18:8–10 at maaari mong markahan ang ipinapangako nating gawin kapag bininyagan tayo at, sa ibang kulay o estilo, markahan ang mga pagpapalang ibibigay sa atin ng Ama sa Langit.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw”? (talata 9).
-
Ano ang ilang paraan na tayo ay maaaring “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar”? (talata 9). Sino ang kilala ninyo na mabuting halimbawa ng paggawa nito?
-
Paano ninyo nakita na pinagpapala kayo ng Diyos o ang iba ng mga pangakong ibinigay Niya sa atin sa pamamagitan ng binyag?
Pagtupad sa iyong tipan sa binyag
-
“Mga Matang Makakakita” (mula sa time code na 4:55 hanggang 6:53)
Pumili ng kahit isa sa mga pangakong ginagawa natin sa binyag na ibinahagi ni Alma sa Mosias 18:8–10. Halimbawa, maaari mong piliin ang “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” (talata 8) o “susundin ang kanyang mga kautusan” (talata 10).
-
Ano ang ilang paraan na matutupad ng isang tinedyer ang pangakong iyon?
-
Sa iyong palagay, bakit isinama iyon ng Ama sa Langit bilang bahagi ng ating tipan sa binyag?
-
Paano ipinakita mismo ng Tagapagligtas kung paano tuparin ang pangakong iyon?
-
Kailan mo tinupad o kailan tinupad ng isang taong kilala mo ang pangakong iyon? Ano ang natutuhan mo sa mga karanasang iyon?
Maglaan ng oras na isulat sa iyong journal kung gaano mo natutupad, sa iyong palagay, ang mga pangako sa binyag na ibinahagi ni Alma sa Mosias 18:8–10. Paano mo matagumpay na natupad ang ilan sa mga pangakong ito? Sa anong mga sitwasyon mo mas natutupad ang isa sa mga ito? Sa iyong palagay, paano ito makakaapekto sa iyong kaugnayan sa Panginoon at sa ibang tao kung gagawin mo ito?