“Mosias 27:24–37: ‘Isinilang sa Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 27:24–37,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 27:24–37
“Isinilang sa Diyos”
Ang pagsisisi ng Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias ay makapagbibigay ng pag-asa sa sinumang nag-iisip kung posible bang magbago. Tinulungan ng Tagapagligtas ang mga kabataang lalaking ito, na inilarawan bilang “pinakamasama sa lahat ng makasalanan” (Mosias 28:4), upang magbago “tungo sa kalagayan ng kabutihan” (Mosias 27:25). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na magsisi at magpakita ng pananampalataya na mababago ng Tagapagligtas ang iyong puso.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagbabago
-
Paano maikukumpara ang ating espirituwal na pag-unlad sa isang caterpillar na nagiging paruparo?
-
Paano ginawang posible ng Diyos na magbago tayo at maging katulad Niya?
Isipin sandali ang inyong pag-unlad sa pagiging higit na katulad ng Diyos. Mayroon bang isang bagay tungkol sa inyong sarili na gusto ninyong baguhin o pagbutihin pa? Anong mga balakid ang maaari ninyong kaharapin sa paggawa ng mga ninanais na pagbabagong ito?
Pag-aaralan mo ngayon ang isang mahimalang pagbabago na ginawa ng Tagapagligtas sa buhay ng ilang kabataang lalaki. Habang nag-aaral ka, pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na magbago rin.
Ang Nakababatang Alma at ang mga anak na lalaki ni Mosias
Alalahanin na ang unang bahagi ng Mosias 27 ay naglalaman ng salaysay tungkol sa pagsagot ng Diyos sa mga panalangin ni Alma. Nagsugo ang Diyos ng isang anghel upang mangusap sa Nakababatang Alma at mga anak ni Haring Mosias ng tungkol sa mga maling gawain nila. Ang Nakababatang Alma ay hindi makapagsalita o makagalaw nang ilang araw pagkatapos ng pangyayaring ito (tingnan sa Mosias 27:19, 23). Sa panahong iyan, nakaranas siya ng di-mailarawang kapighatian dahil sa kanyang mga kasalanan. Nang sa wakas ay nakapagsalita na siyang muli, inilarawan niya ang ginawa ng Panginoon para sa kanya.
Isulat ang “Ang pagbabago ay posible sa pamamagitan ni Jesucristo” sa itaas ng isang pirasong papel. Pagkatapos ay gumuhit ng dalawang patayong linya upang hatiin ang papel sa tatlong magkakapantay na column. Lagyan ang kaliwang column ng label na “bago,” ang gitnang column ng “tungkulin ni Jesucristo,” at ang kanang column ng “pagkatapos.”
Basahin ang Mosias 27:8–10; 28:4 upang marebyu kung ano ang pagkatao noon ng Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias. Isulat ang mga paglalarawan sa kanila sa column na “bago” sa iyong papel.
Ngayon ay basahin ang Mosias 27:32–37, at isulat ang mga paglalarawan sa kanila sa column na “pagkatapos.”
Tumigil sandali upang pag-isipan ang pagbabagong nakita mo sa isang taong nagsisi nang may pananampalataya sa Tagapagligtas. (Maaari mo ring isipin ang iyong sarili.) Magdagdag ng mga paglalarawan sa iyong mga column kung ano sila (o ano ka) bago at pagkatapos ng pagbabagong ito.
Basahin ang Mosias 27:23–26, at maghanap ng mga parirala na naglalarawan sa pagbabagong kailangan upang maging katulad tayo ng Tagapagligtas. Maaaring makatulong na malaman na ang salitang makamundo (talata 25) ay maaaring mangahulungang mahalay, at ang pariralang “naging mga anak na lalaki at anak na babae [ng Diyos]” (talata 25) ay maaaring tumukoy sa mga “[magmamana ng] kaharian ng Diyos” (talata 26).
Sa column na “tungkulin ni Jesucristo” sa iyong papel, isulat ang mga pariralang pinakanapansin mo. Pag-isipan sandali ang kahulugan ng mga ito. Kung kinakailangan, hanapin ang anumang salita na gusto mong mas maunawaan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Ang isang katotohanan na itinuro sa mga talatang ito ay ang buong sangkatauhan ay kailangang magbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Anong mga parirala na naglalarawan sa mga pagbabagong ginawang posible sa pamamagitan ni Jesucristo ang pinakamahalaga sa iyo? Bakit?
-
Paano tayo binabago ng pagtanggap sa kapatawaran ng Tagapagligtas?
-
Ayon sa talata 24, ano ang hinihingi sa atin upang maanyayahan ang Tagapagligtas na baguhin tayo?
Ang pagbabalik-loob ay isang proseso, hindi isang pangyayari
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Bagama’t sa ilang tao ang bunga ng pagsisisi ay maaaring kapansin-pansin, tulad ng kay Alma, hindi ito ang karaniwang nangyayari. Karamihan sa atin ay sumusulong nang paisa-isang hakbang, nang paunti-unti patungo sa higit na kabutihan, mas lubos na pagtupad sa ating mga tipan, higit na paglilingkod at katapatan. (Neil L. Andersen, The Divine Gift of Forgiveness [2019], 11)
-
Bakit mahalagang tandaan ang pahayag ni Elder Andersen?
Mag-ukol ng oras na maglista ng ilang bagay na magagawa natin upang magsisi at unti-unting mabago ng Panginoon. (Para sa mga ideya, basahing muli ang pahayag ni Elder Andersen sa itaas at pag-isipang basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata: Mosias 26:29; 27:35; Alma 36:18; 3 Nephi 9:22; Doktrina at mga Tipan 6:9; 58:42–43).
-
Ano ang magagawa natin upang bumaling sa Panginoon at magsisi?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa atin ang mga pagsisikap na ito na unti-unting magbago sa pamamagitan ng Tagapagligtas?
Isipin sandali kung paano nauugnay sa iyo ang lesson na ito. Isulat sa iyong study journal ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang mga unti-unting pagbabago na nagawa mo sa tulong ng Tagapagligtas? Ano ang nadarama mo sa iyong pagsisikap at sa tulong ng Panginoon?
-
Ano ang susunod na hakbang na sa palagay mo ay gusto ng Panginoon na gawin mo upang magsisi at patuloy na magbago sa pamamagitan Niya?
-
Anong mga balakid ang maaaring kaharapin mo sa prosesong ito, at paano ka makakabaling sa Panginoon para matulungan kang madaig ang mga ito?