Seminary
Mosias 25–28: Buod


“Mosias 25–28: Buod,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 25–28,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 25–28

Buod

Bilang mataas na saserdote sa Simbahan ng Tagapagligtas, tumanggap si Alma ng tagubilin mula sa Panginoon na tulungan ang mga nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Dama niya at ni Haring Mosias ang pighati sa nakikitang paghihimagsik ng mga miyembro ng pamilya laban sa Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng awa ni Cristo, kalaunan ay pinagpala sila na madama ang kagalakang makita na nagsisisi ang mga mahal nila sa buhay. Tinulungan ng Tagapagligtas ang Nakababatang Alma at ang mga anak ni Mosias, na inilarawan bilang “pinakamasama sa lahat ng makasalanan” (Mosias 28:4), upang magbago “tungo sa kalagayan ng kabutihan” (Mosias 27:25). Matapos makapagbalik-loob, ang mga anak ni Mosias ay humayo upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita.

Maghandang Magturo

Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya tungkol sa kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.

Mosias 26

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mapagmahal at mapagpatawad na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at kung bakit dapat tayong magsisi sa ating mga kasalanan.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong nila tungkol sa pagsisisi. Hikayatin silang basahin ang Mosias 26, at alamin ang mga sagot sa mga tanong na ito.

  • Handout:Mga Alalahanin tungkol sa Pagsisisi

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Maaari mong i-email o i-message ang handout sa iyong mga estudyante bago magklase. Kung pipili ka ng isang alalahanin na pag-aaralan ng buong klase, maaari mong sabihin sa mga estudyante na i-type sa chat ang letra ng alalahanin na gusto nilang pag-aralan. Makatutulong ito sa iyo na malaman kung ano ang gustong matutuhan ng karamihan ng mga estudyante. Kung ang bawat estudyante ay pumili ng isang alalahanin na pag-aaralan, hayaan silang tapusin ang kanilang pag-aaral, at pagkatapos ay maaari mo silang anyayahang i-type sa chat ang letra ng alalahanin na pinag-aralan nila. Depende sa mga pangangailangan ng klase, maaari mong tawagin ang mga estudyanteng nag-aral ng parehong alalahanin upang talakayin ang natutuhan nila sa isa’t isa. O kaya, upang maiba, maaari mong piliin ang mga estudyanteng nag-aral ng iba’t ibang alalahanin upang talakayin ang natutuhan nila sa isa’t isa.

Mosias 27:1–24

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makatuklas ng mga paraan upang matulungan ang mga taong hindi tumatanggap sa mga turo ni Jesucristo na bumalik sa Kanya.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghandang magbahagi ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan kung saan tinulungan ng Panginoon na magbago ang isang taong nalihis o naghimagsik.

  • Video:Ang Nakababatang Alma ay Nagbalik-loob sa Panginoon” (11:32; panoorin mula sa time code na 3:06 hanggang 6:59)

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Kapag malapit nang matapos ang lesson, upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang pag-aayuno o pagpapatotoo, maaari mo silang pagpangkat-pangkatin sa mga breakout room. Tiyaking ipakita ang mga tagubilin sa pag-aaral ng alinmang paksa, magtakda ng oras (halimbawa, anim na minuto), at ipaalam sa mga estudyante na ibabahagi nila ang natutuhan nila kapag nagkasama-sama silang muli bilang isang klase.

Mosias 27:24–37

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magsisi at magpakita ng pananampalataya na mababago ng Tagapagligtas ang kanilang puso.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga bagay sa kalikasan na sumasailalim sa malaking pagbabago (tulad ng caterpillar na nagiging paruparo). Maaari silang kumuha ng larawan ng isang bagay na ipapakita sa klase.

  • Mga larawang ipapakita: Isang larawan ng caterpillar at paruparo; isang larawan ng anghel na nagpakita sa Nakababatang Alma; isang larawan ni Jesucristo

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Isiping anyayahan ang isang adult na nabinyagan sa Simbahan na dumalo sa klase o mag-record ng video kung saan ibinabahagi niya kung paano siya natulungan ng Tagapagligtas na magbago. Tiyaking humingi ng pahintulot mula sa iyong coordinator at lokal na lider ng priesthood bago anyayahang pumunta ang tao.

Mosias 28

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapatindi ang kanilang hangaring ibahagi ang ebanghelyo.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kumausap ng isang tao na pinaniniwalaan nila na lubos na nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ano ang nakatulong sa taong iyon sa kanyang landas tungo sa pagbabalik-loob? Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na suriin ang kanilang hangaring ibahagi ang ebanghelyo.

  • Bagay: Isang bagay (o isang larawan ng isang bagay) na gustong-gusto mo, kaya nasisiyahan kang ibahagi ito sa iba

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Upang masimulan ang lesson, maaari kang magdala o magpakita ng larawan ng isang bagay na gustong-gusto mo kaya nasisiyahan kang ibahagi ito sa iba. Ibahagi ito sa mga estudyante bago itanong sa kanila ang unang tanong sa lesson.

Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 9

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang doktrinang itinuro sa mga doctrinal mastery passage at maipaliwanag ang mga ito sa iba.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na dumating sa klase na handang magbahagi ng isang pagkakataon na napagpala ang kanilang buhay sa pamamagitan ng isang taong nagpaliwanag ng mga banal na kasulatan sa kanila o noong napagpala nila ang buhay ng ibang tao sa pamamagitan ng paggamit o pagpapaliwanag ng mga banal na kasulatan.

  • Video:Pagpapalalim ng Ating Pagbabalik-loob kay Jesucristo” (10:05; panoorin mula sa time code na 6:34 hanggang 7:31)

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Ipakita ang tatlong hakbang sa pag-unawa at pagpapaliwanag ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na maghandang magbahagi ng isang doctrinal mastery verse sa ibang tao gamit ang mga hakbang na ito. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga breakout room upang isadula ang pagpapaliwanag ng doctrinal mastery passage na pinili nila.