Seminary
Mosias 26: “Kung Magtatapat Siya ng Kanyang mga Kasalanan … at Magsisisi”


“Mosias 26: ‘Kung Magtatapat Siya ng Kanyang mga Kasalanan … at Magsisisi,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 26,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 26

“Kung Magtatapat Siya ng Kanyang mga Kasalanan … at Magsisisi”

isang kabataang nakikipag-usap sa kanyang bishop o branch president

Paano tayo matutulungan ng pagsisisi sa ating pang-araw-araw na buhay? Bakit natin kailangang ipagtapat ang ating mga kasalanan bilang bahagi ng ating pagsisisi? Bilang mataas na saserdote sa Simbahan ng Tagapagligtas, nais ni Alma na tulungan ang mga nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Binigyan siya ng Panginoon ng malinaw na tagubilin tungkol sa dapat niyang gawin. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan ang mapagmahal at mapagpatawad na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at kung bakit dapat tayong magsisi sa ating mga kasalanan.

Mahalin ang mga tinuturuan mo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapupuspos tayo ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Manalangin na mapuspos ka ng pagmamahal na ito para sa iyong mga estudyante at maghanap ng mga pagkakataon upang maipahayag ang iyong pagmamahal sa mga angkop na paraan habang nagtuturo ka.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong nila tungkol sa pagsisisi. Hikayatin silang basahin ang Mosias 26, at alamin ang mga sagot sa mga tanong na ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang gagawin mo?

Kunwari ay narinig mong binanggit ng isang tao ang mga sumusunod na tanong at alalahanin tungkol sa pagsisisi:

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na pahayag at tanong bago magklase.

  • Hindi ako sigurado kung sulit na magsisi.

  • Bakit kailangan kong ipagtapat ang aking mga kasalanan? Bakit kailangang ipagtapat ang ilang kasalanan sa isang priesthood leader?

  • Napakarami kong kasalanan kaya hindi na ako mapapatawad ng Panginoon.

Tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang nadarama nila tungkol sa pagsisisi. Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang magawa ito.

Isipin sandali kung may kakilala ka na maaaring mayroon ng alinman sa mga alalahaning ito.

  • Ano ang iba pang mga tanong o alalahanin na maaaring mayroon ang isang tao tungkol sa pagsisisi?

Maaari mong idagdag sa pisara ang anumang tanong o alalahanin na babanggitin ng mga estudyante.

Pag-isipan kung aling isa o dalawa sa mga tanong o alalahaning ito ang magiging pinakamakabuluhan na pagtuunan mo sa pag-aaral mo ng lesson na ito. Humingi ng patnubay sa Ama sa Langit upang matulungan kang makahanap ng mga sagot at madagdagan ang iyong pag-unawa tungkol sa pagsisisi.

Mga Problema sa Simbahan

Matapos palayain ng Panginoon si Alma at ang kanyang mga tao mula sa pagkaalipin, sumama sila sa mga Nephita at sa mga tao ni Limhi sa Zarahemla. Doon, itinalaga ni Haring Mosias si Alma bilang pinuno ng Simbahan. Ang ilang tao sa ilalim ng pamamahala ni Alma ay gumagawa ng mabibigat na kasalanan at hindi nagsisisi (tingnan sa Mosias 26:1–6). Sila ay dinala sa harapan ni Alma, ngunit hindi malaman ni Alma kung ano ang nararapat gawin.

Basahin ang Mosias 26:13–15, 19–24, 28–31 at hanapin ang tagubilin na ibinigay ng Panginoon kay Alma.

Hikayatin ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang natutuhan. Kung magbabanggit sila ng mga totoong alituntunin, isulat ang mga ito sa pisara. Kung kapaki-pakinabang, maaari mong itanong ang ilan o lahat ng sumusunod:

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na dapat gawin ng mga tao upang matanggap at mapatawad Niya?

  • Ayon sa talata 23, bakit ang Tagapagligtas ang nararapat magpasiya kung sino ang mapapatawad at makatatanggap ng buhay na walang hanggan?

  • Ano pa ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?

Kung magsisisi tayo

Maaaring natukoy mo ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan at magsisisi tayo nang taos sa ating puso, patatawarin tayo ng Panginoon. Kapag madalas tayong magsisi, patatawarin tayo ng Panginoon.

  • Ano ang ibig sabihin ng ipagtapat ang ating mga kasalanan?

  • Sa palagay mo, ano ang ibig sabihin ng “[magsisi] nang taos sa [iyong] puso” (Mosias 26:29)?

  • Paano nakakaapekto sa iyong saloobin tungkol sa pagsisisi ang kaalaman na mapagpatawad ang Panginoon?

Ang mga alituntuning ito ay makatutulong sa mga tanong at alalahanin tungkol sa pagsisisi mula sa simula ng lesson.

Isipin kung pinakamainam bang talakayin ang lahat ng apat na alalahanin o pagtuunan ang isa o dalawa na maaaring pinakanauugnay sa iyong mga estudyante. Maaaring epektibo ring hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at paghandain silang tumugon sa iba’t ibang alalahanin.

Maaari mo ring anyayahan ang iyong kasalukuyang bishop o branch president na bumisita sa klase upang sumagot ng mga tanong tungkol sa pagsisisi at kapatawaran.

Pagsisisi

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher (2024)—“Mosias 26: ‘Kung Ipagtatapat Niya ang Kanyang mga Kasalanan … at Magsisisi’”

Alalahanin A

Hindi ako sigurado kung sulit na magsisi.

  • Anong mga banal na kasulatan at alituntunin mula sa Mosias 26, o iba pang mga banal na kasulatan, ang maaari mong ibahagi na makatutulong sa alalahaning ito?

Kung kapaki-pakinabang, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Mosias 26:23, 29–30, at basahin din ang ilan sa mga sumusunod na talata: 2 Nephi 9:23; 3 Nephi 9:22; 3 Nephi 27:19–20; Doktrina at mga Tipan 18:10–12; 19:15–20; 58:42–43.

Alalahanin na si Alma mismo ay nakagawa noon ng mabibigat na kasalanan sa kanyang buhay at nagsisi at tumanggap ng kapatawaran sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo (tingnan sa Mosias 11:5–7; 18:1–3; 26:15, 20).

  • Ano sa palagay mo ang maaaring ibahagi ni Alma sa isang taong may ganitong alalahanin?

Isiping mabuti ang naranasan mo o ng mga kakilala mo nang bumaling kayo sa Tagapagligtas na si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi.

Alalahanin B

Bakit kailangan kong ipagtapat ang aking mga kasalanan? Bakit kailangang ipagtapat ang ilang kasalanan sa isang priesthood leader?

Sinabi ng Panginoon kay Alma na ang mga nagkasala ay kailangang “magtapat ng kanyang mga kasalanan sa iyo [kay Alma, na kanilang priesthood leader] at sa akin [ang Panginoon]” (Mosias 26:29).

  • Dahil alam na ng Panginoon ang ating mga kasalanan, bakit mahalagang ipagtapat natin ang mga ito sa Kanya? Paano nito mapagpapala ang ating buhay?

Maaaring kabilang sa ilang ideya ang pagtulong nito sa atin na magkaroon ng pananagutan sa ating mga ginawa, maging mas mapagkumbaba, at mapatibay ang mga personal na ugnayan sa Panginoon kapag humihingi at tumatanggap tayo ng kapatawaran.

Basahin ang mga sumusunod na pahayag mula sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan at mula kay Elder C. Scott Grow, emeritus General Authority Seventy, at maghanap ng mga kaalaman kung kailan at bakit dapat tayong magtapat sa bishop o branch president.

Ang bishop mo ay may taglay na mga susi ng priesthood at mga espirituwal na kaloob na tutulong sa iyong magsisi. Maaari kang humingi ng tulong at payo sa kanya anumang oras. Kung nakagawa ka ng mabibigat na pagkakamali, tulad ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri, kausapin ang bishop mo. Hindi ka niya huhusgahan. Siya ay isang kinatawan ni Jesucristo at tutulungan ka niyang malaman kung paano lubos na magsisi at tanggapin ang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas. (Para sa Lakas ng mga Kabataan8)

Ang bishop ay may karapatan sa paghahayag mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga miyembro ng kanyang ward, pati na sa iyo. … Matutulungan ka [niya] na magsisi sa paraang hindi kayang ibigay ng iyong mga magulang o iba pang mga lider. …

[Kung hindi tayo magtatapat,] pinapasan [nating] mag-isa ang bigat ng kasalanan, sa halip na hayaang alisin ng Tagapagligtas ang pasanin. (C. Scott Grow, “Bakit Ko Kailangang Magtapat at Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat sa Bishop Ko?Liahona, Okt. 2013, 28–29)

  • Paano makatutulong ang pahayag na ito sa isang taong may mga alalahanin tungkol sa pagtatapat sa kanilang priesthood leader?

Alalahanin C

Napakarami kong kasalanan kaya hindi na ako mapapatawad ng Panginoon.

Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang babaeng naghugas ng mga paa ng Tagapagligtas gamit ang kanyang mga luha (tingnan sa Lucas 7:36–50), ang talinghaga tungkol sa alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:11–32), at ang pagpapatawad ng Panginoon kay Pablo (tingnan sa 1 Timoteo 1:15–16).

Alalahanin D

Ikaw ang pipili

Mag-isip ng isa pang makatotohanang alalahanin o tanong na posibleng mayroon ang isang tao tungkol sa pagsisisi. Pag-aralan ang “Magsisi, Pagsisisi” o “Pagtatapat, Magtapat” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org), at maghanap ng mga katotohanan na maaaring makatulong. Maaari mo ring pag-aralan ang mga kaugnay na banal na kasulatan sa “Magsisi, Pagsisisi” o “Pagtatapat, Magtapat” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (ChurchofJesusChrist.org). Maaari ding makatulong na pag-aralan ang “pagsisisi” sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan at pag-isipan ang nalalaman mo tungkol sa Panginoon na maaaring makatulong.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila at kung paano ito makatutulong sa isang tao na may ganoong tanong o alalahanin. Maghanap ng mga paraan upang mabigyang-diin ang pagmamahal at hangarin ng Panginoon na patawarin tayo kapag nagsisisi tayo.

Ano ang nangyari?

Basahin ang Mosias 26:34–37, at alamin ang nangyari nang sundin ni Alma ang mga tagubilin ng Panginoon.

Isulat sa iyong study journal kung ano ang maaaring gusto mong alalahanin o gawin dahil sa lesson na ito. Maaaring kasama sa pagninilay na ito kung paano mo gustong alalahanin ang kahandaan ng Panginoon na magpatawad o kung paano mo gustong sikaping ipagtapat at pagsisihan ang sarili mong mga kasalanan.

Maaari kang magpatotoo tungkol sa mga alituntuning itinuro sa lesson na ito.