Seminary
Doctrinal Mastery: Mosias 18:8–10—“Kayo ay Nakikipagtipan sa Kanya”


“Doctrinal Mastery: Mosias 18:8–10—‘Kayo ay Nakikipagtipan sa Kanya,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: Mosias 18:8–10,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: Mosias 18:8–10

“Kayo ay Nakikipagtipan sa Kanya”

nagbibinyag si Alma sa mga tubig ng Mormon

Sa nakaraang lesson, nalaman mo kung paano makakaimpluwensya sa paraan ng ating pamumuhay ang ating tipan sa binyag sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 18:8–10, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga makatotohanang sitwasyon gamit ang scripture passage na ito.

Pagtuturo sa mga estudyante ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Mas maisasakatuparan ng mga estudyante ang mga layunin ng doctrinal mastery kung nalalaman at nauunawaan nila ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Tiyaking tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga alituntuning ito at regular na marebyu ang mga ito.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na subukang isaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 18:8–10.

Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang maituro pagkatapos ng lesson na “Mosias 18,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Mosias 18:8–10. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Gumamit ng anumang epektibong paraan upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang scripture reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 18:8–10 at maipaliwanag ang mga katotohanang makikita sa passage na ito. Ang mga sumusunod na aktibidad ay mga mungkahi kung paano ito gagawin.

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga salita ng mahalagang parirala para sa Mosias 18:8–10 nang hindi ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Sabihin sa mga estudyante na ayusin ang parirala sa kanilang study journal at pagkatapos ay sabihin sa isang boluntaryo na isulat ito nang tama sa pisara kasama ang scripture reference nito. Kung kinakailangan, anyayahan ang mga miyembro ng klase na tumulong.

Ang mahalagang parirala para sa Mosias 18:8–10 ay “‘[Mag]pabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi … na kayo ay nakikipagtipan sa kanya.’”

Ang isa pang opsiyon ay isulat ang mga bahagi ng mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa magkakahiwalay na piraso ng papel at ilagay sa pisara ang mga papel nang hindi ayon sa tamang pagkakasunud-sunod nito. Pagkatapos ay maaaring pumunta sa pisara ang mga estudyante at maaari nilang ayusin ang mga papel sa tamang pagkakasunud-sunod nito.

Ayusin ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa ibaba para sa Mosias 18:8–10 sa pamamagitan ng pagsulat nito sa iyong study journal sa tamang pagkakasunud-sunod. Kung kinakailangan, tingnan kung tama ang pagkakaayos mo nito sa listahan ng mga doctrinal mastery reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan sa katapusan ng Doctrinal Mastery Core Document (2022).

Matapos mong isulat ang tamang parirala, subukang isaulo nang sandali ang scripture reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-uulit sa mga ito nang ilang beses.

Sa nakaraang lesson, natutuhan mo na kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayo sa Diyos na tayo ay maglilingkod sa Kanya at susunod sa Kanyang mga kautusan. Kunwari ay hiniling sa iyong magsalita sa binyag ng isang walong taong gulang na bata tungkol sa tipang gagawin niya. Isulat kung paano makatutulong sa iyo ang Mosias 18:8–10 na ipaliwanag ang tipan at kung paano makatutulong sa bata ang pagtupad sa tipan na maging higit na katulad ni Jesucristo.

Kapag tapos nang magsulat ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi sa isang kaklase ang isinulat nila. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi sa klase ang natutuhan nila o ang kanilang patotoo tungkol sa tipan sa binyag.

Pagsasabuhay

Maaari mong isulat sa pisara ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Makikita ang mga ito sa talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022). Upang matulungan ang mga estudyante na marebyu ang mga alituntuning ito, sabihin sa kanila na pumunta sa pisara at isulat sa ilalim ng mga heading ang lahat ng naaalala nila tungkol sa bawat alituntunin.

Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na sitwasyon o bigyan ang mga estudyante ng kopya na magagamit sa natitirang bahagi ng lesson. Maaari mong iakma ang sitwasyon upang mas makaugnay sa mga pangangailangan ng mga estudyante o sabihin sa mga estudyante na gumawa ng sarili nilang mga sitwasyon tungkol sa pagtupad sa tipan sa binyag.

Napansin ni Anna na si Paula, isang dalagita sa kanyang klase sa simbahan, ay nahihirapang maging masaya o makipagkaibigan. Narinig ni Anna na kung minsan ay pinipili ni Paula na huwag dumalo sa mga aktibidad ng mga kabataan o mga meeting sa simbahan dahil pakiramdam niya ay hindi siya nabibilang sa iba pang mga dalagita. Nais ni Anna na tulungan si Paula na mas maramdaman nito na siya ay kabilang, ngunit hindi pa niya talaga nakakausap si Paula at nag-aalala siya na baka nakakailang o mahirap na makipag-usap sa kanya.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo upang sagutin ang sumusunod na tanong at maghanda ng mga rekomendasyon na maibabahagi nila kay Anna. Maaari mong bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman na pagtutuunan nila. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.

  • Paano ninyo gagamitin ang bawat isa sa tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at mga turo sa Mosias 18:8–10 para tulungan si Anna sa kanyang sitwasyon?

Hikayatin ang mga estudyante na talakayin ang naunang tanong gamit ang Mosias 18:8–10 at kung ano ang naaalala nila sa pag-aaral ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ngayong semestre. Kung kailangan pa rin nila ng tulong, maaari kang magpakita o magbigay sa mga estudyante ng kopya ng mga sumusunod na tanong sa ilalim ng bawat alituntunin. Kung binago mo ang sitwasyon upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante, baguhin din ang mga tanong.

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Ano ang ilang scripture passage o pahayag ng mga lider ng Simbahan na alam ninyo na makatutulong kay Anna? Paano makatutulong ang mga turo sa Mosias 18:8–10?

  • Paano maaaring mas maunawaan ni Anna ang sitwasyon ni Paula kapag kinausap niya ang class presidency ng Young Women?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Ano ang kailangang maunawaan ni Anna kung paano nakikita ng Panginoon ang mga tipan sa binyag na makatutulong sa kanya na madaig ang kanyang pag-aatubili?

  • Paano makatutulong kay Anna ang pag-alaala sa nadarama ng Panginoon tungkol kay Paula?

  • Paano kaya makatutulong ang paghikayat ni Anna kay Paula upang maging higit na katulad siya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang magagawa ni Anna upang matupad ang mga partikular na pangako sa binyag na itinuro ni Alma sa Mosias 18:8–10?

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga isinulat tungkol sa natutuhan nila sa Mosias 18, at maghanap ng mga karagdagang kaalaman tungkol sa kung paano magagawa ni Anna na makidalamhati kay Paula, aliwin siya, o dalhin ang mga pasanin niya. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi ang nalaman nila at kung ano ang imumungkahi nila kay Anna.

  • Anong mga halimbawa ng pagtulong ni Jesucristo sa iba ang ibabahagi mo kay Anna upang matulungan siyang kumilos nang may pananampalataya?

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Dapat gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu sa isang lesson na ituturo sa hinaharap.

Rebyuhin ang scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 18:8–10 sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na ulitin ang mga ito nang ilang beses sa klase. Pagkatapos ay maaari mong iparebyu ang mga scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa iba pang mga doctrinal mastery passage na napag-aralan na nila sa pamamagitan ng pag-uulit din ng mga ito.

Ang mahalagang parirala para sa Mosias 18:8–10 ay “‘[Mag]pabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi … na kayo ay nakikipagtipan sa kanya.’”

Maaari mo ring gamitin muli ang aktibidad na pag-aayos ng mga salita na iminungkahi sa simula ng lesson na ito.