Seminary
Mosias 27:1–24: “Nanalangin Siya nang may Labis na Pananampalataya Hinggil sa Iyo”


“Mosias 27:1–24: ‘Nanalangin Siya nang may Labis na Pananampalataya Hinggil sa Iyo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 27:1–24,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 27:1–24

“Nanalangin Siya nang may Labis na Pananampalataya Hinggil sa Iyo”

isang anghel na pinatitigil ang Nakababatang Alma

Alam mo ba kung ano ang pakiramdam kapag nakikita mong hindi tinatanggap ng mga mahal sa buhay ang katotohanan? Dama nina Alma at Haring Mosias ang pighati sa nakikita nilang paghihimagsik ng mga miyembro ng pamilya laban sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan. Sa pamamagitan ng awa ni Cristo, kalaunan ay pinagpala sila na madama ang kagalakang makita na nagsisisi ang mga mahal nila sa buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makatuklas ng mga paraan upang matulungan ang mga taong hindi tumatanggap sa mga turo ni Jesucristo na bumalik sa Kanya.

Pag-anyaya sa mga mag-aaral na suriin ang kanilang damdamin. Magbigay ng mga tanong na makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang mga espirituwal na karanasan at alalahanin kung kailan nila nadama ang katotohanan ng isang alituntunin ng ebanghelyo. Ang pag-alaala sa mga damdaming ito ay makatutulong sa mga estudyante na hangaring ipamuhay ang ebanghelyo at itimo ito sa kanilang puso. Tiyakin sa mga estudyante na ayos lang kung hindi pa sila nagkakaroon o nakakatukoy ng mga karanasan sa isang partikular na alituntunin.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghandang magbahagi ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan kung saan tinulungan ng Panginoon na magbago ang isang taong nalihis o naghimagsik.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

May pag-asa sa pamamagitan ni Cristo

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod:

Mayroon bang sinuman na inaalala mo dahil siya ay espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik laban sa Diyos? Kung gayon, isaisip ang taong ito habang nag-aaral ka ngayon. Gayundin, kung ikaw ay espirituwal na nahihirapan, maaari mong isaisip ang sarili mong sitwasyon sa buong lesson.

Ipakita ang sumusunod na pagsusuri sa sarili. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin, kasama na ang mga halimbawa mula sa paghahanda ng estudyante.

Isipin kung gaano katumpak kang inilalarawan ng mga sumusunod na pahayag:

  1. Naniniwala ako na hindi pa huli ang lahat para sa mga taong espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik na mapagaling ni Jesucristo.

  2. Nakakita ako ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan at sa mga taong nakapaligid sa akin na nagbibigay sa akin ng pag-asa para sa mga taong espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik.

  3. Alam ko kung ano ang magagawa ko para matulungan ang mga taong espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik.

Sa pag-aaral mo ng Mosias 27 ngayon, maghanap ng mga dahilan upang magkaroon ng pag-asa at kung ano ang magagawa mo upang matulungan ang mga taong espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik.

Pagtulong sa mga espirituwal na naliligaw

Basahin ang Mosias 27:1, 8–10 para malaman kung kanino nag-aalala ang propetang si Alma at si Haring Mosias.

  • Sa iyong palagay, paano nakaapekto ang mga pagpili ng mga kabataang lalaking ito sa kanilang mga magulang, kapatid, at kaibigan?

Basahin ang Mosias 27:11–16, 19 upang malaman kung ano ang ginawa ng Panginoon upang matulungan ang Nakababatang Alma na baguhin ang kanyang buhay at kung bakit. Maaari mo ring panoorin ang video na “Ang Nakababatang Alma ay Nagbalik-loob sa Panginoon” mula sa time code na 3:06 hanggang 6:59.

11:32
  • Sa iyong palagay, anong mga parirala mula sa mensahe ng anghel ang magkakaroon pinakamalaking epekto sa mga kabataang lalaking ito?

  • Paano naipakita sa0 karanasang ito ang pagmamahal at hangarin ng Diyos na iligtas ang mga kabataang lalaking ito (gayundin ang iba pa na espirituwal na naliligaw)?

  • Ayon sa Mosias 27:14, bakit sinabi ng anghel na naparito siya sa Nakababatang Alma at sa mga anak ni Mosias? (Maaari mong markahan ang sagot sa tanong na ito sa iyong mga banal na kasulatan.)

Pag-isipan sandali kung anong mga alituntunin ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito.

Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng iba’t ibang alituntunin. Maaari mong isulat sa pisara ang mga alituntuning babanggitin nila. Kung hindi ito mababanggit ng mga estudyante, maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara:

Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay ang pagdarasal nang may labis na pananampalataya para sa mga taong espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik ay nag-aanyaya sa Panginoon na tulungan sila na malaman ang katotohanan.

Tandaan na hindi sasaklawan ng Panginoon ang kalayaang moral ng mga taong ipinagdarasal natin. Sa kabila ng pagdalaw ng isang anghel, magagamit pa rin ni Alma at ng mga anak ni Mosias ang kanilang kalayaang pumili na hindi magsisi. Bagama’t maaaring hindi magpadala ang Ama sa Langit ng isang anghel sa ating mga mahal sa buhay, sasagutin Niya ang ating mga panalangin sa Kanyang paraan at panahon. Maaari tayong magtiwala sa Kanya na tutulong Siya. Marami ka pang malalaman tungkol sa ginampanan ng Panginoon sa pagbabago ni Alma sa susunod na lesson.

  • Ano kaya sa tingin mo ang ipinagdasal ng Nakatatandang Alma? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng manalangin “nang may labis na pananampalataya” (Mosias 27:14)?

    Narito ang iba pang mga posibleng follow-up na tanong: Sa iyong palagay, bakit maaari tayong manampalataya na gagawin ng Panginoon ang pinakamabuti para sa mga nahihirapan? Bakit maaaring makabubuting manalangin na *“madala [sila] sa kaalaman ng katotohanan” (Mosias 27:14)?

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Panginoon na ipagdasal natin ang mga taong espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik?

    Hikayatin ang mga boluntaryo na magbahagi ng mga karanasan bilang tugon sa mga sumusunod na tanong. Maaari ka ring magbahagi ng personal na karanasan.

  • Kailan mo nadama na nakagawa ng pagbabago ang mga panalangin mo sa buhay ng isang tao? Sa iyong palagay, kailan nakatulong sa iyo ang mga panalangin ng ibang tao?

Pag-isipan ang mga partikular na bagay na maaari mong ipagdasal kapag humihiling sa Ama sa Langit na tulungan ang isang taong espirituwal na nahihirapan. Maaari mo pa ngang itigil sandali ang iyong pag-aaral upang ipagdasal siya ngayon.

Ano pa ang maaari kong gawin?

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante, na ang bawat isa sa magkapartner ay pag-aaralan ang isa sa mga sumusunod na scripture passage. Anyayahan sila na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang matututuhan.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin ang ginawa ni Alma at ng iba pa, bukod pa sa pagdarasal, upang matulungan ang kanyang anak na bumalik sa Panginoon.

Mosias 27:20–24

Alma 36:17–19 (ang paglalarawan ng Nakababatang Alma kalaunan sa itinuro ng kanyang ama at kung paano ito nakatulong sa kanya)

  • Ano ang ginawa ni Alma, bukod pa sa pagdarasal, upang matulungan ang kanyang anak?

Maaari mong hayaang pumili ang magkakapartner kung alin sa mga sumusunod ang gusto nilang pag-aralan nang magkasama.

Pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na bagay na ginawa ni Alma at isulat ang iyong mga naiisip. Sa iyong pag-aaral, maaari mong isaisip ang isang mahal sa buhay na espirituwal na nahihirapan o naghihimagsik:

  1. Pag-aayuno—Alamin ang iba pa tungkol sa pag-aayuno sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa ChurchofJesusChrist.org, Gospel Library app, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o iba pang mga scripture passage tulad ng Marcos 9:17–18, 25–29. Paano makatutulong sa iyo o sa iyong mahal sa buhay ang pag-aayuno? May iba ka pa bang maaanyayahan na sumama sa iyo sa pag-aayuno?

  2. Pagpapatotoo—Ihambing ang karanasan ni Alma na inilarawan sa Alma 36:17–19 sa karanasan ni Enos sa Enos 1:1–5. Pag-isipan ang kakayahan ng Espiritu Santo na ipaalala sa mga tao ang narinig nila kapag kailangan nila ito (tingnan sa Juan 14:26). Makapagbibigay ito sa atin ng tapang na ibahagi ang ating patotoo tungkol kay Cristo kahit sa mga taong tila hindi handang tumanggap. Matutulungan din tayo nitong maalala ang nalalaman at pinaniniwalaan natin tungkol sa Tagapagligtas kapag kailangang-kailangan natin ito. Paano mo maibabahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

Sabihin sa magkakapartner na ibahagi sa klase ang natutuhan nila at magbahagi ng mga karanasan nila sa pag-aayuno o sa Espiritu Santo na ipinapaalala sa kanila ang mga bagay na kailangan nila.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ang mga estudyante ng oras na sagutin ang mga ito sa kanilang study journal.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito tungkol sa kung paano tulungan ang mga taong espirituwal na nahihirapan?

  • Ano ang maipapayo mo sa isang tao na ang mahal sa buhay ay hindi kaagad nagbabago?

  • Ano ang tungkulin ng Tagapagligtas sa pagtulong sa ating mga mahal sa buhay? Bakit nagtitiwala ka sa Kanya na tutulungan Niya sila?

  • Anong mga partikular na bagay ang nadarama mong dapat mong gawin o sabihin upang tulungan ang isang tao na bumalik sa Tagapagligtas?